Statement

Sa unang taon ng pagggunita sa pagpanaw ni Propesor Jose Maria Sison Mamamayang Palaweño, puspusang balikatin ang nagpapatuloy na pagtahak sa makauring pakikibaka at pagpapalaya tungo sa walang kapantay na antas! Buong-giting na dakilain at isabuhay ang ginintuang diwa at pamana ni Ka Joma!

Muling iginagawad ng mamamayang Palaweño, ng nakikibakang maralita, magsasaka at katutubo, at ng buong kilusang rebolusyonaryo at mga yunit ng BHB sa Palawan ang pinakamataas at natatanging pagkilala at pagpupugay kay Jose Maria Canlas Sison (JMS): ang ating dakilang komunistang guro at bayani ng rebolusyong Pilipino.

Ang napakayamang legasiya at ang mga di-matatawarang naiambag ni Kasamang JMS o Ka Joma, sa proletaryong pandaigdigang pakikibaka ay isang di-masasaid na balon at mapagpasyang pwersang panulak para sa mga nagpapatuloy na rebolusyonaryo at maging sa malawak na nagkakaisang masa na palagiang patalasin at pataasin ang kapasidad na magmulat, mag-organisa at magpakilos at dalhin sa mas mataas pang antas ang paglaban para sa tunay na demokrasya at pambansang paglaya.

Naging malaking kawalan man siya sa rebolusyonaryong hanay at sa sambayanang naghahangad ng pangmatagalan na panlipunang pagbabagong tutugon sa mga lehitimong kahingian at demokratikong interes, mananatili at yayabong pa ang alaala at mga dakilang aral niya sa tuluy-tuloy na paglalapat at pagsasabuhay ng kanyang mga turo at mga natipong karanasan.

Mula sa pagpanaw niya noong ika-16 ng Disyembre 2022, napakasigla ang mga isinagawang pagtitipong pagpaparangal, misang-pakikiramay at mga aktibidad na nagbibigay-pugay at nagbabalik-tanaw sa mahigit-anim-na-dekadang kasaysayan ng kanyang pagpupundar ng makauring pakikibaka hanggang sa puspusang paggiya sa mga henerasyon ng mga rebolusyonaryong kadre at sa mismong landas tungong sosyalismo. Simboliko ring maituturing ang kanyang lagpas-80 taon ng kanyang buhay na makulay at tigib-ng-tunggalian sa katumpakan at sa di-mapapasubaling tagumpay na kahahantungan ng dakilang pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.

Nasa balikat ng kasalukuyang henerasyon ng rebolusyonaryo at komunistang Pilipino kung paano isasabuhay at pananatilihing naglalagablab ang diwang kinakatawan ni Ka Joma, ang kanyang mga aral at gabay para tanglawan ang masalimuot na landas ng pagharap sa matinding brutalidad ng estado, magpanibagong-lakas at muling sumulong.

Bilang tagapagtatag, tagapangulo at tagatimon ng mga progresibo, pambansa-demokratiko, at ng mga rebolusyonaryong organisasyon, pinapaalalahanan tayo ni Ka Joma na mahigpit nating panghawakan at isabuhay ang linyang masa sa lahat ng panahon – na hindi dapat maputol ang mahigpit nating ugnay at pag-ugat sa masang lakas ng rebolusyon. Dapat nating palagiang alamin ang kanilang kalagayan at mga hinaing, tipunin ang kanilang rebolusyonaryong entusiyasmo at enerhiya sa iisang kumpas at tiyak na kolektibong pagpapasya.

Bilang mahusay, dedikado at walang-kapagurang propagandista at manunulat, kanya tayong pinupursige na palaging patalasin at lalong pasaklawin ang ating mga panawagan at tiyaking tumatagos ito sa masa. Hindi rin natin dapat kaligtaan na huwag magmintis at mangiming ilantad at birahin ang mga pasista, inutil at ganid sa kapangyarihan tulad nina Marcos-Duterte at Socrates-Alvarez, at ng mga taksil at demonyong tulad ni Justin Kate Raca, Allan Tuting, mga bayarang sina Jeffrey Celis at Lorraine Badoy na labis-labis na umaasa sa pagbubulid ng kasinungalingan at pagbabaluktot sa katotohanan.

Sa pagiging guro, at mag-aaral ng kasaysayan – gamit ang Marxismo-Leninismo-Maoismo para mapahusay ang pag-alam at pagsusuri sa malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino at sa obhetibong mundo–inihahanda tayo ni Ka Joma sa pagsuong sa mga liko, ikid, tinik at tilos na iniluluwal ng mga tunggalian: sa pakikihamok man sa mga kaaway o sa pagreresolba ng mga usapin sa loob mismo ng kilusan. Dapat nating balik-aralin at limiin ang mga akdang naglapat ng MLM sa kalagayan ng lipunang Pilipino at nagsapraktika ng kawastuhan ng rebolusyon, ng hakbang-hakbang na pagpapalakas para sa armadong paglaban.Talakayin at ibahagi natin sa masa ang kabang-yaman ng mga sulatin niya at ang di nagmamaliw na kabuluhan nito sa proletaryong rebolusyong Pilipino at buong daigdig.

Bilang isang proletaryado at Internasyunalistang nagsulong ng makauring digma, idiniin ni JMS na magagawa ng nagkakaisang armadong mamamayan na harapin, igpawan, at lubusang gapiin ang mga atake at dominasyon ng imperyalismo gaanuman ito kalakas. Dapat itong tanganan ng nakikibakang Palaweño laluna’t kritikal at estratehiko ang kinalalagyang lokasyon ng ating bansa at probinsya, na nasa West Philippine Sea–na bahagi ng teatro ng napipintong inter-imperyalistang digmaan sa pagitan ng US at China. Kapwa pinatitindi ng China, na nagpupustura pa ring Komunista, at ng mapang-upat na teroristang pwersa ng US ang tensyon sa rehiyon. Ginagamit ng US ang mersenaryong tuta nitong si Marcos Jr at AFP kabilang ang WESCOM.

Gawin nating inspirasyon ang dakilang buhay at di-matatawarang dedikasyon ni Ka Joma sa dakilang simulain ng rebolusyon para suungin ang lahat ng hamon at lagpasan ang mga balakid sa ating pagsulong. At tulad ng kanyang mga huling-salita bago tuluyang mawalan ng hininga, nasa ating matatag at tila-aserong kapasyahan ang ganap na tagumpay, sapagkat “di-magagapi ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino!”

Habampanahon na pag-alabin ang diwa at buhay ni Ka Joma!
Maging huwaran at dakilang lider ng masa!
Maging guro at mag-aaral ng masa at digmang bayan!
Maging maaasahan at mapagpalayang proletaryado ng sambayanan!

Makatarungan ang magrebolusyon:
Tularan si Ka Joma! Sumapi sa PKP!
Tularan si Ka Joma! Sumampa sa BHB!
Digmang bayan, sagot sa kahirapan!

PKP-BHB-NDFP di magagapi!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Paglingkuran ang sambayanan! Tuloy ang Laban!

Mamamayang Palaweño, puspusang balikatin ang nagpapatuloy na pagtahak sa makauring pakikibaka at pagpapalaya tungo sa walang kapantay na antas! Buong-giting na dakilain at isabuhay ang ginintuang diwa at pamana ni Ka Joma!