Mamamayang Palaweño, gunitain ang Pag-aalsang EDSA sa ibayong paglaban sa papet, pasista at pahirap na rehimeng Marcos II

Napapanahon ngayon ang paggunita sa ika-37 taon ng Pag-aalsang EDSA UNO sa unang taon ng pasista’t ilehitimong rehimeng US-Marcos II. Malinaw sa buong sambayanang Pilipino na walang pinag-iba si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ama niyang diktador na nagpataw ng batas militar noong 1972. At katulad ng sinapit ng matandang Marcos, itatapon din ng nagkakaisang lakas ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan ang rehimeng Marcos II sa basurahan ng kasaysayan.

Ang pagiging diktador, papet, mandarambong at pahirap na rehimeng US-Marcos noon ang dahilan kung bakit siya isinakdal at pinabagsak ng sambayanang Pilipino. Ang mga katangiang ito rin ng paghahari ng kanyang anak ang matabang lupa upang magbuklod ang mamamayan at lumaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan at kagalingan.

Mula nang umugat ang rebolusyonaryong kilusan sa Palawan noong dekada 1980 sa panahon ng diktadurang US-Marcos, namulat na ang mamamayang Palaweño sa kapangyarihang malilikha ng rebolusyonaryong sama-samang pagkilos at sa loob ng halos apat na dekada ay tuluy-tuloy na nilabanan ang mga anti-mamamayang patakaran at programa ng nagpalit-palitang rehimen. Matapang silang nakibaka at bumoses laban sa mapaminsalang proyektong mina sa Timog Palawan. Itinayo nila sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan na nagpunyaging kumilos sa lalawigan sa gitna ng matinding pang-aatake ng WESCOM. Mula noon, naging mahigpit na kapanalig ng mga Palaweño ang PKP at BHB laban sa mga lokal at dayuhang nagsasamantala sa kanila.

Sa kasalukuyan, muling ipinamamalas ng mamamayang Palaweño ang masidhing kapasyahan sa pagkakaisa’t sama-samang pagkilos sa pagbarikada at panawagang ipatigil ang operasyon ng Ipilan Nickel Corporation sa Brgy. Maasin, Brooke’s Point mula Pebrero 18. Tangan nila bilang inspirasyon ang mga pumuputok na pagkilos ng mamamayan sa rehiyon ngayong buwan tulad ng pagmartsa ng mga katutubong Dumagat at Remontado nang siyam na araw laban sa konstruksyon ng Kaliwa Dam at ang matagumpay na pagkilos ng mga Sibuyanon sa Romblon na nagpatigil sa operasyon ng mina ng Altai Philippine Mining Corporation. Nararapat lamang na higit silang magkaisa para tutulan at labanan hindi lamang ang mga mina kundi ang lahat ng mga proyektong dayuhan at lokal na makapipinsala sa buhay, kabuhayan at kalikasan ng lalawigan.

Matapos alisin ng nagdaang rehimeng US-Duterte ang mining moratorium, unti-unti nang nagbalikan ang operasyon ng mapinsalang mga kumpanya ng mina kabilang ang Ipilan Nickel Corp. Tiyak na di magtatagal, magbabalik-operasyon na rin ang Riotuba Nickel Corp., MacroAsia Mining Corp., Berong Nickel Corp., Pyramid Hills Mining and Industrial, Coral Bay Mining Corp., at Citinickel Mining & Development Corp. Winawasak ng mga ito ang kalikasan sa pamamagitan ng pagkalbo sa kagubatan at pagbutas sa mga bundok sa ganid na layuning dambungin ang likas na yaman ng lalawigan. Ang kanilang operasyon din ang itinuturo ng masang salarin sa malubhang mga pagbaha noong nakaraang buwan sa Timog Palawan.

Kinakamkam din ng malalaking plantasyon ng dayuhan at mga lokal na naghaharing-uri ang malalawak na lupain ng mga magsasaka at lupaing ninuno ng pambansang minorya. Laganap ang plantasyon ng oil palm na nagsisilbi sa negosyo ng pandaigdigang merkado, hindi sa pangangailangan ng bayan.

Sinasamantala rin ng estado ang magandang kalikasan ng Palawan para pagkakitaan sa anyo ng turismo at agro-turismo. Noong Pebrero 17, bumisita si Department of Tourism Secretary Christina Frasco sa lalawigan upang kasabwatin ang lokal na gubyerno sa “pagpapaganda” ng Palawan sa mata ng mga dayuhang turista sa layuning manguna ang Pilipinas sa turismo sa buong Timog Silangang Asya. Tinarget nilang magkaroon ang Palawan ng 5 milyong turista sa loob ng taon.

Daang milyong piso kada araw naman ang kinikita ng mga pribadong kumpanyang Prime Infrastructure Capital, na pagmamay-ari ni Enrique Razon, Jr. at ng Udenna, na kinokontrol ni Dennis Uy sa proyektong Malampaya gas. Nitong Pebrero 15 lamang ay ipinanawagan ang pagtatapos ng kontrata ng gubyerno sa mga pribadong kumpanya sa Malampaya gas project at na dapat ito ay kontrolin na ng gubyerno ng Pilipinas. Ang Malampaya gas project ay sinimulan sa ilalim ng diktador na Marcos Sr. noong 1973 sa pakikipagkasundo ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa mga pribado at dayuhang kumpanyang Royal Dutch Shell at Chevron Corporation at nakatakdang magtapos ang kontrata sa 2024. Sinusuplayan nito ng kuryente ang buong Luzon mula sa hinihigop na mineral gas sa karagatan ng Palawan, habang ang kalakhan ng mamamayang Palaweño ay walang kuryente o mahal ang binabayad sa Palawan Electric Cooperative. Masahol pa, pinagkakitaan lang ito ng mga nagpalit-palitang lokal na burukrata sa lalawigan mula sa matandang Salvador “Badong” Socrates noong panahon ni Marcos Sr. hanggang sa anak nitong si Victorino “Dennis” Socrates sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II.

Sa harap ng krisis pang-ekonomya na dinaranas ng bansa partikular na ang krisis sa pagkain at agrikultura, walang nakikitang solusyon si Marcos Jr. kundi ang ibayong pagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran sa pag-iimport at pagiging bukas na lagakan ang bansa ng sarplas na kalakal ng mga dayuhan. Habang binabaha ang bansa ng dayuhang kalakal, bagsak naman ang presyo ng lokal na produktong agrikultural sa Palawan tulad ng palay, niyog, saging at iba pa.

Tahasang pagyurak sa soberanya ng bansa ang deklarasyon at pagkumpirma ni Marcos II sa pagdadagdag ng base at pasilidad militar ng US sa probinsya. Nagsisilbi ito sa estratehikong layunin ng US na palawakin ang hegemonya sa buong Indo-Pasipiko at pahigpitin ang kontrol nito sa bansa at gamitin itong lunsaran ng pang-uupat ng gera sa karibal na imperyalistang China. Idadagdag ito sa dati nang mga base at pasilidad militar ng US sa probinsya tulad ng Naval Station Carlito Cunanan sa Ulugan Bay at ng Antonio Bautista Air Base sa Palawan International Airport. Lunsaran din ang probinsya ng mga magkatambal na pagsasanay militar ng mga mersenaryong tropang Amerikano at Pilipino na labis na ikinabahala ng mga residente.

Tulad noong panahon ng batas militar sa ilalim ng diktadurang Marcos, iwinawasiwas din sa probinsya ang pasismo at terorismo ng estado sa mga inilunsad na focused military operations at retooled community support program operations ng Western Command sa pamamagitan ng Joint Task Force Peacock. Gayunman, nabigo itong kamtin ang target nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla bago natapos ang termino ni Duterte. Hanggang sa kasalukuyan sa ilalim ng panibagong Marcos sa estado-poder, patuloy na nagpapatatag at nagpupunyagi ang rebolusyon sa Palawan para muling bigwasan ang mga reaksyunaryo at pasistang tropa sa probinsya na patuloy na naghahasik ng pagsasamantala, tiraniya at panunupil sa mga Palaweño.

Sa gitna ng dinaranas na pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng pasista, papet, korap, palpak at pahirap na ilehitimong rehimeng US-Marcos II, malinaw na walang ibang landas para sa mamamayan kundi ang landas ng pakikibaka. Magsisilbing inspirasyon ang Pag-aalsang EDSA ng 1986 sa buong sambayanang Pilipino upang muling itanghal ang kolektibong lakas para ilantad, kundenahin at labanan ang naghaharing pangkating Marcos-Duterte. Gayundin, mas malaking aral na natutunan ng mamamayan na hindi sapat ang mga pag-aalsa at repormang burges upang tuluyang baguhin ang kasalukuyang sistema. Namulat ang buong bayan na dapat isulong sa mas mataas na antas na anyo ang paglaban sa pamamagitan ng paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan. Ang tagumpay nito ang magkukumpleto sa pagwasak sa marahas at reaksyunaryong estadong naglilingkod sa iilan at sa pagbagsak ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at ng buong sistemang malakolonyal at malapyudal. Sa pagbagsak nito, itatatag ang estadong malaya, demokratiko, makatarungan at masagana para sa buong sambayanang Pilipino upang kamtin ang sosyalismo.###

Mamamayang Palaweño, gunitain ang Pag-aalsang EDSA sa ibayong paglaban sa papet, pasista at pahirap na rehimeng Marcos II