Pahayag

Kaugnay sa Panayam sa isang Emir Neri Catbagan sa Bombo Radyo

,

Ang panayam kay Emir Catbagan ng Bombo Radyo Laoag noong Setyembre 24 ay walang iba kundi isang hakbang ng desperasyon ng AFP-PNP at NTF-ELCAC at isang kabalintunaan sa kanilang pahayag na insurgency-free na ang Ilocos Region.

Unang-una, nasaan ang pagiging “news worthy” ng nasabing panayam sa kasalukuyang krisis at kahirapan ng mamamayang pilipino? Ito ay simpleng propaganda na dumulo lamang sa paglalantad sa kabulukan ng kampanya kontra-insurhensiya ng estado.

May mga nabanggit si Catbagan sa nasabing panayam na sa katunayan ay wasto naman tulad na lamang na ang pangunahing gawain ng bawat rebolusyonaryo ay ang pag-mumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos. Ngunit pagmamaliit sa masa ang pagsasabing sinasamantala lamang ng kilusan ang kanilang kalagayan kaya’t lumalahok sila sa rebolusyonaryong kilusan. Ang kanilang pagkamulat at pag-unawa sa kanilang kalagayan ang siyang nagtutulak na sila ay mag rebolusyon. Ito ay internal na pagpapasya at hindi maaaring ipilit kanino man.

Tulad din ng nabanggit ni Catbagan, marapat lamang na alamin ano ang tunay na kalagayan ng masa upang mas maunawaan nila ang kahalagahan ng pagrerebolusyon. Kung walang pang aapi at pagsasamantala sa lipunan walang pangangailangan na mag-aklas.

Gayunpaman, ‘di pa rin naitago ni Catbagan ang kabuktutan ng kanyang mga pahayag. Una na rito ay ang pangwawasak diumano sa kalikasan ng Bagong Hukbong Bayan. Napaka “simplistic” ng kaniyang paglalarawan dito samantalang ang BHB ang nangunguna sa kampanya laban sa pangunguryente sa mga sapa at ilog, sa panununog sa kagubatan at higit sa lahat sa mga malalaki at mapanirang proyekto tulad ng dam, minas, logging at mga renewable energy na proyekto na sa katotohana’y imperyalistang mga pandarambong. Ang mga proyektong ito ang tunay na mapangwasak dahil sa lawak ng saklaw ng sinisira nito na walang natatanggap na kompensasyon ang mga komunidad at walang malinaw na rehabilitasyon sa kalikasan.

Ikalawa ay ang magandang buhay umano na dala ng pagsuko at pagpapagamit sa estado. Tunay ngang may inaasahan nang kabuhayan si Catbagan sa kasalukuyan. Ngunit hanggang kailan ito? Lalo’t bahagi lang naman ito ng mga deal na pinasok niya sa kaaway na AFP kapalit ng kanyang pagpapagamit at pagpapanggap. Napagtanto kaya niya na kakarampot lamang na halaga ang ibinigay sa kanya ng kanyang mga handler na militar habang ilang libo naman ang ibinulsa nila?

Hindi totoong ang mga sumusuko ay nabibigyan ng patas na oportunidad ng pamahalaan. Ang kalakhan nang pumaloob sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) sa aktwal ay nakatanggap lamang ng barya kapalit ng pagpapapicture o pagpepresenta bilang surrenderee. Ang kabuuang 2024 badyet na Php 91.5 bilyon para sa mga rebel returnees ay sa kalakhan ibinubulsa parin ng mga sundalo at kapulisan.

Nananawagan ang National Democratic Front-Ilocos na dapat ay huwag tularan ng mga kabataan ang ginawa ni Emir Catbagan—traydor at nagpapagamit sa mga nang-aapi sa mamamayan. Isinuko niya ang makabayan at rebolusyonaryong prinsipyo kapalit lamang ng baryang limos mula sa AFP. Ang pagbaliktad na ganito ay kabulukan sa kaibuturan. Walang dangal ang mabuhay nang ganito.

Bilang mga pag-asa ng bayan, huwag magpatali sa makasariling kagustuhan at layaw. Anong aliwalas na buhay ang inyong matatamasa kung ang ating bayan ay hindi tunay na malaya?

Kabataan tumungo sa kanayunan sumapi sa Hukbong Bayan. Ito ang tunay na landas ng pagsisilbi sa sambayanan. Huwag magpaloko sa mga pahayag ng mga bayaran na nagdudunong-dunungan.

Kaugnay sa Panayam sa isang Emir Neri Catbagan sa Bombo Radyo