Pahayag

Mensahe ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa ika-56th Anibersaryo ng PKP-MLM

, ,

Mula sa hanay ng natatanging rebolusyonaryong organisasyon ng mga kababaihan sa Pilipinas, pagpupugay ang ipinapaabot ng MAKIBAKA sa lahat ng mga namumuno at sa buong kasapian ng PKP-MLM sa pagdiriwang ng ika-56 anibersaryo nito. Mapulang pagsaludo rin ang nais naming ipabatid sa isinasadiwa, pinapakitang katatagan at pagpupursige ng PKP-MLM upang pagtagumpayan ang kilusang pagwawasto para sa kapakanan at ikatitiyak ng muling pag-abante ng pambansa demokratikong rebolusyon patungong sosyalismo.

Ang hindi nalalayong edad ng MAKIBAKA, na naitatag noong 1971, sa muling pagkakatatag ng PKP-MLM noong 1968 ay dahilan din kung bakit hindi maitatatwa ng kapwa rebolusyonaryong mga organisasyong ito, ang magkasalikop na mga prinsipyo, adhikain at mga tungkulin nito para sa pagpapalaya ng mga kababaihan, lalo na ng mga kababaihang anakpawis mula sa uring magsasaka at manggagawa. Pinatutunayan ng bagamat masalimuot subalit maningning na kasaysayan ng MAKIBAKA at PKP-MLM, na dapat integral na pinagsasanib ang usapin pangkababaihan at kilusang kababaihan, gayundin ang iba pang usapin ng kasarian, sa maka-uring kilusan at kilusan ng buong mamamayan. Magpapatuloy ang MAKIBAKA na manindigan at tatanaw na may lenteng siyentipiko at maka-uri sa mga usaping pangkababaihan at pangkasarian para labanan at gapiin ang anumang porma ng repormiso, sektoralismo, radikalismo, ang ano pa mang panlilinlang at pag-atake ng imperyalismo sampu ng mga galamay nito sa ekonomiya, pulitika at maging sa kultura.

Sa kanayunan man o sa kalunsuran, katulad ng PKP-MLM, ang MAKIBAKA ay nakapagpundar na ng mayamang karanasan kung saan kapupulutan ito ng mga ginintuang aral sa pagsusuri at kaparaanan para ipanumbalik ang ang lakas ng mga larangan at baseng masa.

Sadyang mapanghamon at kritikal ang panahon. Lalo’t higit ang pagnanais ng kababaihan at ng iba pang kasariang inaapi at pinagsasamantalahan ang tumangan sa teorya at praktika ng rebolusyonaryong mapagpalaya. Walang iba ito kundi ang daan ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Umaasa ang MAKIBAKA at ang mamamayan sa PKP-MLM sa pagsulong!

Bilang panghuli, narito ang isang haiku:

Masdan ang langit
Lila ang kalahati
Pulang paglaya

Mabuhay ang kababaihang Pilipino!
Mabuhay ang Sambayanan!
Mabuhay ang PKP-MLM!

Mensahe ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa ika-56th Anibersaryo ng PKP-MLM