Pahayag

Digmang bayan ang sagot sa kahirapan at pasismo! Sumapi sa NPA!

,

Kaisa ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan ang buong sambayanan sa selebrasyon ng ika-55 anibersaryo ng New People’s Army. Sama-sama nating ipinagdiriwang ngayon ang pagkakatatag ng NPA. Ang araw ng Marso 29, 1969 ay naging simula ng armadong pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa pamumuno ng muling tatag na Communist Party of the Philippines (CPP) at nagpatuloy ng rebolusyong 1896. Nakamit nito ang walang-kaparis na lakas sa inabot na antas at saklaw. Nagbigay ng pag-asa sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ang pagkakaroon ng sarili at tunay nilang hukbo na nagsusulong ng rebolusyonaryong hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Ang araw na ito ang hudyat na nagkaroon ng katiyakan ang pagwawakas sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Ito rin ay araw ng paggunita natin sa mga martir ng sambayanang Pilipino. Pinagpupugayan ang mga dakilang martir na mga opisyal sa pulitika, Pulang kumander at mandirigma ng NPA sa isla ng Palawan na sina Josephine “Ka Sandy/Cecil/Billy” Mendoza, Bonifacio “Ka Nato” Magramo, Charity “Ka Rise” Diño, Noli “Ka Selnon” Siasico, Ma. Andrea “Ka Naya” Rosal, Rona Jane “Ka Lemon” Manalo, Jay-ar “Ka RG” Sento, Nelyn “Ka Aldin” Dabdab Emon, Remel “Ka Azumi” Padilla Rodriguez at ang iba pang mga naunang kasama na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para sa sambayanan. Tunay silang mga bayani at pinakamahuhusay na mga anak ng bayan. Ang kanilang mga ginintuang alaala ng kagitingan at kabayanihan ay patuloy na magniningning sa ating mga puso at isipan. Magsisilbi silang tanglaw at inspirasyon sa malawak na sambayanang nakikibaka sa harap ng matinding terorismo at panunupil ng reaksyunaryong estado. Muli ngayong pinatitibay ang determinasyon ng bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo sa Palawan na isulong ang matagalang digmang bayan sa probinsya, anumang sakripisyo at pasakit ang kailangan, para mag-ambag sa kabuuang pambansang pagsulong at makamit sa hinaharap ang tagumpay.

Binabati rin natin sa araw na ito ang mga opisyal at kasapi ng mga Milisyang Bayan (MB) at Yunit Pananggol sa Baryo (YPB) na mahigpit na katuwang ng mga pultaym na Pulang mandirigma ng NPA sa pagbibigay ng mga napakahalagang serbisyo sa mga magsasaka, manggagawang-bukid, mga setler at pambansang minorya. Laluna sa mga panahong nasa ibang lugar ang NPA at wala sa inyong mga baryo, kapuri-puri ang ipinamalas na katatagan, katapangan at kagitingan ng mga MB at YPB sa pagtatanggol sa masa ng rebolusyon sa mga baryong magsasaka at pamayanan ng mga katutubo mula sa mga atake ng berdugong tropa ng kaaway. Binabati rin natin ang rebolusyonaryong mamamayan sa Palawan na matatag na lumalaban sa iba’t ibang paraan sa todong pasistang paninibasib ng rehimeng US-Marcos II laluna sa kanayunan at sa tumitinding panghihimasok ng imperyalismong US sa isla.

Mula nang inihasik sa lalawigan ng Palawan ang binhi ng armadong pakikibaka, mabilis na nakaugat at lumaganap ang digmang bayan at NPA sa isla sa ilalim ng absolutong pamumuno ng CPP. Sa takbo ng kasaysayan, bagamat dumanas tayo ng maraming liku’t ikot, kahirapan, sakripisyo at pagbuwis ng buhay sa sunud-sunod na mga atake ng kaaway, at dulot nito’y nagkaroon ng mga pag-atras at pansamantalang pagka-iwan sa isla sa mga nakaraan, sinikap nating makapagpunyagi, makapagpalawak at magsulong ng komprehensibong gawain sa isla. Nakapaglunsad tayo ng matutunog na taktikal na opensiba bilang tugon sa panawagan at kahilingan ng mamamayang Palaweño na parusahan ang mga naghaharing-uri at pasistang WESCOM na pumipinsala sa buhay at kabuhayan ng masa at sa kalikasan ng isla. Naglunsad tayo ng mga kampanyang antipyudal at nagsulong ng rebolusyong agraryo upang tulungan ang mga maralitang magsasaka sa kanilang mga suliranin sa kabuhayan. Nilabanan natin ang pangwawasak sa kapaligiran at malakas na ipinatambol ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagpapahinto ng mga mapandambong na proyektong pagmimina at pagtotroso. Masikhay at determinado tayong nagmulat, nag-organisa, at nagpakilos ng mamamayan para ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan at interes. Mula sa halos wala, naipundar at nakapagpalawak tayo ng baseng masa sa isla sa gitna ng walang habas na terorismo ng iba’t ibang mga yunit ng kaaway sa ilalim ng WESCOM. Hindi tayo nag-atubiling magbigay ng iba’t ibang anyo ng serbisyong panlipunan na kaya nating ihatid tulad ng edukasyon, medikal, pagtulong sa kabuhayan, pagsawata sa mga kriminal at masasamang elemento at iba pa. Dahil dito, humigpit ang suporta at pagmamahal ng masang Palaweño sa NPA at higit na nakitang makatarungan ang isinusulong nating digmang bayan.

Ilang pasistang rehimen na ang dumaan, ilang Oplan na inilunsad laban sa rebolusyonaryong kilusan na nangarap na durugin ang armadong paglaban ng mamamayan, na pawang nabigo! Gayunman, hindi pa sila natututo sa kasaysayan—na hangga’t nariyan ang pang-aapi at pagsasamantala, ang pasismo at terorismo ng estado na ugat ng kahirapan at pagdurusa ng bayan, nananatiling mataba ang lupa sa pag-aarmas ng mamamayang Palaweño. Tulad ng nakaraang mga itinakda nitong dedlayn, tiyak na mabibigo ang todo-gerang inilulunsad ng rehimeng US-Marcos II para lansagin ang lahat ng larangang gerilya ng NPA sa katapusan ng Marso, wasakin ang lahat ng panlabang yunit ng NPA sa katapusan ng Hunyo at ubusin ang lahat ng panrehiyong komite ng Partido bago ang katapusan ng taon. Nahihibang sila sa pangarap na ito at hindi lubos na nauunawaan na ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan at armadong pakikibakang isinusulong ng NPA ay makatarungan at nag-uugat sa malalim na problemang panlipunang malaon nang pinadurusahan at determinadong wakasan ng mamamayang Palaweño. At kung gayon, pangkasaysayang pangangailangan sa isang lipunang puno ng pang-aapi at pagsasamantala ang isang rebolusyonaryong digma na pinamumunuan ng CPP.

Sa kasalukuyan, nag-aalab ang damdamin ng mamamayan ng Palawan laban sa rehimeng US-Marcos II at mga galamay nito sa lokal na reaksyunaryong gubyerno sa todong pagpapahirap sa mga mamamayan ng isla. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, singil sa kuryente at tubig, gasolina, mga kagamitan sa pagsasaka habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa at manggagawang-bukid, at sadsad sa lupa ang presyo ng produkto ng mga magsasaka at mangingisda. Malawakang pinapatay din ng rehimeng US-Marcos II ang kabuhayan ng daan-libong drayber at opereytor ng jeepney at UV express sa pagpapatupad ng PUV modernization. Punumpuno ng poot ang masang magsasaka na sa gitna ng kanilang paghihikahos at gutom ay higit pang binibigyang laya ng kasalukuyang administrasyon ang malalaking dayuhan at lokal na korporasyon at negosyo ng mga burgesya kumprador na dambungin ang likas na yaman ng isla para sa sariling kapakinabangan sa kapinsalaan at pagsasamantala sa mga Palaweño. Pabor na pabor at itinutulak pa ng lokal na gubyerno ng Palawan sa pangunguna ng tambalang Alvarez at Socrates ang pagratsada ng chacha na lalong magbubuyangyang sa likas na yaman nito sa mga dayuhang monopolyo kapitalista! Abot-langit na ang pagkamuhi ng mamamayan sa mga kumpanya ng mina, konsesyon sa pagtotroso at mga plantasyon ng monocrop tulad ng oil palm at iba pa na nangangamkam ng kanilang lupain at nagwawasak sa kalikasan. Higit ang pagdurusa ngayong sinasalanta na ang probinsya ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño at ng matinding mga pagbaha bago pa nito. Sa halip na bigyan ng ayuda at tulong upang makaagapay sa pang-araw-araw na buhay at kabuhayan ang mga magsasaka, manggagawa at mangingisda, higit pa nitong nilulunod ang masang Palaweño sa lusak ng pagdarahop sa ipinatutupad nitong mga anti-mamamayang patakaran, programa at proyekto.

Habang nahihibang ang WESCOM sa ilusyon nilang nagapi na ang NPA sa isla, itinututok naman umano nila ang pokus sa eksternal na depensa sa lantarang panghihimasok ng imperyalismong US sa isla. Gayunman, kabalintunaang pinatitindi nila ang militarisasyon sa pagdaragdag ng tropa sa isla kung saan naninibasib ngayon dito ang Marine Battalion Landing Team 3, 7 at 9. Samantala, matinding takot at pangamba ang nararamdaman ng mamamayang Palaweño sa todong pagpapakasangkapan ng rehimeng US-Marcos II sa US sa paggamit sa isla bilang lunsaran ng digma nito sa napipintong pagsiklab ng gerang US-China. Sunud-sunod ang mga pagsasanay militar ng mga sundalong Amerikano sa mga baybayin ng Palawan at sa West Philippine Sea, nagpapatuloy ang pagtatayo ng bagong base militar at pasilidad ng US sa Balabac, dagdag sa dati nang naitayong Antonio Bautista Air Base at Naval Station Carlito Cunanan sa Puerto Princesa. Hinihigop ng US ang isla sa alimpuyo ng digma sa patuloy na pag-udyok sa China na umuna ng putok na tiyak na ikapapahamak ng mga Palaweño at mangingisdang naghahanapbuhay sa WPS. Tusong nirerekluta pa ng WESCOM ang mga mangingisdang Palaweño para maging reserbang hukbo nito! Samantala, wala namang ni anumang aksyon ang rehimen sa patuloy na pang-aapi at panghaharas ng mga milisya at barkong pandigma ng imperyalismong China sa maliliit na mangingisdang Palaweño, maging sa pagdambong at pagwasak sa yaman sa karagatang saklaw ng Pilipinas sa WPS at pag-angkin sa mga bahura at maliliit na isla doon na kung tutuusin ay bahagi ng Palawan at ng exclusive economic zone ng bansa.

Sa harap ng lahat ng ito, ibayong naglalagablab ang hangarin ng mamamayang Palaweño na isulong ang armadong pakikibaka sa isla. Lalong kumikintal sa isip at kamalayan ng masang magsasaka at mangingisda na wala silang kahit na ano kung wala ang New People’s Army na kaagapay nila sa pagtatanggol sa kanilang buhay at mga karapatan, at kasama nila sa pakikibaka para sa lupa at kabuhayan. Sa panahon ng mga kalamidad na tumatama sa isla tulad ng baha at El Niño, lalo na sa mga liblib na lugar sa kanayunan, ang NPA ang unang nakapagbibigay ng tulong at saklolo sa mga magsasaka at katutubong biktima ng sakuna at kalamidad. Sinusuong ng NPA ang mga kahirapan at panganib upang makapaghatid ng tulong at serbisyo dahil nasa kaibuturan na ng pang-araw-araw na buhay ng NPA ang pagpapauna sa kapakanan at paglilingkod sa masa, may kalamidad man o wala.

Milya ang layo at pagkakaiba ng katangian ng NPA kumpara sa pasista, terorista at mersenaryong tropa ng AFP at PNP. Ang busilak at marubdob na pagmamahal ng NPA sa sambayanan at ang malalim nitong dedikasyon at kapasyahan na ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang mga dahilan kung bakit lubos din tayong minamahal, tinatangkilik at tinataguyod ng mamamayang Palaweño. Kabaligtaran naman ito sa mga teroristang AFP sa WESCOM na labis na kinasusuklaman at kinamumuhian ng malawak na mamamayang Palaweño dahil winawasak nito ang pagkakaisa ng taumbayan, binabawi ang mga napagtagumpayan ng masang magsasaka sa pagsusulong ng RA, pagpapalaganap ng mga anti-sosyal na gawain, nagkakalat ng mga kahalayan at dekadenteng kultura lalo na sa hanay ng mga katutubo at higit ang paghahasik ng teror at kalupitan sa masa.

Pamalagiang mataba ang lupa sa Palawan para sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Hangga’t nananatili ang pang-aapi, pasistang panunupil, matinding kahirapan, kagutuman, at inhustisyang dulot ng isang lipunang malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador, uring panginoong maylupa, magpapatuloy ang rebolusyon at ang paglakas ng NPA—ang tunay na Hukbo ng mamamayan. Patuloy na sumapi sa NPA ang pinakamabubuting anak ng bayan, ang mamamayang Palaweño, ang mga kabataang magsasaka, pati na ang mga kabataang estudyante, manggagawa, at maging mga propesyunal at tagapagtanggol ng karapatan at kalikasan. Digmang bayan ang katiyakan sa paghawan sa landas ng malaya, demokratiko masagana, makatarungan at mapayapang lipunan.

Ipagdiwang ang ika-55 taong anibersaryo ng New People’s Army!
Mabuhay ang NPA!
Isulong ang armadong pakikibaka sa Palawan!
Sumapi sa NPA!

Digmang bayan ang sagot sa kahirapan at pasismo! Sumapi sa NPA!