Pahayag

Mamamayang Masbatenyo: Makiisa sa pagsingil kay rehimeng US-Marcos Jr at VP Sara Duterte sa pagkurakot sa pondo ng bayan at sa tumitinding pasismo ng estado!

Kasabay ng paggunita sa ika-53 taong anibersaryo ng malagim na panahon ng pagdeklara ng Martial Law sa bansa ng dating pasista, kurap, tuta at diktaduryang Ferdinand Marcos Sr, babagtasin ng laksa-laksang mamamayang Pilipino ang mga lansangan mula sa iba’t ibang prubinsya, rehiyon hanggang sa sentrong syudad ng kamaynilaan. Galit na isisigaw ang pagpapanagot kay rehimeng Bongbong Marcos Jr maging kay bise-presidente Sara Duterte sa pagwaldas at pagbulsa ng daan-daan at multi-bilyong pundo ng bayan.

Hindi pa nga napapanagot ang pamilyang Marcos sa kanilang krimen sa mamamayan, sa pagbulsa sa pera ng bayan at pagkamatay ng libuang Pilipino dahil sa Martial Law sa kapanahunan ng kanyang amang diktador. Namumuo na naman ngayon sa ilalim ng pamumuno ng isa na namang Marcos ang malagim na kapanahunan ng dating diktaduryang Marcos Sr.

Ang daan-daan at multi-bilyong bilyong pundo para sa edukasyon at flood control project ay winaldas at kinurakot ng rehimeng Marcos at mga kasapakat nito sa pulitika at ng dating kaalyado na si VP Sara Duterte. Mula ito sa dugo at pawis ng mamamayan na matapat na nagbubuwis sa gubyerno na umaasang ibalik ito sa kanila bilang serbisyo at para sa ikauunlad ng kanilang kabuhayan at bayan. Hindi upang nakawin at ibulsa ng mga buwaya sa gubyerno.

Upang hindi madiin at takasan ang pananagutan sa mamamayan, kunwaring inimbestigahan ni Marcos Jr ang mga kapalpakan sa dati niyang ipinagmamayabang na mga flood control project. Pilit din nitong pinoprotektahan ang kanyang pinsan na si Ferdinand Martin Romualdez, ang speaker of the house, dahil sa paglitaw ng pangalan nito sa pagkakasanggkot at isa sa itinuturong nasa likod ng malawakang kurapsyon sa pundo ng flood control projects.

Nanggagalaiti sa galit at kinamumuhian ng mamamayan sina Marcos Jr at Sara Duterte, dahil sa halip na ituwid at akuin ang kanilang mga pagkakamali at krimen ay nagtuturuan pa ang mga ito. Kung sinu-sino ang pinaaakong mga oposisyon sa pulitika habang kanya-kanyang pilit pinagtatakpan ang kanilang krimen at kinukuha ang simpatya ng mamamayan.

Walang kasing kapal ang mukhang nagpahayag pa si Marcos Jr na “kung hindi lang siya pangulo ng bansa ay kasama siya sa mga kilos protesta ng mamamayan”. Habang siya ang puno’t dulo ng malawakang kurapsyon na naggaganap sa pundo ng bayan. Sa kabilang banda, sinasakyan naman ni Sara Duterte ang nararamdamang galit ng mamamayan upang higit pang siraan ang kanyang kalaban sa pulitika at ilihis ang galit sa kanya ng mamamayan.

Umaapaw din ang galit at labis na poot na nararamdaman ng mga mamamayan sa kanayunan laluna ng mga magsasaka dahil sa tumitinding pasismo at karahasan na kanilang nararanasan. Araw-araw silang naliligalig at nagdurusa sa pagpapairal ng rehimeng US-Marcos Jr at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng batas militar sa kanilang mga barangay. Inaalisan sila ng mga militar ng kapangyarihan at karapatan na magpasya maging ang mga lokal na upisyal ng barangay para sa kanilang kabuhayan, kaligtasan at pang-araw-araw na pamumuhay. Kasabay nito, inaagaw ng rehimeng US-Marcos Jr ang lupa at kabuhayan ng mga magsasaka para sa pagpasok at pag-opereyt ng mga makadayuhang proyekto tulad ng mina, ekoturismo, rantso at marami pang iba.

Hinahayaan nitong dambungin at wasakin ang kabuhayan ng mamamayan kapalit ng suhol at kikbak mula sa mga dayuhang korporasyon. Walang konsensya at kahihiyang pinaglalaruan ng mga nangungunang pinuno ng bansa ang mamamayan. Inaakala nilang mabubulag sa kanilang mga inasukalang mga pahayag, mapagtakpan at matakasan ang kanilang krimen sa bayan. Ang ilang araw ng walang tigil na pagdaluyong ng mamamayan sa mga lansangan at sentrong syudad ay malinaw na nagpapakita ng pagiging sawa na sa mga palusot ng mga namumuno sa gubyerno. Ang mga pagkilos na ito ng mamamayan kasabay ang patuloy na pagtangan ng armas ng mamamayan ang sisingil at magpapanagot sa mga magnanakaw, mamamatay-tao, tuta at diktador na sina Marcos Jr, Sara Duterte at mga kasabwat nila.

Nananawagan sa mamamayang Masbatenyo ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate na makiisa upang ipamalas ang galit sa rehimeng US-Marcos Jr at VP Sara Duterte. Singilin at panagutin ang mga ito hindi lang sa pagsubasta at pagnakaw sa pera ng bayan kundi sa ipinapatupad nitong pasismo na sumusupil sa karapatan at kalayaan ng mamamayan sa buong bansa.

Dapat kumilos at makiisa ang masang Masbatenyo upang mariing hadlangan ang unti-unting pagpapanumbalik ng rehimeng US-Marcos Jr sa Martial Law na ngayon ay nararanasan na ng mga mamamayan sa lahat ng barangay sa kanayunan ng bansa.

Walang dapat na ikatakot! Dahil makatarungan ang anumang mga pagkilos at protesta maging ang pagtangan ng armas na ilinulunsad ng mamamayan kung ang namumuno sa bansa ay inutil, kurakot, pasista, tuta at kontramamamayan.

Mamamayang Masbatenyo: Makiisa sa pagsingil kay rehimeng US-Marcos Jr at VP Sara Duterte sa pagkurakot sa pondo ng bayan at sa tumitinding pasismo ng estado!