Pahayag

Mamamayan ng Lambak Cagayan, magbalikwas! Ibagsak ang burukrata kapitalismo, ugat ng korapsyon at katiwalian!

,

Binabaha ngayon ng protesta at galit mula sa mamamayang Pilipino ang laganap na katiwalian sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr kasunod ng pagkakasiwalat sa laganap na korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura pangunahin sa gatasang mga “flood control projects.” Kaisa ang National Democratic Front-Cagayan Valley ng malawak na masa ng sambayanan sa pagpapanagot at paniningil sa matataas na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno, pangunahin si Marcos Jr, mga senador at kongresista, mga upisyal ng DPWH at iba pang ahensya na sangkot, tuwiran man o hindi, sa malawakang anomalya at korapsyon. Pangunahing dapat papanagutin si Marcos Jr na pumirma sa pambansang badyet na naglaan ng halos kalahating trilyong piso para sa mga ghost project, mababa ang kalidad at hindi matapos-tapos. Ang sistematikong sabwatang ito ng mga dinastiyang pulitikal, kontraktor at burukrata kapitalista na nagpapakasasa sa poder at nagkakamal ng yaman sa pamamagitan ng mga kickback, suhol, lagay o komisyon ay malalang sakit ng burukrata kapitalismo, isa sa mga batayang problema ng lipunang Pilipino.

Sa rehiyon ng Cagayan Valley, pinagdurusahan ng mga mamamayan ang malawakang pagbaha na taun-taong sumisira sa kanilang buhay at kabuhayan. Ito ay sa kabila ng mga ipinapamandilang flood control projects, dikes, drainage systems, riverbank protection at embankments. Sa katunayan, pangatlo ang lalawigan ng Isabela sa may pinakamaraming flood control projects sa buong bansa na umaabot sa 337 habang pang-18 naman ang Cagayan na may 167. Naghuhugas-kamay ang DPWH Region 2 sa pagsasabing wala raw ghost projects sa rehiyon na pinasinungalingan naman ng taumbayan. Masahol pa, mayorya ng mga proyektong pang-imprastraktura ay substandard na nagsasapanganib sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Pinakamatingkad dito ang pagguho ng Sta. Maria-Cabagan Bridge noong Marso na isinisi sa drayber ng “overloaded” na dump truck. Nagkakahalaga ng P1.25 bilyon ang naturang proyekto na itinayo ng kompanya ng kontraktor na si Ricardo Diaz Jr., na sangkot din sa P333 milyon halaga ng irrigation projects na hindi natapos. Kamailan lang din ng gumuho ang dalawang dikes sa Brgy Mallalatang Grande, Reina Mercedes matapos ang ilang araw ng sunud-sunod na pag-ulan. Halos kasabay din nitong natibag ang ilang flood control project sa Alicaocao, Cauayan City na hawak ng EGB Corporation na pag-aari ni Erin Baggao, isa sa 10 pinakamalalaking kontraktor ng flood control projects sa buong bansa na nakabase sa lalawigan ng Isabela.

Sa lungsod naman ng Ilagan, 69% o mahigit P1 bilyon halaga ng flood control projects ang hawak ng kompanyang Dragon Twelve, pag-aari ni Jonathan Diaz, kapatid ni Ilagan City Mayor Jay Diaz. Hawak din ng naturang kompanya ang 37 iba pang flood control projects sa lalawigan na may kabuuang halaga na P2.18 bilyon, kabahagi ang EGB Construction. Sa kabila nito, lagi pa ring lubog sa tubig-baha ang malaking bahagi ng syudad at buong probinsya. Sangkot din ang Dragon Twelve sa maanomalyang Ilagan-Divilacan Road. Maliban sa hindi na nga matapos-tapos ay natibag pa ang malaking bahagi na nagdulot ng kapahamakan sa mga residente ng Brgy. Sapinit. May sapi din sa nasabing kompanya si dating Isabela Vice Governor at ngayo’y 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III.

Hindi nalalayo ang kalagayan ng Cagayan sa malawakang pagbaha laluna tuwing mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre na pinasahol ng habagat, bagyo, pagkakalbo ng Sierra Madre at walang habas na pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam. Mula 2022-2025, may 158 flood control projects sa lalawigan na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Hawak ng TJMT Construction, pinakamalaking kontraktor sa probinsya, ang 30 flood control projects pangunahin sa unang distrito. Sa bayan lamang ng Baggao, umaabot sa P410 milyon ang hawak nitong mga proyekto na maraming naiulat na gumuho dahil sa malalakas na pag-ulan, gayundin sa mga proyekto nito Dugo, Dacala Fugo at Sapping sa bayan ng Camalaniugan. Samantala, pangpitong pinakamalaking kontraktor ng flood control projects si 3rd District Rep. Jojo “Pulsar” Lara na nagkakahalaga ng halos P300 milyon at iba pang proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan. Iniuugnay ang kanyang kumpanyang JLL Pulsar Construction Corporation na nag-subcontract diumano sa P285.9 milyon Pinacanauan Bridge 2 Project sa kontrobersyal na St. Gerrard Construction na pag-aari ng mga Discaya.

Maliban sa mababa ang kalidad at kinurakot ang pondo para sa mga proyektong flood control, ang sabwatan ng mga kontraktor, LGU at mga burukrata ang sanhi ng malawakang pagbaha dulot ng walang pakundangang operasyon ng kwari at dredging na sumisira sa natural na agos ng tubig at pagkatibag ng lupa. Kontrolado ng mga burukrata kapitalista ang pinagkukunan ng mga materyales tulad ng buhangin at graba na ginagamit sa mga itinatayong imprastraktura. Ang Dummun river sa bayan ng Gattaran halimbawa ay walang awat ang operasyon ng kwari na monopolisado ng dinastiyang Nolasco sa Gattaran at kongresista ng unang distrito. Ang operasyon naman ng kwari sa Dungeg river sa Sta Teresita ay kontrolado mga kontraktor at lokal na reaksyunaryong gubyerno na siyang nagsusuplay para sa mga proyekto sa Northeast at Northwest Cagayan, gayundin ang kwari sa Wangag river sa Gonzaga na hawak naman ng mga Pentecostes, despotikong dinastiya sa nasabing bayan at utak sa likod ng mapanirang black sand mining noong 2010.

Ginagawa ring tabing ng mga pulitiko, burukrata at mga negosyante ang huwad na programang pangkaunlaran at ekoturismo upang mangulimbat ng bilyon-bilyong pondo katulad na lamang ng Ilagan-Divilacan Road na ang dinastiyang Dy ang kontraktor para mapaboran ang mga resort nito sa coastal towns sa ilalim ng bogus na coastal development plan. Pinakamasahol ang black sand mining sa tabing ng Cagayan River Restoration Project at dredging sa ilog Cagayan na pinasinayaan noong Pebrero 2021 ng noo’y DPWH Sec. Mark Villar at DENR Sec Roy Cimatu, bilang sagot daw sa malawak at biglaang pagbaha sa Tuguegarao at buong Cagayan dulot ng Bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020. Nakikinabang dito ang mga kontratista at administrasyong Mamba, hindi lamang sa mga namiminang iron ore kundi mula sa kickback at badyet na inilaan para sa river control sa kahabaan ng ilog mula upstream hanggang downstream Cagayan.

Hindi lamang DPWH at mga lokal na burukrata kapitalista ang tiba-tiba mula sa mga proyektong ito. Dambuhalang gatasan ng mga heneral at upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Support to Barangay Development Program (SBDP) ng NTF-Elcac. Sa rehiyon ng Cagayan Valley, umabot sa 171 barangay ang naging mga benepisyaryo ng nasabing programa mula 2021-2025. Karamihan sa mga proyektong saklaw ng SBDP ang mga huwad na proyektong pangkaunlaran at imprastraktura tulad ng farm-to-market road, klinik, solar dryer at iba pang mga proyektong pangkabuhayan na hindi na nga angkop sa lugar, hindi pa tapos at hindi napakikinabangan ng mamamayan. Halimbawa rito ang box culvert project sa bayan ng San Miguel, Echague na inabutan lang ng 5th Infantry Division ng kakaunting barya habang pinasan na nga barangay ang kalakhan ng gastos para sa naturang proyekto. Noong 2024, wala ni isa ang natapos sa 855 proyekto ng NTF-Elcac sa buong bansa.

Saligang aspeto ng burukrata kapitalismo ang sistematikong korapsyon at katiwalian, at malalim na nakaugat sa sistemang malakolonyal at malapyudal. Kasabwat ng mga burukrata kapitalista ang malalaking burgesya kumprador at mga panginoong maylupa, at kinakasangkapan ang AFP-PNP upang supilin ang paglaban ng mamamayan. Hanggat hindi nababago ang sistemang panlipunan, hindi lubusang masasawata ang korapsyon at katiwalian, gayundin ang pamamayagpag ng mga dinastiya sa pulitika na direktang nakikinabang at kasapakat sa pamdarambong sa taumbayan.

Dapat na magbigkis ang malawak na hanay ng mamamayan, magbuo ng mga patriyotiko at demokratikong alyansa kontra korapsyon upang igiit ang katarungan para sa sambayanang pinagnanakawan at pinahihirapan, at parusahan ang mga kriminal na kurakot at mandarambong, laluna si Marcos Jr na pangunahing nagbubulsa sa kaban ng bayan. Dapat na ilantad at biguin ang kanyang paghuhugas-kamay sa usapin ng katiwalian. Buklurin ang pinakamalapad na nagkakaisang prente upang itransporma ang poot at pagkamuhi ng mamamayan sa estadong pahirap at magnanakaw tungo sa koletibo at militanteng pagkilos.

Sa kaibuturan, dapat na itayo ang Pulang kapangyarihang pampulitika at mga binhi ng demokratikong gobyernong bayan, palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan, kaalinsabay ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo na tutugon sa demokratikong kahilingan ng nakararaming magsasaka.

Mamamayan ng Lambak Cagayan, magbalikwas! Ibagsak ang burukrata kapitalismo, ugat ng korapsyon at katiwalian!