ML@50: Digmang bayan, nananatiling sagot sa martial law

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Waray

Sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ng rehimeng US-Marcos Senior, muling pinagtitibay ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas ang kanilang determinasyon na ibayong isulong ang digmang bayan—ang napatunayang tugon upang biguin ang batas militar, na mga kundisyong kinakaharap ng taumbayan sa ilalim ng bagong rehimeng US-Marcos Junior.

Limang dekada na ang nagdaan at hanggang ngayon ay hindi pa rin ganap na nakakamit ng mga biktima ng batas militar ni Marcos Senior ang hustisyang nararapat sa kanila. Matapos ibagsak ng mamamayaan ang pasistang diktadurang US-Marcos I noong 1986, nagkanulo ang imperyalismong US at ang mga lokal na naghaharing uri upang makatakas patungo sa US ang pamilya Marcos, makaiwas ito sa paniningil ng mamamayan, at bigyang-daan ang kalaunang pagbalik nila sa Pilipinas at rehabilitasyon ng kanilang pampulitikang kapangyarihan sa tulong ng mga papet na pangulong sumunod kay Marcos Senior. Kamakailan, nagsanib-pwersa ang pinakabulok na bahagi ng naghaharing uri ng mga dinastiya at paksyong Marcos, Arroyo, Duterte, Estrada at Enrile, upang mailuklok bilang pangulo si Marcos Junior at maging ganap ang pagbalik ng mga Marcos sa Malacañang.

Walang pagpapanggap ang imperyalismong US na binabasbasan nito ang mga pasista at pahirap na patakaran ng bagong rehimeng Marcos. Ngayon, nasa Amerika si Marcos Junior upang tanggapin ang mga bagong atas ng rehimeng Biden na magpapalala ng pagsasamantala sa mamamayang Pilipino sa usaping pang-ekonomiya, pampulitika, at panlipunan. Ikinibit-balikat lang nito ang nakabinbing kaso ng mga Marcos sa korte ng US kaugnay ng mga nakaw nilang yaman. Ang bukas-palad na pagtuntong ng mga Marcos sa US at pagbibigay ng talumpati ni Marcos Jr. sa General Assembly ng United Nations ay pagpapakita na ang kasalukuyang mga patakaran sa ekonomiya, pulitika, kultura at militar na nagpapahirap at sumusupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino ay may buong suporta, paggabay at basbas ng imperyalismong US.

Kabilang dito ang patakarang todo-gyera ng rehimeng US-Marcos Jr. laban sa rebolusyonaryong kilusan at ang pagsupil sa lahat ng anyo ng oposisyon sa tabing ng “kontra-komunismo” at “kontra-terorismo.” Itinaguyod ng rehimeng Marcos ang National Task Force-Elcac na nagtayo ng sibil-militar na hunta para sa maramihang panunupil. Iwinawasiwas nito ang pasistang Anti-Terror Law upang gamitin sa maramihang paninindak, red-tagging, walang taning na detensyon, tortyur, at ekstrahudisyal na pamamaslang. Nagkakaisa sina Marcos at ang kanyang mga upisyal sa seguridad at militar sa paggamit sa mga armadong pwersa ng estado para patahimikin ang ligal na oposisyon, marahas na supilin ang armadong rebolusyon, at patuloy na magkamal ng yaman at kapangyarihan.

Sa Eastern Visayas at sa buong bansa, ang mga armas, kagamitang pandigma, at pasistang doktrinang galing sa imperyalismong US ang ginagamit ng Armed Forces of the Philippines para sa marahas na pagsupil sa rebolusyunaryong kilusan at sa malawak na mamamayan. Sa pag-upo ng rehimeng US-Marcos, lalong tumindi ang bangis ng pasistang terorismo ng estado sa pangunguna ng 8th Infantry Division kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Bulag sa paghihirap ng mamamayan, pinatindi ng 8th ID ang mga teroristang pambobomba, pangistraping at pangangayon, lalong naging mas marahas ang sapilitang pagpapasurender sa hukbong bayan at sa sinumang ordinaryong sibilyan, at libu-libong pulis at militar ang sumasakop sa mga komunidad upang ipataw ang pangmilitar na paghahari sa masang magsasaka. Lahat nang ito ay nagsisilbi upang sindakin ang mamamayang lumalaban, ipagtanggol ang interes ng malalaking dayuhan at lokal na negosyo, at siguruhin ang pagtatayo ng mga kalsada at tulay na magbibigay-daan sa paglabas ng mga minerales, troso, at iba pang murang hilaw na materyales.

Nagbubulag-bulagan ang imperyalismong US at ang rehimeng Marcos II na sila ang nagdudulot ng muling pagbugso ng mga kundisyong nagpapaalab sa galit ng mamamayan sa tahasang panunupil, pagpapahirap at walang kapantay na krisis ng kasalukuyang sistema. Sila mismo ang nagtutulak sa mamamayan patungo sa rebolusyonaryong landas.

Nananalaytay sa dugo ng mamamayang Pilipino ang mapapait na aral ng batas militar at ng daan-taong pakikibaka. Natutunan na nilang ang dahas ng pasistang estado ay nararapat lang tumbasan ng mas maigting na rebolusyonaryong dahas ng nagkakaisang mamamayan. Batid nilang sa takbo ng matagalang digmaan, anumang pinsalang idudulot ng kaaway ay pansamantala lamang, at sa estratehikong pagtingin ang rebolusyon para sa demokrasya at kalayaan ay ang digmaang siyang tunay na makatarungan at mananaig.

Kumpara noong simula ng rehimeng US-Marcos I, di hamak na mas malaki at mas malakas na ngayon ang Partido, hukbong bayan, at ang buong rebolusyonaryong kilusan. Nakalatag ito sa buong kapuluan at may mainit na suporta ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Nasa mas mainam itong katayuan upang pamunuan ang sambayanang Pilipino para biguin ang todo-gyera ng rehimeng US-Marcos II at isulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas.

Sagot sa martial law, digmang bayan!#

ML@50: Digmang bayan, nananatiling sagot sa martial law