Pahayag

Nagkakaisa at buong tapang na lumalaban ang mga Mangyan sa rehimeng US-Marcos II!

,

Ngayong ginugunita sa buong bansa ang ika-52 okasyon ng pag-deklara ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr ng Batas Militar, sumusumpa kaming mga Mangyan ng Mindoro na aming ipagpapatuloy ang paglaban ng aming mga gurangon, kuyay, amayan, laki, ido, fufu ama at fufu ina sa pahirap, korap at uhaw-sa-dugong rehimeng US-Marcos II at paiigtingin ang paglaban sa pang-aapi’t tiraniya.

Maraming inutang na dugo sa mga Mangyan at iba pang Mindoreño si Marcos Sr. Sa bisa ng kanyang Batas Militar at digmang kontra-rebolusyonaryo, laksa-laksang tropa ng Philippine Constabulary (PC) ang ipinadala sa kanayunan. Minilitarisa at ipinailalim ang libu-libong katutubo at magsasaka sa mapaniil at mapagsamantalang paghahari-harian ng rehimeng Marcos I.

Lansakang niyurakan ng estado ang karapatang-tao ng masang Mindoreño. Tampok sa hanay ng mga Mangyan ang hamletting, pambobomba at kabi-kabilang kaso ng pagdukot, pag-tortyur, sapilitang pagwala, paggahasa sa kababaihan at pagpatay. Ang mga komunidad na ipinailalim sa hamletting ay nagmukhang mga garison; bantay sarado ang pagpunta ng mga residente sa kanilang kaingin at ipinataw ang mahigpit na curfew at iba pang paraan ng pag-kontrol sa galaw ng mga tao. Maski ang pagdadala ng gulok sa bayan o pagtitipon ng mga tao ay pinaghihinalaang may kaugnayan sa pag-suporta sa rebolusyonaryong kilusan kaya ipinagbawal.

Kasabay ng matinding militarisasyon, ipinatupad ang anti-mamamayang programa at patakaran na nagpalala sa konsentrasyon ng lupa at likas na yaman sa kamay ng mga naghaharing uri, lalo na sa tapat na kroni at kasapakat ni Marcos Sr. Kabilang dito ang mga Presidential Decree 2 at 27 at nagpatupad ng huwad na reporma sa lupa na nagbaon sa mga magsasaka sa gabundok na utang, ang batas sa pagganyak ng dayuhang pamumuhunan, ang coconut levy at iba pa . Para kontrolin ang pamumuhay ng mga katutubo, itinayo ang Officce of the Southern Cultural Communities (OSCC) na kalaunan ginawang PANAMIN (Prresidential Assistance for National Minorities). Ito ang naging kasangkapan ni Marcos Sr. upang tampalasanin ang kultura ng mga katutubo, panghimasukan ang kanilang lupaing ninuno, lansihin at libangin sa paimbabaw na pangkulturang programa at mga ayuda habang dinadambong ang likas na yaman at kultural na pamana ng sinaunang lipunan ng mga katutubo.

Sa Mindoro, tampok na proyekto ang pagtayo ng pasyalan sa Buyayao Island na may mala-safaring kahayupan na inangkat pa mula sa ibang bansa, may palaro, libreng pakain, mga palabas ng mga artista at pasine para sa mga katutubo. Kasabay nito ang paghuhukay at paggalugad sa mga kweba ng isla sa hinahanap na treasure na itinago ng mga pirata at naunang mananakop sa bansa (tulad ng Yamashita treasure). Pinapasok din ni Marcos Sr. ang mga dayuhang negosyo ng mina at pagtotroso. Sa unang rehimeng US-Marcos din nagsimula ang pinaigting na pagbebenta ng mga lupa at yaman ng Pilipinas sa mga dayuhan, pangungutang, pag-eksport ng hilaw na materyales pati na rin ng lakas paggawa at iba pang maka-imperyalistang patakaran sa ilalim ng kaayusang neoliberal. Ang pagtitiyak at pagtatanggol sa yaman at kita ng pamilyang Marcos, mga panginoong maylupa (PML), burgesya kumprador at dayuhang negosyo ang siyang nagtulak sa matinding atake sa mamamayan. Pinakete ang lahat ng pabigat na mga batas at patakaran ng rehimeng US-Marcos I bilang “Bagong Lipunan” na lulutas daw sa ating kahirapan.

Ang sistematikong pandarahas, panlilinlang kasabay ng pandarambong ng mga Marcos sa mga katutubo at mamamayan, ang nagging matabang lupa sa pagsibol ng kamalayan ng mga katutubo upang magkaisa at ipaglaban ang kanilang karapatan at interes.

Sa panahong ito naging malinaw ang panawagan para sa pagtatanggol ng lupang ninuno at pagpapasya-sa-sarili. Sa unang pagkakataon, nabuo ang pagkakaisa ng lahat ng etno-lingwistikong grupo ng mga katutubo sa isla ng Mindoro. Aktibo itong naglunsad ng mga pagkilos tulad ng pagtutol sa pagmimina ng karbon sa Bulalacao, pagtutol sa mga karahasan at pang-aabuso sa mga katutubo, at ang paglalansag ng mga pastuhan na nang-agaw ng mga lupain, paninirahan at mga kaingin. Maraming sama-samang pagkilos ang aming naipagtagumpay kabilang ang pagsasara ng mina ng karbon, paglalansag ng mga pastuhan na nagpaluwag sa pamumuhay namin at nagbunsod ng pagtaas ng aming kakayahan sa kabuhayan. Umabot na ang kamulatang ito sa pagtangan ng armas ng dating kimi at “magkadala” na mga Mangyan.

Tulak ng kamulatan sa interes ng uri at ng tribo, nagpasya ang maraming katutubong Mangyan na sumampa sa Bagong Hukbong Bayan. Ipinagtanggol nila hindi na lamang ang interes ng katutubong mamamayan kundi bilang bahagi ng sambayanang Pilipino na dapat mag-ambag sa paglaya ng bansa sa imperyalistang pandarambong at laban sa mga lokal na mapang-api at mapagsamatalang uri ng PML at burgesya komprador na kinakatawan ng rehimeng nakaluklok sa gobyerno.

Dumaluyong ang kilusang masa laban sa rehimeng US-Marcos I sa kanayunan at kalunsuran, na kasama ang mga Mangyan hanggang sa napatalsik ang diktador sa pag-aalsang EDSA noong Pebrero 1986. Gayunpaman, sa pagtatagisan ng lakas ng sambayanan at ng naghaharing-uri, nakapagmaniobra ang huli sa tuwang ng US para mapanatili ang kaayusang malakolonyal at malapyudal. Ang sumunod na mga taon ay ang pagpapalitan lamang ng mga reaksyunaryong paksyon ng naghaharing-uri sa pagkontrol sa gobyerno. Ang mga Mangyan ay nanatiling busabos at api subalit hindi nabura ang kamulatan na naangkin sa pakikipagtunggali sa mga gamahan at mapang-aping at sa halip ay lalong pinag-alab ng papatinding karahasan na mala-henosidyong atake sa balangkas ng ethnocentric approach ng AFP-PNP ayon sa disenyong pakana ng gobyerno at amo nilang imperyalismong US.

Tanda ng pagkabulok ng lipunang Pilipino ang panunumbalik sa poder ng pamilyang Marcos. Gamit ang malawakang dayaan noong Halalan 2022, naluklok bilang ilehitimong presidente si Ferdinand Marcos Jr.

Kasuklam-suklam si Marcos Jr. para sa aming mga katutubo. Ipinagpapatuloy lang din niya ang legasiya ng kanyang ama: Legasiya ng pang-aagaw ng lupa ng mga katutubo at magsasaka, pagnanakaw sa kaban ng bayan, pangungutang at pangangayupapa sa mga among dayuhan at pasistang paghahari. Lahat ng ito ay ginagawa ng angkang Marcos at kanilang mga kroni upang lalo silang magpasasa sa luho at yaman kapalit ng kagutuman at kahirapan para sa milyun-milyong mamamayan.

Ang mga pakunwaring programang pangkaunlaran at pang-ayuda na ipinatutupad ni Marcos Jr ay mistulang limos at mumong “tulong” ng rehimen habang pinatatahimik naman gamit ang pinaka-brutal na atake ng mga armadong pwersa ng estado.

Kabilang sa 424, 679 na naitalang biktima ng paglabag sa karapatang tao mula nang manumpa si Marcos Jr. bilang presidente ang libo-libong Mangyan at milyun-milyon pang ibang katutubo’t magsasaka na nabubuhay sa ilalim ng de facto o di deklaradong batas militar sa kanayunan. Tayo rin at mga kapwa nating katutubo ang nakararanas ng pinakamakahayop na pagtrato ng mga berdugong AFP-PNP-CAFGU. Ang Anti-Terror Law ang ginagamit na batayan ng paglabag sa karapatang tao ng masang katutubo sa palasak na pagdadawit sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka o kaya ay pagbabansag na terorista ang mga katutubo. Binibigyang daan nito ang paniniktik, pananakot, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, sapilitang pagpapasuko, tortyur, pambobomba, walang habas na pagpapaputok, at iba pang anyo ng karahsan at pinakamalala, pagpaslang sa mga katutubo.

Walang bago para sa mga Mangyan sa Bagong Pilipinas. Tayo’y inaagawan pa rin ng lupa. Hindi nakabubuhay ang ating hanapbuhay. Pinagkakaitan pa rin tayo ng serbisyo katulad ng linya sa kuryente at tubig, edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Doble ang pasanin natin bilang mga Mangyan dahil sa diskriminasyon. Wala tayong maasahan sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na pinamumunuan ng mga oportunista na sinanay ng gobyernong bagong mga lider katutubo kuno.

Sa harap ng pasismo ng rehimeng US-Marcos II, dapat nating ipagtanggol at palakasin ang pagkakaisa sa ating hanay. Kapahamakan ang idudulot ng pagsapi o anumang pakikipagtulungan sa AFP-PNP-CAFGU sapagkat walang tunay na malasakit sa Mangyan ang mga gahaman at berdugo.

Ngayong ika-52 okasyon ng deklarasyon ng Batas Militar ni Marcos Sr., dapat nating buong yakapin ang kasaysayan ng ating rebolusyonaryong pakikibaka. Walang dapat pagsidlan ang takot sa ating puso at diwa. Gaya noong pinakamadilim na yugto ng Batas Militar ni Marcos Sr., tanging ang Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) ang pag-asa ng mga Mangyan. Sa pagsulong nito, mapapalayas ang mga berdugo mula sa ating mga pamayanan, mababawi at maipagtatanggol natin ang ating lupang ninuno, matatamasa natin ang disenteng kabuhayan at maipupundar natin ang lipunang malaya sa pagsasamantala ng mga naghaharing uring daantaon nang nagpapahirap sa atin.

Panawagan ng MINDORO sa mga Mangyan na mangahas tayong magmulat, mag-organisa at magpakilos ng pinakamarami mula sa ating pamilyahan, baryuhan at mga pamayanan. Palahukin natin ang mga kababaihan at mga kabataan sa rebolusyonaryong pagkilos. Ipakilala natin ang DRB at ang NPA sa bagong henerasyon ng mga kabataan. Dapat na ibigay natin ang ganang kaya sa rebolusyon na siyang unang nagturo sa atin kung paano tayo inaapi’t pinagsasamantalahan at nagmulat sa ating angking lakas na kayang yumanig sa mga tiraniko at mapang-api at magluluwal ng ating ganap na paglaya.

Biguin ang terorismo ng rehimeng US-Marcos II!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Sumapi sa MINDORO!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Makibaka huwag matakot!

Nagkakaisa at buong tapang na lumalaban ang mga Mangyan sa rehimeng US-Marcos II!