Mamamayang Mindoreño, ipaglaban ang karapatan sa lupa, kabuhayan at kalayaan!
Kaisa ang NDFP-Mindoro sa paggunita sa ika-74 na taon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao o International Human Rights Day. Dapat gunitain ng mamamayang Mindoreño ang araw na ito nang may determinasyon na puspusang itaguyod ang laban para sa karapatan sa lupa, kabuhayan, kalayaan at katarungan sa harap ng pinag-ibayo pang pag-atake sa mamamayan ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II.
Ang kinakaharap ngayon ng mga Mindoreño na pang-aatake sa kanilang mga karapatan ay mauugat sa pinasisidhing kalagayang sosyo-ekonomiko sa bansa at sa isla. Pinagkakaitan ng karapatang mabuhay nang disente ang mayorya ng mamamayan laluna ang mga magsasakang siyang bumubuo sa 90% ng populasyon ng isla na siyang nagpapakain sa mga mamamayan. Hanggang ngayon, wala o kulang sa lupa ang mga magsasaka at umiiral ang sistemang pyudal, malapyudal, maliitan at atrasadong pagsasaka sa kapatagan man o kabundukan. Napakataas ng upas a lupa, napakababa ng pasahod, napakataas naman nginteres sa pautang. Dagdag pa, napakababa ang presyo ng produktong bukid habang napakamagal ng mga gastos sa pagsasaka tulad ng abono’t pestisidyo. Pinalala pa ito ng anti-magsasakang neoliberal na mga patakaran at mga batas tulad ng Rice Tariffication Law. Nagdulot ang mga ito ng labis na importasyon ng produktong agrikultural tulad ng bawang, sibuyas, asin, at iba pa na nagdulot ng pagkalugi lalo ng mga magsasaka sa Mindoro at bansa. Bunga nito, nakikita ng mga magsasaka ang pangangailangang magkaisa, kumilos at lumaban para makamit ang kanilang demokratikong kahilingan sa lupa at kabuhayan.
Ang lehitimong paglaban ng masang magsasaka para sa lupa, kabuhayan at karapatan sa Mindoro ay marahas na sinusupil ng mapang-aping rehimeng US-Duterte at ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos-Duterte. Ginagamit nito ang armadong pwersang 203rd Brigade-PNP-MIMAROPA para dahasin, takutin at busalan ang pakikibaka ng aping magsasaka. Sumisigaw ng hustisya ang 126,000 mga biktimang Mindoreño ng paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ng criminal-tiraniko-teroristang rehimeng US-Duterte Hindi pa nakakamit ang hustisya, nagpatuloy at ibayo pang lumubha ang mga pag-atake at paglabag sa mga unang buwan pa lamang ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte. Ngayong taon lamang, limang beses nang biniktima ang mga Mindoreño ng pambobomba, panganganyon, at istraping na lumikha ng takot at pangamba sa mga sibilyan. Garapalang nilalabag ng mersenaryong tropa ang International Humanitarian Law sa patuloy na pagkampo sa mga simbahan, eskuwelahan, at pampublikong lugar sa mga operasyon nitong FMO at RCSPO. Nito lamang Nobyembre, inatake ng pasistang tropa ang bayan ng Rizal at Calintaan sa Occidental Mindoro kung saan hindi bababa sa 18,000 sibilyan ang apektado ng FMO-RCSPO.
Samantala, patuloy na inaapi ang katutubong Mangyan na nananahan sa kabundukan ng isla. Waring may Martial Law sa mga lugar na sinasaklaw ng FMO-RCSPO dahil sa mga pasistang hakbangin na curfew, pagbabawal sa pagkakaingin o pagpunta sa sakahan, tsekpoynt, panghaharang sa pagkain at iba pa.
Ang terorismong inihahasik ng estado ay lalo pang sisidhi oras na makapanumbalik ang malakihan at mapangwasak na mina sa Mindoro. Unti-unti na itong nararamdaman sa mga aktibidad tulad ng pagpupulong sa mga komunidad ng katutubong Mangyan-Buhid upang ipatanggap ang mina ng natural gas. Dayuhan kumpanyang Petkin Petroleum ang nakatakdang magmina sa saklaw ng lupang ninuno ng Mangyan-Buhid. Ipinantatabing sa proyektong mina ang Tamaraw Reservation and Expansion Project (TREP) na di umano’y naglalayong ipreserba at paramihin ang endemikong Tamaraw. Nakaambang palayasin ang 25,000 katutubong Mangyan mula sa mga liblib na pamayanan sa ngalan ng TREP at para sa mina.
Inamyendahan din ng Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ang 25 taong moratorium sa mina ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ng pagpahintulot operasyong quarry ng armour rocks sa lalawigan. Ang pataksil na pagbasura sa mining moratorium ay manipestasyon ng pagsasawalambahala ng lokal na mga burukrata sa gubyerno sa buhay at kabuhayan ng mamamayan alang-alang sa pagtaguyod ng interes ng malalaking burgesya-kumprador at dayuhang nagmamay-ari ng mga minahan. Panimula lamang ito sa pagbibigay pahintulot sa operasyon ng mas malalaking minahan ng mga dayuhang korporasyon at malalaking burgesya-kumprador.
Makatwiran ang pagtutol ng mga Mindoreño sa panunumbalik ng mina dahil wawasakin nito ang mga ilog, kabundukan at pipinsalain ang mga sakahan. Sa ganito asahan nang sasahol ang militarisasyon sa isla upang supilin ang paglaban ng mamamayan. Gaya ng nakagawian ng estado, tatatakang terorista at dadahasin ang nakikibakang mamamayan. Ngunit hindi patatakot ang mga Mindoreño!
Itinutulak ng kasalukuyang sitwasyon ang mamamayan na tumindig para sa kanilang karapatan. Dapat sumalig ang aping masa sa lakas ng kanilang sama-samang pagkilos upang makamit ang kanilang denokratikong kahilingan. Balik-aralan at halawan ng inspirasyon ng mamamayang Mindoreño ang kanilang masisigla at militanteng mga kampanya kontra sa mina na nagresulta sa pagpapasara ng minahan ng karbon sa FF Cruz, Bulalacao, Oriental Mindoro noong dekada ’80 at nagluwal ng 25-taong moratorium sa mina sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Kailangang bigkisin ang lahat ng mamamayang Mindoreño mula sa iba’t ibang uri at sektor upang mabuo ang isang malapad na alyansa na magtatanggol sa karapatan ng mamamayan. Palawakin at pasiglahin ang mga kilusang masa na magtatambol sa panawagan ng mga Mindoreño para sa lupa, kabuhayan, trabaho at demokratikong karapatan sa loob at hanggang sa labas ng isla.
Higit sa lahat, ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Marerealisa lang ang ating demokratikong kahilingan kung magkakaisa ang laksa-laksang mamamayan na pabagsakin ang bulok na estado ng dayuhan at iilan upang palitan ng panibagong estado kung saan nananaig ang interes ng nakararaming mga maralita at aping uri.
Makatarungan ang maghimagsik at humawak ng armas. Soberanong karapatan ito ng sambayanang Pilipino at dapat niyang gamiting armas upang kamtin ang tunay na pambansang kalayaan, demokrasya, kasaganaan at katarungan.
Sa tagumpay ng isinusulong na armadong pakikibaka, matitibag ang pundasyon ng bulok na estado. Lilikhain nito ang demokratikong gubyernong bayan, ang tunay na gubyerno ng mamamayan. Iluluwal ng ating puspusang pakikibaka ang lipunang makatarungan at lehitimong nagtataguyod ng karapatan at interes ng mamamayan.
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!