Pahayag

Marcos Jr, Ano nga ba ang Interes sa Albay?

,

Ngayong darating na Hunyo 14, planong bumisita ni Marcos Jr sa Tiwi at Tabaco ng Albay upang puntahan diumano ang itinatayong mga pabahay sa lugar. Ito ay sa pamamagitan ng pag-imbita sa kanya ni Mayor Cielo Krisel B. Lagman-Luistro ng Tabaco.

Ano nga ba ang pangunahing dapat na sadyain ng isang presidente kung siya ay bibisita sa isang probinsyang nasa gitna ng pagnanais na umunlad ang kanilang pamumuhay?

Ang Tabaco at Tiwi ay parehong bayan na agrikultura ang pangunahing pinagkukunan ng hanap-buhay ng mamamayan. Sa kabilang banda, nasa coastal area ang nasabing mga probinsya kaya mayaman din sa aquaculture. Kung ang masang anakpawis ang tatanungin, mas interes nila ang matagalang solusyon sa kahirapan at kagutuman. Dahil isa siyang presidente at kalihim sa agrikultura, hindi ba’t ito’y isang bagay na napakadaling bitbitin sa kanyang pagbisita upang ibigay sa mamamayang Albayano hindi lamang sa Tiwi at Tabaco?

Gayunpaman, higit na maunlad ang Tabaco kaysa Tiwi, sa Tabaco, nanduon ang international seaport, bagay na kaduda-duda sa kanyang pagbisita. Mula nang maupong presidente si Marcos Jr, higit na lumaganap ang smuggling ng mga produktong agrikultura, bagay na lalong nagpapabagsak sa kabuhayan ng ating mga magsasaka.

Sa Tiwi naman, litaw at pinagkakainteresan nito ang Tiwi Geothermal Plant na matagal nang gustong isapribado at tayming sa mainit at katatapos lamang na usapin, ang RCEP na susi sa pagpasok ng mga transnational companies ng mga malalaking negosyo bukod pa sa malaking interes din nito sa produktong abaka sa lugar.

Sa isang banda, hindi masama ang proyektong pabahay kung ito’y libre para sa masang anakpawis, kung tutuusin, ito’y mula rin sa kinolektang buwis mula sa kanilang pawis at dugo na dapat lamang nilang pakinabangan.

Sa mamamayang Albayano, salubungin ang pagbisita ni Marcos Jr ng mga hinaing at manawagan ng tunay na solusyon kaugnay sa laganap na kagutuman at kahirapan. Ang pagsigaw ng mga pangkagalingang usapin ay karapatan ng sinumang Pilipino.

Marcos Jr, Ano nga ba ang Interes sa Albay?