Pahayag

Tugon sa pahayag ni Mayor Leo Cusi hinggil sa labanan noong Disyembre 18 sa bayan ng Roxas Makatwiran at makatarungan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka

,

Ito ay tugon ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro sa pahayag ni Mayor Leo Cusi ng Roxas, Oriental Mindoro kaugnay sa naganap na labanan noong Disyembre 18 sa Sityo Tinis-an, Barangay San Vicente sa pagitan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga berdugong sundalo ng 4th Infantry Batallion (IB).

Hayaan ninyong isa-isahin namin ang bawat puntong nilaman ng pahayag ni Mayor Cusi upang pasubalian ang kaniyang mga walang basehang paratang at bulag na sipat sa kalagayan ng kanyang nasasakupan.

Una sa lahat, napakababaw na pagsusuri ang ibaling sa BHB ang “karahasan” sa naganap na labanan noong Disyembre 18. Mayor Cusi, may karahasan sa Roxas, sa buong isla ng Mindoro at sa buong bansa dahil may digmang sibil na nagaganap sa Pilipinas. Ang digmaang ito ay may malalim na panlipunan at istorikal na batayan. Ang digmaang ito ay nagaganap dahil, salungat sa hibang na pantasya ng reaksyunaryong gubyerno, hindi “mapayapa at maunlad” ang Pilipinas.

Laging idinuduro ng mga reaksyunaryo katulad ni Mayor Cusi ang kanilang mga daliri sa rebolusyonaryong kilusan bilang pangunahing sanhi umano ng “mabagal na pag-unlad” ng kanayunan. Alam ba ng Mayor ang pundamental na problema sa kanayunan na dapat lutasin? Inaabot ba ng mga serbisyong panlipunan at programa ng reaksyunaryong gobyerno ang mga katutubo’t magsasaka sa kanayunan? Hanggang ngayon, hindi aksesible sa kalakhan ng pamayanan ng mga maralitang magsasaka at katutubong Mangyan sa Roxas ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Nananatiling wala o kulang ang lupang sinasaka ng mga magsasaka at katutubo at hindi sila nakakatanggap ng makabuluhang suportang pangkabuhayan o ayuda man lang mula sa reaksyunaryong gobyerno. Ito ang mga bagay na tinutugunan ng demokratikong gubyernong bayan na hakbang-hakbang na itinatayo ng rebolusyonaryong kilusan. Sa ilalim ng gubyernong bayan, natatamasa ng mga magsasakang Mindoreño at katutubong Mangyan sa unang pagkakataon ang kanilang mga karapatan na habambuhay ipagkakait sa kanila ng naghaharing sistema: Ang libre at progresibong serbisyong medikal at edukasyon saan man may rebolusyonaryong organisasyong masa o yunit ng BHB, ang karapatang pagmay-arian ang lupang kanilang binubungkal at mga produktong likha ng kanilang lakas paggawa at ang gubyernong tunay na kakalinga sa kanila.

Sa kasaysayan ng Mindoro, ang tunay na pag-unlad sa isla ay ibinunsod lamang ng rebolusyonaryong pagkilos ng masang Mindoreño kasama ang BHB at sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas. Hindi ba’t umunlad lamang ang buhay at kabuhayan ng libo-libong magsasaka at Mangyan matapos ang hene-henerasyong kahirapan nang lansagin ng rebolusyon ang mga pastuhan, ipamahagi ang lupa nang libre, tinuruan ang masa ng abanteng paraan ng pagsasaka, itinaas ang antas ng produksyon at kabuhayan sa balangkas ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan sa ekonomya?

Mahalagang lumapat sa lupa si Mayor Cusi upang maunawaan bakit patuloy na niyayakap at minamahal ng masang Mindoreño ang rebolusyonaryong kilusan sa isla. Mayor Cusi, may karahasan sa inyong bayan at sa buong Pilipinas dahil hindi kailanman ipinagkaloob at ipagkakaloob ng reaksyunaryong gubyerno sa mamamayan ang kanilang pambansa demokratikong mithiin. Araw-araw, tumitindi ang pang-aagaw sa lupang ninuno ng mga Mangyan, pagpapalit-gamit sa mga lupang sakahan, pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at paghihikahos ng mga manggagawang bukid. Samantala, sinisipsip ng mga ganid na panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador ang yaman at pondo ng bayan. Nagpapasasa rin ang mga parasitikong AFP-PNP, NTF-ELCAC sa bilyong salapi na sinasahod nila kapalit ng masugid na pagtupad sa kanilang maruming trabaho na panunupil sa mamamayan.

Pangalawa, Mayor Cusi, maging matapat sana kayo sa kung sino ang tunay na nagdudulot ng takot, pangamba at trauma sa mamamayan ng Roxas. Sino ba ang notoryus na mga teroristang kinatatakutan at kinamumuhian ng masa? Nakatala na at di mabubura ang rekord ng krimen laban sa mamamayang Mindoreño ng 4th IB at 203rd Brigade. Sinong makakalimot sa trauma at takot na dinulot ng walang pakundangang pambobomba ng 203rd Brigade para sa “test firing” umano na nakaapekto sa mahigit 10,000 residente ng Barangay San Vicente noong Abril 2023? Bukod pa ang pitong beses na pambobomba mula sa ere gamit ang pinagmamayabang ng AFP na Howitzer at tatlong beses na istraping gamit ang V150 Tank noong Marso 2022 sa kaparehong barangay. Ang walang patumanggang pamamaril sa bahay at pamilya ni G. Inyab noong June 7, 2022 sa So. Tauga Diit, Barangay San Vicente, Roxas noong masugagaan ng nag-ooperasyong 4th IBPA ang mga balatik ni G. Inyab sa kanyang lupa na sadyang nilikha para sa panghuhuli ng mga hayop. Nag-resulta ng kaswalti sa tropa ng 4th IBPA ang aksidenteng pagdaan nila sa balatik. Sa tindi ng galit ng mga pasistang sundalo, pinagbabaril nila ang bahay ni G. Inyab kung nasaan ang buong pamilya niya. Matapos mapatay ang dalawang masa at masugatan ang isa pa, ipinangalandakan ng kaaway may naganap na labanan.

Dagdag pa rito ang pagbabanta, panghaharas, pananakot at walang basehang pambabansag sa mga sibilyan bilang kasapi o “supporter” kuno ng BHB. Halimbawa na lamang ang kaso ng harasment ng AFP-PNP MIMAROPA sa isang sibilyan sa San Mariano, Roxas at iligal na pagbibinbin, pagkuha ng larawan, at pagpapapunta sa kampo ng isang menor de edad at dalawang senior citizen.

Mayor Cusi, kung hangad niyo ang tunay na kapayapaan para sa inyong mamamayan, marapat na kundenahin at itakwil ninyo ang AFP-PNP at ang kanilang madugong programang kontra-insurhensya. Ang mga armadong pwersa ng estado ang pinakamalaking balakid sa kapayapaan sa Roxas at sa buong bansa. Patakaran ng mga berdugong sundalo at pulis ang paglabag sa lahat ng umiiral na batas hinggil sa karapatang tao at digma.

Hindi niyo binanggit sa inyong pahayag, Mayor Cusi, pero ano ang ginawa ng mga sundalo sa labi ni Rosemarie “Ka Agnes” Gayadan, ang Pulang mandirigma na napaslang sa labanan noong Disyembre 18? Hindi ba’t ibininbin nang ilang araw ng mga sundalo ang katawan ni Ka Agnes hanggang sa halos mabulok ito? Hindi pa rito nasapatan ang pasistang 4th IB. Hinaras din ang humanitarian team na kasama ng pamilya ni Ka Agnes bago bastos na itinakbo ang kaniyang katawan palayo sa humanitarian team na nagsasagawa ng imbestigasyon. Malinaw na paglabag ito sa International Humanitarian Law (IHL). Nagdulot din ng takot sa komunidad kung nasaan ang puneraryang pinaglagakan ng katawan ni Ka Agnes ang pagkakampo ng 4th IB nang may dala-dalang matataas na kalibre ng baril at isang 6×6 na trak.

Para sa mamamayan ng Roxas, si Mayor Cusi ang tagapangulo ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC) na duwag na tumatarget pangunahin sa mga sibilyan. Sa pakikipagsabwatan sa NTF-ELCAC, inilalagay niya sa kapahamakan ang kapakanan at buhay ng kaniyang mga nasasakupan. Mistulang sunud-sunuran sa teroristang 203rd Brigade ang lokal na pamahalaan ng Roxas sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Cusi. Ang pahayag mismo ni Mayor Cusi ay mukhang kinopya sa iskrip ng 203rd Brigade.

Nais naming ipaalala sa Punongbayan ng Roxas na ang mamamayan dapat ang kaniyang paglingkuran, hindi ang berdugong 203rd Brigade. Panawagan ng rebolusyonaryong kilusan kay Mayor Cusi at sa iba pang lingkod bayan na huwag pumayag na diktahan at magpagamit sa NTF-ELCAC at AFP-PNP. Dapat kayong maging tunay na kinatawan at boses ng mamamayan na titindig para sa kanilang interes. Maging kaisa kayo ng masang magsasaka at katutubong Mangyan sa kanilang pakikibaka para sa lupa, sariling pagpapasya, at laban sa mga proyektong mapangwasak sa kalikasan. Itaguyod ninyo ang demokratikong interes ng mamamayang Mindoreño gaya ng sahod, trabaho, edukasyon, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan. Tumindig kayo para sa karapatang tao at lantarang labanan ang karahasan at pang-aabuso ng AFP-PNP-CAFGU.

Ang paghahari-harian ng mga militar at paggamit ng 203rd Brigade sa mga lokal na pamahalaan ng Mindoro ang patunay sa pag-iral ng di deklaradong batas militar sa isla. Hanggat nananatili ang batas militar na ito, di kailanman matatamasa ang mapayapa at maunlad na buhay sa Mindoro.

Ang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Mindoreño, ang pagiging inutil ng mga “lingkod bayan” sa pagtaguyod ng interes ng masa, ang brutalidad ng mga armadong pwersa ng estado—ito ang karahasan ng naghaharing sistema na ugat ng armadong tunggalian sa Mindoro at sa buong bansa. Hanggat hindi natutugunan ang mga suliraning ito, makatwiran ang pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Makatwiran at makatarungan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka