Masang magsasaka, magkaisa at makibaka laban sa rehimeng US-Marcos!
Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka, taas-kamaong nagpupugay ang CPP-ST sa uring magsasakang Pilipino, ang mga bayaning lokal na prodyuser na kabilang sa mga pangunahing uri at sektor na lumilikha ng yaman ng bansa, ang mayorya ng sambayanang Pilipino at pangunahing pwersa ng rebolusyon! Lubos na makatwiran ang inilulunsad nila ngayong malawakang pambansang protesta kasama ang kanilang mga tagasuporta para magpahayag ng kolektibong galit sa rehimeng US-Marcos II. Marapat nilang singilin si Marcos Jr. sa pag-abandona sa interes ng masang magsasaka at sa halip ay nagpapakasasa sa kaban ng bayang nagmula sa dugo at pawis ng mamamayan, laluna ng mga Pilipinong anakpawis.
Nasa magsasaka ang lahat ng dahilan para makibaka at lumaban sa lahat ng paraang kaya at posible nilang gawin. Binubuo nila ang humigit-kumulang 60% ng higit 110 libong mamamayang Pilipino kung saan ang mayorya ay maralitang magsasaka. Sila yaong naghihingalong lumulubog sa kumunoy ng kahirapan dahil sa daan-taong pamamayani ng pyudalismo at malapyudalismo sa Pilipinas. Resulta nito ang malaganap na kawalang-lupa sa rehiyon at buong bansa. Paulit-ulit silang pinaasa at niloko ng huwad na reporma sa lupa ng nagpalit-palitang rehimen at kailanma’y di lumutas sa suliranin ng mga magsasaka. Sa halip, naging daan ang mga ito para sa sistematikong pangangamkam at rekonsentrasyon ng lupain sa kamay ng mga panginoong maylupa, burgesya kumprador, burukrata-kapitalista at mga dayuhang kasapakat ng imperyalismong US. Ayon sa inilabas na pag-aaral ng IBON Foundation noong 2022, nasa 15.2 milyon o 78.2% ng kabuuang agrikultural na populasyon ay walang sariling lupaing mabubungkal at nasa 21.8% o 4.3 milyon lamang ang mayroong sariling lupang mabubungkal na nasa mahigit isang ektarya din lamang sa karaniwan. Hindi ito malayo sa datos ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura na 7 sa 10 Pilipinong magsasaka ang walang sariling lupang sakahan.
Mas matindi ang ginawa ni Marcos Jr. Sa halip na reporma sa lupa, lalong pinalala ni Marcos Jr. ang suliranin sa pangangamkam at pagpapalit-gamit ng mga lupain sa pagsasabatas nito sa National Land Use Act at ang National Infrastructure Program. Binigyang-tulak lalo ng huli ang magarbo at magastos na proyektong imprastruktura ng rehimen na Build Better More na siyang nasa sentro ngayon ng pinagmumulan ng kurapsyon at pinagmumulan ng nag-aalab na galit ng sambayanan. Sa halip na pondo para sa irigasyon, ayuda sa napakamahal na mga farm inputs at gastos sa produksyon, ibinuhos ni Marcos Jr. ang pagkalaki-laking pondo ng bayan sa mga proyektong imprastruktura na ginawa niyang gatasan at palabigasan kasabwat ang mga kroni at alipures nya. Nasa higit P10 bilyong halaga ang nabunyag na overpricing sa mga proyektong farm-to-market roads ng rehimen mula 2023-2024. Sa Candelaria at Lucena City sa Quezon, inirereklamo ng mga residente ang sub-standard at di tapos na proyektong farm-to-market road na sa halip na malaking tulong ay naging malaking abala at perwisyo lang sa mga mananakay at residente.
Habang naglulunoy sa kurakot ang mga kroni at alipures ni Marcos, nalulubog naman sa baha ang mga pananim at komunidad ng mga magsasaka at mangingisda sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at bansa. Walang napapala ang taumbayan sa mga proyektong flood control dahil ibinubulsa ng mga buwayang burukrata at kasabwat nilang kontraktor ang pondo. Tuluy-tuloy ang pagtapyas ng rehimen sa pondo ng mga ahensyang nagbibigay ayuda at mga serbisyong panlipunan habang ibinubuhos ang pondo sa pork barrel mula kila Marcos Jr., Sara Duterte, mga senador at kongresista.
Unti-unting pinapatay ang lokal na produksyon ng mga magsasaka sa walang habas na importasyon ng iba’t ibang produktong agrikultural pangunahin ng bigas. Sa labis na pangangayupapa sa imperyalistang amo, pinalala ni Marcos Jr. ang liberalisasyon sa kalakalan na mabigat na hambalos sa kabuhayan ng magsasaka– pumasok ito sa Regional Comprehensive Economic Partnership ng China at sa Indo-Pacific Economic Framework ng US na lalupang nagsandig sa ekonomya ng bansa sa dayuhang ekonomya at tagibang na kalakalan. Sa halip na tangkilikin at itaguyod ang lokal na produksyon para sa lokal na konsumo, pumasok ito sa programang Philippine Rural Development Project Scale-Up ng World Bank na nagpapataas ng produksyon para sa eksport at iba pang cash crop. Sa kanyang panahon, pinahintulutan ang zero tarrif sa mga produktong US habang 19% ang taripa ng mga ineeksport na lokal na produkto sa US. Bago nito, tinapyasan niya ang dating 35% taripa sa imported na bigas tungong 15%. Sa mababang taripang ito at sa bisa ng Rice Liberalization Law, lalunang di maawat ang pagpasok ng imported na bigas. Ito ang solusyon ni Marcos Jr. sa mataas na presyo ng bigas sa halip na sapat at napapanahong pagbibigay atensyon sa pangangailangan ng mga magsasaka sa palayan.
Pagpatay rin sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda ang pagpapahintulot ng rehimeng sa pagpasok ng mga komersyal na barkong pangisda sa lokal na pangisdaan (saklaw ng 15-kilometrong baybayin ng mga bayan at syudad). Resulta nito ang papalaot na kabuhayan ng mga mangingisda. Pagdating naman sa mga baybaying-dagat, maraming komunidad sa Cavite ang apektado ng mga proyektong reklamasyon at dredging habang ang maliliit na mangingisda sa baybayin ng Laguna de Bay ay pinalalayas ng proyektong Laguna Lakeshore Dike Project at Floating Solar Project.
Tulad ng kanyang ama, puro pabor sa imperyalista at interes ng mga lokal na naghahari ang inaatupag ni Marcos Jr. Sa kanyang rehimen, inalis ang moratorium ban sa mina sa Occidental at Oriental Mindoro na paglapastangan sa tagumpay ng kilusang magsasaka at katutubong Mangyan sa isla sa nagdaang mga dekada. Sa Rizal at Quezon, nanganganib ang buhay at kabuhayan ng komu-komunidad na mga katutubong Dumagat at Remontado dahil sa Kaliwa Dam Project at iba pang proyektong dam sa lugar. Sa Palawan, nakikipag-agawan ang mga katutubong Molbog at Palaw’an sa kanilang lupaing ninuno laban sa mga mangangamkam ng kanilang lupa para sa mina at ekoturismo.
Sa ganitong kalagayan, hindi kataka-takang ang mga magsasaka ang pinaka-naghihirap na uri sa buong bansa. Isang napakalaking kabalintunaan gayong ang Pilipinas ay kilala bilang isa sa mga bansang may pinakamatabang lupa para sa agrikultura. Kaya hindi rin kagulat-gulat at lalong dapat silang papurihan sa kanilang matapang at marubdob na pakikibaka para sa lupa, kabuhayan at karapatan. Simula’t sapul, sinasapo ng mga magsasaka ang pinakabrutal na pasista-teroristang pang-aatake ng estado, kahit pa sa panahon ng mga kolonyal na paghaharing Espanyol, US, Japan at hanggang sa malakolonyal na paghahari ng US sa kasalukuyan. Nakatudla sa kanila ang punyal at talim ng bawat kontra-rebolusyonaryong pakana ng nagpalit-palitang rehimen. Sa kanila isinisisi ang hindi-mapigil na paglakas at paglaban ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng CPP. Winawasak ang kanilang mga sakahan ng walang-habas na panganganyon, pambobomba mula sa himpapawid, walang-tigil na panghahalihaw at pambubuliglig ng AFP-PNP-CAFGU. Sa TK, modus operandi ng 2nd IDPA at SOLCOM na pagbalingan ang mga sibilyang katutubo at magsasaka sa tuwing may pinsala sila sa mga labanang tinatamo sa NPA. Garapalan nila itong sinasabi sa mga kapitan ng barangay, sityo at purok lider, mga lider-katutubo, maging sa mga residente para takutin ang mga ito at piliting magsumbong sa presensya ng NPA sa lugar. Ganyan katindi ang desperasyon ng estado na supilin ang pakikibaka ng mga magsasaka.
Ngunit hindi mapigilan ng estado ang tuluy-tuloy na pagsampa ng masang magsasaka sa NPA. Sino nga bang di mamumuhi at mag-aarmas sa ilalim ng ganito katindi at kalupit na kasamaan at pagkaganid? Sukdulan hanggang langit ang pagkamuhi ng masang magsasaka sa reaksyunaryong estado na kinakatawan ngayon ni Marcos Jr. Dapat patuloy nilang mabatid na dahil sa burukrata kapitalismo, tumatag ang imperyalismo sa pagkubabaw nito sa lahatang-panig ng bansa, kung bakit posible at di mabunot ang pyudalismo at malapyudalismo sa Pilipinas. Sa gitna ng malaganap na korapsyon at pasismo ng estado, walang ibang paraan para ibagsak ang mga ugat ng kahirapan sa bansa kundi sa pamamagitan ng rebolusyon. Dapat nilang pahigpitin ang kanilang pagyakap sa pambansa-demokratikong rebolusyon, na isang digmang magsasaka bilang kanila at tangi nilang pag-asa. Dapat silang patuloy na sumalig sa kanilang sariling lakas, higit pa itong palakasin, at kabigin ang lahat ng maaasahang kaibigan at alyado sa rebolusyon. Dapat silang makipagkaisa sa masang manggagawa para buuin ang saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka bilang salalayan ng pagbubuo ng pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para sa rebolusyon. Sa huli, dapat nilang palakasin ang partido ng masang api, ang Communist Party of the Philippines at ang kanilang Hukbo, ang New Peoples Army na tangi nilang pinuno sa pakikibaka at tagapagtanggol.###