Pahayag

DRB ang magbibigay ng kasiguruhan sa sapat na pagkain ng pamilyang Pilipino!

Noong September 12, 2024 naglabas ng Memorandum Circular N0. 64 ang elihitimong pangulong Marcos Jr. na nag-aatas na suspendihin ang trabaho sa mga opisina ng gubyerno pagsapit ng alas tres ng hapon sa September 23. Batay sa memo, layuning “bigyan ng buong oportunidad ang mga empleyado na ipagdiwang ang 32nd National Family Week”.

Tuwing ikaapat na Lunes ng Setyembre ay itinalaga bilang “Kainang Pamilya Mahalaga Day” ayon sa mandato ng Proclamation No. 60 na inilabas noong 1992 sa ilalim ng Rehimeng US-Ramos at Proclamation No. 326 noong 2012 na inilabas ng Rehimeng US-Aquino 2.

Ngayong “Kainang Pamilya Mahalaga Day”, maipagdiriwang ba ng bawat pamilyang Pilipino ang araw ng pamilya na may pagsasaluhang pagkain sa hapag? At ang karugtong na tanong kung may kasiguruhan ba sa pagkain ang pamilyang Pilipino ngayon at sa mga darating na panahon?

Batayang karapatan ng bawat Pilipino ang mabuhay, na ibig sabihi’y may disenteng tirahan, may masustansyang pagkain sa tamang oras kapalit ng maghapong pagtatrabaho. Subalit sa gitna ng maya’t mayang pagsirit ng presyo ng bilihin laluna ang bigas, asukal, de lata, tinapay, gulay, isda, sibuyas, maging asin at iba pang batayang pangangailangan sa kusina ng pamilyang Pilipino, tila luho at kalabisang maituturing ang tatlong beses na pagkain sa araw-araw. Nagiging “normal” na sa mga maralita at iba pang nagdarahop na sektor sa lipunang Pilipino ang 1 hanggang 2 beses na pagkain sa isang araw. At nairaraos ang naghapon sa pagkain ng karaniwa’y kulang sa sustansya o kaya naman pagsasabay na ng tanghalian at hapunan dahil sa kawalan. Kaya malayo ito sa diyetang rekomendado para maging malusog ang isang tao.

Ipinagpipilitan ng reaksyunaryong gubyerno sa pamamagitan ng NEDA na tanggaping sapat ang 64 pesos o 21 pesos na halaga kada kainan. Katawa tawa subalit nakakainsulto ang pahayag na ito para lamang bigyang katwirang hindi na kailangang itaas pa ang sahod ng mga manggagawa dahil sapat naman ang 64 pesos sa maghapong pagkain ng indibidwal. Sa Mindoro, karaniwang P55-P58 ang kilo ng bigas, P10 ang instant noodles, habang P20 ang sardinas na madalas bilhin dahil syang mura sa bulsa. Subalit kahit ang mga nabanggit na ito ang konsumuhin, hindi mapagkakasya ang P21 sa bawat kainan.

Kahit kayod kalabaw, tinitiis ni Juan basta’t makakain ang kanyang pamilya subalit maging ang bagay na ito’y hindi matamasa. Kahit anong matematika at komputasyon ang gawin, napakahirap badyetin at pagkasyahin ang P200-P350 pesos na arawang sahod sa Mindoro at barat na barat na presyo ng kalakal ng mga magsasaka. Matagal ng panawagan ng mga magsasakang Mindoreño na gawing P25 pesos ang kilo ng palay subalit nakapako na sa P14-16 pesos kada kilo nito gayong aabot ng P70,000-P80,000 ang gastos sa produksyon sa kada ektaryang palayan. Habang P25-P30 pesos ang kilo ng kopras na lubhang malayo sa bilis ng implasyon.

Dahil walang maayos na trabaho sa Pilipinas, marami ang napipilitang mangibang bansa bilang mga OFW. Tinitiis na mapalayo sa kapamilya at kinakayang pilit ang pang aabuso ng amo sa ibang bansa para lamang mabigyang alwan at mapaganda ang buhay ng mga kapamilyang naiwan sa Pilipinas.

Habang nagugutom ang mayorya ng mamamayan, tigas mukha na nagbubuhay hari at reyna naman ang mga nasa Malacañang sa mga engrandeng piging at salo salo gamit ang pera ng bayan. Halos 2 beses sa isang buwan kung maglamyerda si Marcos Jr. sa abroad. Matatandaang pumunta pa ang kanyang buong pamilya sa Singapore sakay ng pribadong helicopter para lamang manood ng Formula 1 racing doon, isang karera ng mga sasakyan na laro ng mga mayayaman. Insulto din kay Juan ang kasuklam suklam na paggasta ni Sara Duterte ng P125 milyon na pondo ng bayan sa loob lamang ng labing isang araw na hanggang ngayon nama’y hindi malinaw ang pinagkagastusan.

Walang pangmatagalang solusyon ang Rehimeng US Marcos II para lutasin ang problema sa kagutuman. Hindi pagtatayo ng nakatitindig-sa-sariling ekonomiya ang nasa programa ng rehimen kundi ang ibulid ang bansa sa importasyon na pinagkikitaan ng limpak na yaman ng kanyang mga kroni at burukratang kasapakat niya. Tanging pantapal lamang ang solusyong inihahapag na madalas pang gamitin sa pagpapapogi. Halimbawa ang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program na diumano’y para tulungan ang mga minimum wage earners na itaas ang kakayahang bumili dahil sa liit ng kita. P1,000 hanggang P10,000 ayuda para sa bawat pamilyang benepisyaryo na limitado din lamang ang bilang.

Pangarap ding magkaroon ng quality time ng bawat pamilyang Pilipino sa mga espesyal na okasyon kagaya ng Family Day, upang sama samang kumain, magrelaks, o maglibang mula sa pagtatrabaho. Ang inaasam na lipunang walang kagutuman at walang kahirapan ay hindi kailanman makakamit sa ilalim ng mapang aping sistema. Tanging sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na bahagi ng demokratikong rebolusyong bayan magkakaroon ng kasiguruhan sa sapat at masustansyang pagkain ang bawat pamilyang Pilipino at ng iba pang batayang karapatan upang mabuhay ng disente at maayos.

DRB ang magbibigay ng kasiguruhan sa sapat na pagkain ng pamilyang Pilipino!