Manggagawang Pilipino, tanganan ang makasaysayang papel ng uring proletaryado sa inspirasyon ni Gat. Andres Bonifacio
Nagpupugay ang RCTU-ST sa paglahok ng daan-daang manggagawa sa makasaysayang araw ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 2025. Tinatakan ng uring manggagawa ang araw na ito bilang araw ng mga bayaning anakpawis. Sa inspirasyon ni Bonifacio, nararapat na lalong pasiglahin ang pagkilos ng mga manggagawa at pahigpitin ang pagkakaisa sa iba pang aping sektor laban sa pananakot, panunupil, pandarambong at pagpapakatuta ng rehimeng US-marcos II.
Isang malaking tagumpay ang paghugos ng masang anakpawis sa mga lansangan upang singilin at papanagutin sina Marcos at Duterte sa garapalang pandarambong sa pera ng mamamayan mula noong pumutok ang isyu ng korapsyon hanggang sa makasaysayang araw na Nobyembre 30. Makatwiran ang pagsigaw ng hustisya at pananagutan sa pagpapakasasa sa perang dinambong ng naghaharing uri habang lugmok ang kalagayan ng sambayanang Pilipino. Bahagi lamang ang pangungurakot ng flood control projects (FCP) sa mas masaklaw pang pandarambong sa iba pang pondo ng bayan at napakaraming krimen ng rehimeng US-Marcos II sa mamamayan. Kabilang dito ang pagpapalaganap ng kultura ng impyunidad at karahasan lalo sa mga nakikibakang mamamayan, pagpataw ng pahirap na kalakarang pumapabor lamang sa mga dayuhan, lokal na naghaharing uri, patuloy na pangangayupapa sa imperyalismong US sa pagpapagamit nito sa gerang niluluto sa West Philippine Sea at grabeng pagpapabaya sa hinaing ng mamamayan.
Kasabay ng panawagang papanagutin ang mga kurakot na salot, patuloy na ipinaglalaban ng manggagawa sa rehiyon ang kanilang pakikibaka sa karapatang pangmanggagawa. Naglunsad ng mga welga ang mga manggagawa sa Nexperia at Wyeth para sa makatarungang sahod at iba pang karapatan ng mga manggagawa sa proseso ng pakikipagtawaran sa kapitalista. Patuloy na iginigiit at ipinagtatanggol ng mga manggagawa ng Technol Eight, Philfoods at iba pa ang mga napanalunang tagumpay sa collective bargaining agreement sa kapitalista. Inilunsad nila ang mga aksyong protesta bilang pag-ugnay sa kanilang pakikibaka sa paggawa sa gitna ng garapalang pagnanakaw sa pondo ng bayan.
Makatarungan ang pagkakapit-bisig ng mga manggagawa sa iba pang uri at sektor para igiit sa estado ang pagpapatalsik sa pwesto sa mga magnanakaw na sina Marcos at Duterte, kabilang ang iba pang mga kurap na pulitiko. Bilang tagapanatili ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal, ipinatupad ng mga burukrata kapitalista katulad nina Marcos at Duterte ang mga mapagsamantala at mapang-aping batas sa utos ng imperyalismong US na pinakikinabangan ng mga kasabwat na dambuhalang kapitalista, malaking kumprador-panginoong maylupa sa bansa. Pinapasan ng uring anakpawis ang mga pasakit na ito habang nakikinabang ang mga naghaharing uri sa yamang pinagpaguran ng bayan. Patuloy na nagbibingi-bingihan ang rehimeng US-Marcos II sa kahilingan ng manggagawa at kanilang pamilya sa higit ₱1,200 pambansang minimum wage, pagpawi sa lahat ng sistema ng kontraktwalisasyon, makatarungang kalagayan sa paggawa, labor export policy at sapat na trabaho sa bansa. Garapalang umuutang ang rehimen ng bilyun-bilyon na pinapapasan sa mamamayang Pilipino ang pagbabayad sa anyo ng mga buwis na matindi ang dagok sa kabuhayan ng bayan. Pinapaburan din ang mga kapitalista sa pagpapatupad ng polisiyang NUNS, mga patakarang union-busting at paggamit ng mga armadong pwersa ng estado para supilin ang paglaban ng mga manggagawa. Sa rehiyong TK, nagkakailang unyon, manggagawa at lider-manggagawa ang ni-red-tag, pinaslang, iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso.
Sa harap nito, higit na kailangang makipagkaisa ang mga manggagawa sa iba pang aping uri at sektor. Katulad nila, pinapasan din ng iba pang aping uri ang krisis ng bulok na estado ng lipunang Pilipino. Higit kailanman, napapanahon ang pagtupad ng manggagawa sa dakilang misyon nitong pamunuan ang rebolusyon. Sa kasaysayan ng daigdig, ang mga manggagawa ang nasa unahan ng paglaban sa pagpapabagsak ng mga mapang-aping estado para itatag ang sosyalismo. Itinayo nila ang diktadura ng proletaryado na magtatanggol sa sosyalismo at magtitiyak ng kagalingan at mithiin ng manggagawa at lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang uri sa lipunan.
Dapat balik-aralan ang mga rebolusyon sa daigdig kung saan kasabay ng pakikibaka ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan sa paggawa, pinapanday nila ang kanilang sarili bilang mga proletaryadong lider sa pag-aaral ng mga sulating Marxismo-Leninismo-Maoismo. Malawakang magmulat, mag-organisa at magpakilos ng manggagawa at pahigpitin ang kapatiran ng mga unyon para ipaglaban ang interes ng mga manggagawa. Buuin ang mahigpit na pakikipagkaisa sa uring magsasaka at palaparin ang positibong pwersa ng rebolusyon hanggang sa petiburgesya at pambansang burgesya para gamitin ang dambuhalang pwersa ng uring api sa pagwawakas ng paghahari ng US, malalaking kumprador-panginoong maylupa at burukrata-kapitalista.
Hinog ang kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas upang ibayong pasikarin ang kilusang paggawa. Ang pagpapataas ng proletaryong pananaw at paninindigan ng mga manggagawa at pagyakap nila sa kanilang dakilang misyon ay susi sa pagsulong ng rebolusyon tungong tagumpay!