Makibaka para pangalagaan ang mga ilog, ipaglaban ang lupaing ninuno at kabuhayan
Nakikiisa ang NDFP-ST sa pakikibaka ng mga mamamayan ng mundo sa araw ng Marso 14 bilang Pandaigdigang Araw ng Pagkilos para sa mga Ilog upang pangalagaan ang kalikasan, buhay at kinabukasan ng mga mamamayan laban sa pangwawasak at pandarambong ng imperyalismo at mga kasabwat nitong lokal na burukrata.
Ang Pandaigdigang Araw ng pagkilos para sa mga Ilog ay sinimulan noong Marso 1997 sa Brazil na dinaluhan ng 20 bansa. Ibinunsod ang pakikibaka ng mamamayan ng Brazil para tutulan ang serye ng pagtatayo ng mga dam sa kanilang bansa noong dekada 1990 sa bahagi ng Amazon Rainforest dahil sa dulot nitong malawakang pagpapalayas sa pamayanan ng mga magsasaka at katutubo at pangwawasak sa kanilang kabuhayan at kalikasan. Itinatambol din dito ang karapatan ng mamamayan sa malinis na tubig bilang bahagi ng batayang karapatan. Buhat nito, taunan nang isinasagawa ang mga protesta sa iba’t ibang bansa. Tampok rito ang 120 pagkilos noong 2025 na isinagawa sa 30 bansa kabilang ang Pilipinas. Sa bansa, ipinanawagan ng mga katutubong Dumagat at kanilang mga taga-suporta ang pagpapatigil sa konstruksyon ng Kaliwa Dam na maghahatid ng perwisyo hindi lamang sa kanilang komunidad kundi sa mga bayan sa hangganan ng Rizal at Quezon.
Mahalagang bahagi ng pakikibaka para sa lupa ang paglaban para sa tubig. Ang mga ilog ay bumubuo ng 1% lamang ng lahat ng katubigan sa buong mundo. Ang sariwang tubig na ito mula sa mga kabundukan ay puno ng mga mineral na nagbibigay-sustansya sa lupa para yumabong ang mga pananim na kabuhayan para sa maraming magsasaka at katutubo.
Hindi maihihiwalay ang paglaban para sa tubig at iba pang bahagi ng kalikasan sa pakikibaka ng mga magsasaka lalfNDfo ng mga pambansang minorya para sa lupa. Kagyat na pasakit sa mga magsasaka at katutubo ang mapalayas sa kanilang sariling lupa at/o lupaing ninuno. Tinatanggalan din nito ng katiyakan ang susunod na henerasyon sa kabuhayan at kapakinabangan ng likas na yaman dahil ilulubog ang lupa at komunidad sa tubig. Habambuhay na negatibong epekto sa kalikasan ng konstruksyon ng mga proyektong dam ang magpapabilis na pagguho ng lupa sa mga panabihang ilog; bulnerabilidad na masira ang natural na ecosystem at sari-buhay ng mga ilog, gubat at kabundukan dahil sa pagbara sa natural na daloy ng tubig; pagbaba ng kalidad sa tubig; at kawalan ng mahahalagang mineral na kailangan ng lupa.
Sa Timog Katagalugan, tampok na mga pakikibaka sa konstruksyon ng mga dam ang isinusulong ng mga katutubong Dumagat at Remontado sa Sierra at mga mamamayan sa Rizal at Quezon; gayundin ang mga katutubong Mangyan at mamamayan ng Mindoro. Sa Sierra Madre, puu-puong libong mamamayan kabilang ang mga Dumagat at Remontado ng Tanay, Rizal at Gen. Nakar at Infanta ng Quezon ang apektado ng konstruksyon ng Kaliwa Dam. Perwisyo din ang Wawa-Violago Dam sa Rizal na apektado ang Wawa sa Montalban at Tayabasan sa Antipolo. Sa planong Lipitan Small Reservoir Project sa Occidental Mindoro, nasa 40,000 ang kabuuang apektado kabilang ang 1,400 katutubong Mangyan-Buhid. Ang Ahunan Dam naman sa Laguna ay pipinsala sa mga residente ng Pakil at Pangil.
Sa harap ng mga pinsalang dulot nito, iniraratsada pa rin ang mga proyektong dam ng nagdaang mga reaksyunaryong gubyerno sa ngalan ng mga kikbak. Taun-taong pinopondohan ang mga proyektong dam, kung saan kapwa naging mga prayoridad na proyekto sa pagsisimula ng kani-kanilang rehimeng Duterte at Marcos II ang New Centennial Water Kaliwa Dam. Sa ilalim ni Marcos Jr., nasa 24% na ang konstruksyon ng proyekto. Ginagamit ang “krisis” sa tubig at ang pagpihit sa renewable energy para bigyang-katwiran ang pag-abante ng proyekto. Pawang mga pantapal na solusyon ito sa sinasabing “krisis” sa tubig dahil monopolyo ng mga kumpanya ng tubig ang suplay at daloy ng tubig upang manipulahin ang singil sa serbisyong patubig. Kabalintunaan din ang sinasabi ng rehimeng US-Marcos II na pagpihit sa mga renewable energy dahil sa climate change habang malawakang sinisira naman ang mga kagubatan para bigyang daan ang proyektong renewable, quarrying at mina.
Hindi lamang proyektong dam ang inaabuso ng mga buwayang ito kundi pati flood control projects na itinatayo sa mga tabing ilog sa ngalan ng “kaligtasan” ng mamamayan. Bandang huli, dahil mga palpak at substandard ang mga yaring proyekto, ang mamamayang Pilipino ang nagdurusa, napeperwisyo at naaaksidente.
Sa ganito, hindi mapipigilan ng estado ang pagbulwak ng paglaban ng mga magsasaka at pambansang minorya, pati na rin ang iba pang sektor sa kabayanan na tiyak na apektado ng mapangwasak na konstruksyon ng dam. Ang kahirapan at ang pagdurusa sa mga mapanirang proyekto ang nagtutulak sa kanilang lumaban. Inspirasyon din sa kanilang pakikibaka ang mga tampok na lider-katutubo at magsasaka na nanguna sa pagtutol sa mga proyektong dam kagaya na lamang nina Macli-ing Dulag, isang Igorot sa Kalinga na lumaban sa Chico River Dam Project at Nicanor delos Santos, isang Dumagat sa Rizal na lumaban sa Laiban Dam.
Kailangang mahigpit na iugnay ang pakikibaka para sa lupa at kabuhayan ng mga magsasaka, sa pagtatanggol ng lupaing ninuno, sa pasismo ng estado, sa korapsyon ng burukrata kapitalista at panghihimasok ng mga dayuhang negosyo. Nararapat palakasin ang mga pakikibakang ito at mabuo ang pinakamalawak na pagkakaisa at determinasyon ng mamamayan na pigilan ang mapangwasak na konstruksyon ng mga dam. Bigkisin ang lahat ng pakikibaka ng mamamayan tungo sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon na magsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at magwawakas sa imperyalistang paghahari at burukratikong korapsyon.