Pahayag

Matatagumpay na aksyong militar ng NPA sa ST, ipinagbubunyi ng mamamayan

Binabati ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang mga yunit nito sa matagumpay na pagbigwas sa pasistang militar sa rehiyon sa unang hati ng buwan. Sa gitna ng paninibasib ng mga yunit ng 2nd ID sa kanayunan ng rehiyon, patuloy na ipinalalasap ng mga yunit ng Pulang hukbo sa ilalim ng MGC ang kabiguan at pagkatalo na ipinagmamalaki ng kaaway na “momentum ng kanilang opensiba laban sa NPA”. Malinaw itong patunay na hindi kayang tibagin ng anumang teror at pamamasista ng AFP-PNP-CAFGU ang mapanlabang diwa, determinasyon at katapangan ng mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA.

Noong Setyembre 4, muling pinaputukan ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon ang bagong tayong kampo militar ng 85th IBPA sa Barangay Cogorin Ibaba, Lopez, alas-9 ng gabi. Para pagtakpan ang kabiguan, itinanggi ng militar ang mga kaswalti sa kanilang panig. Pangalawang beses nang inatake ng isang yunit ng AMC ang nasabing kampo na ipinagbunyi ng mga residente sa lugar. Inirereklamo nila ang ginagawang paghihigpit ng militar tulad ng pagbabawal sa kanilang tumungo sa kaingin na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.

Samantala, nitong Setyembre 9 ay binigo ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro ang pag-atakeng ginawa ng isang yunit ng 203rd IBde sa Sityo Swerte, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro na nagresulta sa tatlong casualty sa panig ng pasistang militar. Nasawi sa gitna ng magiting na pakikihamok ang isang Pulang mandirigma. Sa galit ng mga militar, binalingan nila ang mga residente kung saan pitong beses na kinanyon ang saklaw ng nasabing sityo na dahilan para magbakwit ang mga residente.

Ilang buwan nang nilulunsaran ng focused and sustained military operations (FSMO) ng mga yunit ng 203rd IBde ang barangay San Vicente at mga karatig nito. Inirereklamo ng mga residente, laluna ng mga katutubong Mangyan at magsasakang setler ang presensya ng militar at ang ginagawa nilang paghihigpit sa aktibidad nila sa ekonomya. Bukod sa pagbabawal sa pagpunta sa bundok at mga kaingin, kinokontrol ng militar ang binibiling konsumo ng mga residente nang walang konsiderasyon sa layo ng distansya ng mga baryo sa bayan at pangangailangan ng mga komunidad.

Kaya naman sa gitna ng panliligalig ng militar, ipinagbubunyi ng masang taga-Quezon at Mindoreño, at buong mamamayan ng TK ang matatagumpay na aksyong militar ng NPA laban sa mga abusado at berdugong pwersa ng 2nd ID-AFP. Makakaasa ang mamamayan ng TK sa rehiyon na matatag na hinahawakan nang walang paglulubay ng lahat ng yunit ng NPA sa rehiyon ang pangunahing tungkulin nitong ipagtanggol ang interes ng mamamayan at pagbayarin nang mahal ang pasistang kaaway na namemerwisyo sa taumbayan.

Matatagumpay na aksyong militar ng NPA sa ST, ipinagbubunyi ng mamamayan