Pahayag

Mamamayan ng Metro Manila, ibayong pasiklabin ang pakikibakang masa mula kalunsuran hanggang kanayunan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Taas-kamaong pagbati ang ipinapaabot ng National Democratic Front-Metro Manila sa lahat ng mga pulang mandirigma at mga kumander ng Bagong Hukbong Bayan para sa ika-57 na annibersaryo ng pagkakakatatag nito! Ipinapaabot din ng rebolusyonaryong lihim na kilusan sa kalunsuran ang parangal at pagpupugay sa lahat ng mga martir at bayani ng BHB na nag-alay ng kanilang buhay upang paglingkuran ang sambayanan. Ang kanilang mga rebolusyonaryong ambag ay hindi kailanman malilimutan. Inspirasyon ang maningning nilang buhay at pakikibaka sa sumusulong na pambansa-demokratikong rebolusyon, na mapagpasyang ipinagpapatuloy ng kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryong ubos-kayang inaalay ang kanilang lakas at talino, at kahit buhay, upang pagtagumpayan ang demokratikong rebolusyong bayan.

Sa kasalukuyan, nararanasan ng mamamayang Pilipino ang walang katapusang pagdurusa sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema na pinalala pa ng pandaigdigang krisis na nililikha ng imperyalismo.

Mula sa walang puknat at garapal na pananakop ng imperyalistang US sa Venezuela noong Enero, walang pakundangan naman itong nakipagkuntsabahan sa zionistang Israel at nakipagdigma sa Iran, sa layon na magpatupad rin ng pagbabagong rehimen. Ngunit tulad ng naganap sa Venezuela, ang digmang ito ay pagkubli sa tunay na layunin ng imperyalistang US: ang pagkopo sa mayamang reserbang langis sa Iran upang panatilihin ang hegemonya nito sa pandaigdigang merkado ng langis.

Nagresulta ang panggegera ng US-Israel sa Middle East sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin, na dagok sa buhay ng ordinaryong mamamayang nagdurusa na sa gitna ng kasalukuyang istagnasyon at resesyon bunsod ng pagbagsak ng produksyon at malawakang disempleyo. Humaharap ngayon ang Pilipinas sa banta ng mas masidhing krisis sa ekonomya at matarik na pagbulusok ng kabuhayan. Bunga ng pag-iral ng neoliberal na polisiya at deregulasyon lalo sa langis, nasa kritikal na posisyon ang bansa dahil sa hindi maabatang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa sobrang patong sa presyo ng mga ganid-sa-tubong kumpanya.

Sa National Capital Region, ramdam na ramdam ng mamamayan ang pasakit na nililikha ng imperyalismong US at ng rehimen ni Marcos Jr. Bunga ng pandaigdigang krisis, ipinatupad ng mga malalaking kumpanya ng langis ang pagtaas ng presyo sa Kamaynilaan. Naglalaro na sa ₱80-₱96/litro ang gasolina sa mga gasolinahan habang ₱95-₱114/litro ang diesel at ₱85-₱134.89/litro ang kerosene. Hinambalos ng nagtataasang presyo ng petrolyo ang mamamayan na noon pa ma’y nagpapakasakit na mula sa tumataas na presyo ng bilihin. Higit pa, pinalala ng mga kalagayang pang-ekonomikong ito ang estado ng buhay ng mga maralita na kumakaharap din sa tangkang demolisyon sa kanilang komunidad. Sa mga syudad ng Taguig, Pasig, QC,  at Manila, libu-libong mamamayan ang nakaambang mawalan ng tirahan at kabuhayan upang bigyang daan ang mga korporasyon na magtayo ng kanilang negosyo. 

Upang supilin ang galit ng mga mamamayan sa sentrong lungsod, kinasangkapan ng inutil na rehimeng US-Marcos II ang armadong galamay nitong AFP, PNP, at NTF-ELCAC upang sagkaan ang karapatan ng mamamayang magmulat, mag-organisa, at magpakilos para sa kanilang kagalingan. Ang papalalang kondisyon ng buhay ng ordinaryong mamamayan sa NCR, dagdag pa ang pasismo at pagyurak sa karapatang pantao ng rehimen, ang nagtutulak sa kanila upang bagtasin ang rebolusyonaryong landas at yakapin ang demokratikong rebolusyong bayan. 

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit maraming mga manggagawa, maralitang lungsod, at mga kabataan ang patuloy na tumatangkilik at sumasapi sa rebolusyonaryong kilusan at mahigpit na yumayakap sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan. Mahal at kinakalinga ng masang anakpawis ang BHB, dahil aktibo nitong ipinagtatanggol ang masa at mahigpit na katuwang sa pagsusulong ng mga pakikibaka at kampanya ng mga anakpawis at sambayanang lumalaban. Sa kabila ng pinaiigting ang militarisasyon sa mga komunidad, pagkakaroon ng malalakas na armas, rekurso at pagsusulong ng malawakang panunupil, ay patuloy pa ring lumalakas ang BHB. Aktibo at mahigpit silang itinataguyod ng masang pinaglilingkuran kung kaya’t magiting na nabibigo ng mga pulang mandirigma ang mga atake ng mersenaryong AFP at PNP na pinaglilingkuran ang mga naghaharing-uri.

Ang umiiral na pandaigdigang sigalot at epekto nito sa ating bayan ay nangangahulugan ng isang paborableng kondisyon para sa rebolusyonaryong kilusan. Hinihingi ng pambihirang sitwasyon na ito ang higit nating pagtalima sa ating tungkulin na palakasin ang pakikibaka sa lungsod upang suportahan ang armadong paglaban sa kanayunan. Kinakailangan nating abutin ang pinakamalawak na mmamamayan sa ating rehiyon para manindigan at kumilos sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan, at gamitin ang talino at kakayanan upang umambag sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka at sa pinakamataas ay sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan. Marapat lang na ating harapin ang mga sakripisyo at kahirapan sa pagsisikap na ibalik at higitan ang dating lakas nang sa gayon ay mawakasan na ang papalalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi.

Hangga’t nananatili ang matinding kahirapan, kagutuman, pang-aapi, panunupil at inhustisyang dulot ng isang lipunang malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian lamang ng mapagsamantalang naghaharing-uri, patuloy lamang na lalakas ang rebolusyon at maging ang Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na Hukbo ng mamamayan.

Manggagawa, maralita, at kabataan, tumungo sa kanayunan at isulong ang matagalang digmang bayan na lulutas sa kahirapan, pang-aalipin at inhustisyang nararanasan ng sambayanang Pilipino sa kasalukuyan!

Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng BHB, ang tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Mamamayan ng Metro Manila, ibayong pasiklabin ang pakikibakang masa mula kalunsuran hanggang kanayunan! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!