Pahayag

Mamamayang Mindoreño, labanan ang korapsyon at pahirap-sa-mamamayan na rehimeng US-Marcos II!

Sa paggunita ng anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA, alalahanin natin ang makasaysayang pagkilos ng mamamayan na nagpatalsik sa pasista at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Sa kasalukuyan, nakaupo bilang presidente ang kanyang anak na si Ferdinand Marcos Jr—ang commander-in-chief ngunit sa katunayan ay ang commander-in-thief sa Malacañang. Pitong buwan na ang lumipas simula nang pumutok ang isyu ng korapsyon kung saan nasiwalat ang pangungulimbat ni Marcos Jr. at ng kanyang mga kasabwat sa mga flood control projects. Noong Setyembre 2025, libu-libong mamamayan ang napakilos at nagprotesta sa Luneta para makiisa sa kampanyang kontra-korapsyon at panagutin ang lahat ng sangkot. Noong Disyembre 2025 naman, nahalwat ang anomalya sa mga farm-to-market roads. Ilan lamang ito sa iskandalosong anomalyang kinasangkutan ng mga matataas ng opisyal ng gobyerno, bukod pa ang pondong unallocated ( o pork barrel fund) at confidential and intelligence funds ng opisina ng presidente at bise-presidente ng bansa. Sa pangkabuuang nalantad na ₱695 bilyon pork barrel, na ang ₱281 bilyon ay mapupunta kay Marcos Jr. lamang. Dagdag na usapin pa ang kinasangkutang anomalya sa pondo ng Dep-ed noong hawak pa ito ni VP Sarah Duterte.

Sa halip na lutasin ang lumalalang krisis pang-ekonomiya sa bansa—tumataas na presyo ng mga bilihin, kawalan ng hanapbuhay at mababang pasahod, bagsak na presyo ng produktong bukid, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, sumisirit sa gastos sa pagsasaka, at mga mapangwasak na kalamidad at bagyo sa taong 2025—masugid na ipinagtatanggol at itinataguyod ng rehimeng US-Marcos II ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng mga burukrata kapitalistang pinangungunahan ni Marcos Jr, at ng mga panginoong maylupa-burgesya komprador.

Sa isla ng Mindoro, tampok ang mga ghost flood control projects na ilang taon nang itinatayo pero hindi matapos-tapos o kaya nawawala. Natukoy ang FCP na nakakontrata sa mga kumpanyang pag-aari ni Elizaldy Co at ng mga Discaya sa Mag-asawang Tubig, Bucayao, Panggalaan at Dulangan River na mga substandard. Pinakamatingkad na larawan ng ghost FCP ay nasa Barangay Apitong, Naujan na may alokasyon sa tatlong magkakasunod na taon at may kabuuang halagang 700M pero ni isang poste sa project site ay walang makita. Kabilang din dito ang P3Bilyong halaga ng FCP sa Brgy Tagumpay sa parehong bayan na naiulat bilang tapos ngunit sa aktwal ay hindi pa natatapos pero ubos na ang pondo. Pinangalangan mismo ni Marcos Jr. ang mga Co at Discaya na kabilang sa 15 pinakamalalaking kumpanyang nakakuha ng kontrata sa nasabing proyekto. Ilan sa mga kumpanyang pag-aari ni Zaldy Co na may proyekto sa Mndoro ay ang Sunwest, Legacy, HGG, habang ang sa Discaya ay ang St Gerard at St Timothy.

Nang naipit sa kontrobersya, sasambulat sa mukha ni Marcos Jr ang isiwalat ni Zaldy Co na utos ng presidente ang budget insertions na nagkakahalagang P100 bilyon sa inaprubahang alokasyon na General Appropriationg Act 2025 matapos itong naipinal at inaprubahan ng Kongreso. Kabilang sa mga isiningit na proyektong ito ang hawak nina Co at Discaya na FCP sa Mindoro. Kaya hindi nakapagtatakang maging ghost project ito at kung may ipatupad man ay pakitang tao lamang dahil ang tunay na intensyon ay ibulsa ang nasabing pondo ng commander in thief sa Malacañang, ang utak sa likod ng pangungulimbat sa pondo ng bayan.

Lansakang katiwalian, pagsisinungaling, panloloko sa bayan ang ginawang ito ni Marcos Jr. Nagpapakita ng impunidad at kumpyansadong hindi siya mapapanagot dahil hawak niya sa leeg ang Senado, Kongreso, mga ahensya sa ilalim ng Pangulo (pangunahin ang DBM at DPWH) at kasabwat ang mga kontraktor.

Bukod sa mga nabanggit nang anomalya sa mga proyekto sa Mindoro, nariyan pa ang Mindoro Island Circumferential Road na sinimulan noong 2014 sa mga bayan ng Abra de Ilog sa Occidental Mindoro at Puerto Galera sa Oriental. Ayon sa DPWH, “60% complete” na raw ang proyekto habang may 18.2 kilometro ng kalsada ang di pa naitatayo. Malinaw na walang humpay na panlilinlang at pagnanakaw sa mamamayang Mindoreño ang ginagawa ng reaksyunaryong estado dahil higit isang dekada na nilang pinapangako ang mga proyekto pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naisakatuparan. Dagdag pa rito, ang hindi pa tapos na tulay sa Barangay Udalo, Abra de Ilog na sinimulan noon pang 2023. Habang binubulsa ng DPWH ang ₱ 145 milyong pondo para sa tulay, patuloy na sinasalanta ng baha ang mamamayang Mindoreño.

Ang dalawang probinsya ng Mindoro ay kabilang sa 20 probinsya sa bansa na pinakabulnerable sa mga baha. Kaya naman, buhusan man ng FCP sa mga probinsyang ito ay walang magiging kwestiyon dahil sa pangangailangan ito ng mamamayan dito. Subalit ang gamitin ang panganib ng pagbaha bilang panabing sa pangungurakot ay hindi mapapatawad na krimen sa bayan at lalo na sa mga Mindoreño. Mula 2015 na humagupit sa Oriental Mindoro ang bagyong Nona, bumabalik ang trauma sa bawat bagyong dumadaan dahil alam nila ang magiging kapalaran – pagkasira ng kabuhayan, panganib sa buhay at walang ayudang tatanggapin mula sa gobyerno para makabawi sa sinalasang kalagayan.

Matinding kahirapan ang nararanasan ng mga magsasaka, katutubong Mangyan, manggagawa, estudyante at iba pang mamamayang napeperwisyo at naantala ang buhay at kabuhayan sa tuwing tag-ulan at may bagyo. Imbes na pangalagaan ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan, nilalagay ng reaksyunaryong gobyerno sa panganib ang buhay ng masa para sa pansariling interes. Male-maletang salapi ang harap-harapang ninanakaw ni Marcos Jr. habang kalunus-lunos ang pananalanta sa mamamayan. Napakabigat na krimen ito sa masang anakpawis at buong sambayanan.

Kung susumahin ang mga nasirang kabuhayan dahil sa pangungulimbat sa FCP at kabuuang pondo ng bayan, walang katarungan na makatutumbas kundi ang tuluyan nang patalsikin si Marcos at Sarah Duterte sa kanilang katungkulan bilang pangunahing mga opisyal ng bansa.

Nanunuot ang matinding kasakiman sa rehimeng US-Marcos II at pangkating Duterte kaya sa pagbulwak ng krisis, napakainam ng sitwasyon para magkaisa at lumaban ang masa at umigpaw pasulong sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB). Habang lumalakas at lumalawak ang kilusang masa sa kalunsuran kung saan libu-libong mamamayan ang tumutungo sa lansangan upang singilin at panagutin si Marcos Jr. at ang bulok na gubyernong kanyang pinaghaharian, lalong tumitingkad ang papel ng armadong pakikibaka at kawastuhan ng digmang bayan bilang natatangi at pinaka-epektibong sandata ng mamamayan para sa tunay na pagbabago. Dapat sagpangan ang paborableng sitwasyon, samantalahin ang biyakan sa hanay ng mga naghaharing uri upang imulat, pagkaisahin at pakilusin ang masa ayon sa programa ng DRB. Dapat buuin at patatagin ang nagkakaisang hanay ng mamamayan laban sa burukrata kapitalismo at para sa pagsusulong ng DRB.

Singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Marcos II, pangkating Duterte at buong burukrata kapitalistang sistema sa pagpapahirap sa mamamayan!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa tunay na malaya at demokratikong lipunan!

Mamamayang Mindoreño, labanan ang korapsyon at pahirap-sa-mamamayan na rehimeng US-Marcos II!