Pahayag

Marcos at Duterte, kapwa notoryus na mandarambong, singilin!

Makatwiran ang pagbabantay ng mamamayang Pilipino sa nagaganap na pagdinig ng Kamara sa 2025 pambansang badyet. Sa kalagayang nahaharap ngayon ang bansa sa walang kaparis na pagdarahop at pagdausdos ng kabuhayan, napakahalagang tiyakin ng taumbayan na mapupunta para sa kanilang kagalingan ang pondong nagmula mismo sa kanilang buwis.

Ngunit gaya ng dati, walang aasahang kaunlaran ang sambayanan mula sa 2025 pambansang badyet na nakabalangkas pa rin sa burukrata-kapitalistang sistema ng GRP. Sa halip na tugunan ang kahirapan, batbat ito ng korapsyon mula sa pinalobong pondo para sa imprastraktura, depensa at bayad-utang. Ang malala pa, ipinanukala ng rehimeng US-Marcos II ang tumataginting na Php6.352 trilyong pambansang badyet para gawing palabigasan sa darating na 2025 eleksyong midterm. Sa mga pagdinig ng Kamara, nagpapaligsahan at nagsasabwatan ang mga naglalaway na burukrata sa kung sinu-sino ang magkakamal ng pinakamalaking ganansya mula rito.

Nararapat lamang na usigin ang korap na si Sara Duterte sa maanomalyang paggamit niya sa pondo ng OVP at DepEd. Kapal-mukha siyang humihingi ng napakalaking pondo gayong hindi naman siya maaasahan ng mamamayan sa panahon ng mga kalamidad at sakuna. Bukod dito, palpak din ang kanyang mga programa tulad ng inilathalang librong pambata na ginastusan ng Php10 milyon at ang hindi maayos na pagpapatupad ng feeding program sa mga eskwelahan na ginastusan ng Php5.6 bilyon noong 2023. Liban sa pagkwestyon sa Php73 milyong confidential intelligence fund (CIF) ng OVP na ginastos niya sa loob lamang ng 11 araw noong 2022 at sa Php12.3 bilyong inabusong pondo ng DepEd noong 2023, dapat na usisain kung paano ginastos ang kabuuang pondong hinawakan nya. Dapat ding usigin ang badyet sa mahigit 400 security detail niya mula maging bise presidente hanggang taong 2023.

Gayunman, dapat na kundenahin ang mga masmidya at pulitikong maka-Marcos na pinalalaki ang balita kaugnay rito habang inililihim naman ang korapsyon ni Marcos Jr. Ginagamit ng mga Marcos ang pagsiklab ng galit ng mamamayan para pagtakpan ang kanilang sariling baho. Tinutulungan siya ng mga oportunistang trapo tulad ni Risa Hontiveros at Akbayan na maingay laban kay Duterte pero tikom naman ang bibig sa pang-uusig kay Marcos Jr. Habang pinuputakte ng kritisismo si Duterte, buong-layang dinarambong ni Marcos Jr. ang presidential budget at Maharlika Investment Fund. Simula nang maluklok bilang pangulo ng GRP, ginawang personal na balon ng korapsyon ni Marcos Jr. ang pambansang badyet at taun-taong kinakamal ang pinakamalaking bahagi nito. Hindi bababa sa Php10 bilyong CIF ang kanyang naibulsa sa loob lamang ng mahigit dalawang taon niyang panunungkulan. Bukod pa rito ang Php125 bilyong kapital ng Maharlika Investment Corp. na mahigit isang taon na niyang hinahawakan. Sa darating na taong 2025, mapupunta ang 32 porsyento ng pambansang badyet sa pork barrel ni Marcos Jr. na katumbas ng Php2.06 trilyon. Sa pondong ito, Php10 bilyon ang CIF, Php156 bilyon ang hindi programadong pondo at Php1.89 trilyong pondo para sa mga “ispesyal na layunin”. Tiyak na gagamitin ito ni Marcos Jr. sa kanyang imbing pakana laban sa mamamayan, sa pagkokonsolida sa kanyang pampulitikang kapangyarihan at sa pagdomina sa darating na 2025 eleksyong midterm.

Kahit anong pambabato ng putik sa mga Duterte, hawak pa rin ng mga Marcos ang titulo bilang pinakatalamak na magnanakaw sa gubyerno. Sa katunayan, wala pa ring nakaaagaw kay Marcos Sr. ng titulong “Greatest Robbery of a Government” na iginawad ng Guiness World Record para sa pinakamalaking pagnanakaw ng isang gubyerno dahil sa Php500 bilyong ninakaw nito sa taumbayan. Hawak naman ni Marcos Jr. ang titulong pinakamalaking tax evader sa bansa matapos na hindi bayaran ang Php203 bilyong buwis nito noong 1982 hanggang 1984 habang nanunungkulan siyang bise gubernador at gubernador ng Ilocos Norte.

Para makapamugad sa kapangyarihan, binubusog ni Marcos Jr. ng bilyun-bilyong pisong CIF at special purpose funds ang mga korap na kroni at militar nito. Gamit ang pagiging “lihim” o hindi obligadong pagsasapubliko ng mga pinagkakagastusan ng mga pondong ito, walang-habas nilang ninanakaw ang kaban ng bayan. Sa ilalim ng 2025 pambansang badyet, magpapakalango rin sina House Speaker Martin Romualdez, mga katoto nila sa senado at mga pasistang upisyal ng AFP, PNP-DILG at NTF-ELCAC sa Php10.28 bilyong alokasyon para sa CIF.

Kasuklam-suklam ang notoryus na pagnanakaw ng pangkating Marcos at Duterte sa kaban ng bayan. Makatarungan lamang na pareho silang papanagutin sa kanilang garapalang paglulustay sa pondo ng mamamayan. Dapat na matyagang ilantad ang CIF at iba pang katulad nito bilang panibagong anyo ng pork barrel na ginagawang balon ng nakaw-na-yaman ng mga burukrata. Hindi dapat payagan ng taumbayan ang pagkakaroon ng gubyerno ng mga special purpose fund na hindi tiyak na pakikinabangan ng mamamayan. Kailangang magbuklod ang lahat ng aping uri at sektor para padagundungin ang panawagang alisin ang CIF at ilipat ang pondong inilaan dito sa ayuda para sa mga nasalanta ng mga nagdaang kalamidad, pagpapababa sa presyo ng mga pangunahing bilihin, pagpapataas ng sahod ng mga kawani liban sa unipormadong tauhan ng gubyerno at iba pang panlipunang serbisyo.

Puspusang magsikhay ang mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanang api. Ilunsad ang kabi-kabilang pakikibakang masa na nagsusulong ng kanilang mga demokratikong interes at kahingian. Palaganapin ang panawagang gamitin ang pondo ng bayan para sa kagalingang panlipunan at pagpapalakas ng agrikultura at mga lokal na industriya.

Pasiglahin ang pagbubuo ng malapad at malalim na nagkakaisang prente sa hanay ng mamamayang naririmarim sa kabulukan ng gubyernong Marcos Jr. Pinatunayan na ng tagumpay ng People’s Initiative laban sa Pork Barrel noong panahon ng rehimeng US-Aquino II gayundin ng mga pag-aalsang EDSA na nagpatalsik sa korap at pasistang rehimeng US-Marcos I at rehimeng US-Estrada gayundin ang mga kampanyang pagpapatalsik laban sa rehimeng Arroyo, Aquino II at Duterte ang nagkakaisang lakas ng sambayanang Pilipino laban sa korapsyon. Dapat na hanguan ang mga ito ng aral bilang gabay sa muling pagsiklab ng pakikibaka ng mamamayan laban sa korap at tiranikong rehimeng US-Marcos II.

Pinasisiklab ng sakim na rehimeng US-Marcos II ang galit ng sambayanan. Itutulak ng lumalalang kronikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino ang paglaban ng mamamayan at ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP!###

Marcos at Duterte, kapwa notoryus na mandarambong, singilin!