Nahihibang si Marcos sa planong ideklarang "insurgency-free" ang Pilipinas
Nahihibang si Marcos at kanyang mga pasistang alipures sa ipinagmamalaki nilang planong ideklarang “insurgency-free” ang Pilipinas ngayong taon, habang inilalako ang pantasyang tuluyan na nitong magugupo ang Bagong Hukbong Bayan at mawawakasan ang armadong paglabn ng sambayanang Pilipino.
Sarili lamang ang niloloko ni Marcos at ng kanyang mga upisyal sa NTF-Elcac at National Security Council sa sinasabi nila sa tinaguriang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), na wala nang larangang gerilya ang BHB sa alinmang bahagi ng bansa, liban sa isang “mahina na” sa Bicol. Ang huwad na mga pahayag nilang ito ay agad napasusubalian ng sarili nilang kilos, sa patuloy na pagdeploy ng ilampung batalyong pangkombat laban sa mga yunit ng BHB sa buong bansa.
Bukambibig nila ang “kapayapaan at kaunlaran” pero hatid nila’y tiraniya at pangwawasak. Walang kapayapaan habang naghahari-harian ang mga armadong sundalo sa sibilyang populasyon sa tabing ng “community support.” Hindi magkakaroon ng kapayapaan kung walang-habas na nagpapaputok ang mga lasing na sundalo sa gabi-gabing pag-iinom. Pangungutya sa kapayapaan kapag walang-takot sa pananagutan ang mga sundalo sa pagpatay sa mga sibilyan at paggawa ng mga kwentong napatay sila sa armadong engkwentro sa BHB na hindi naman nangyari.
Bukambibig nila ang kapayapaan subalit patuloy na ibinibimbin sa gawa-gawang asunto ang mga konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ang mahigit 800 bilanggong pulitikal. Satsat nila’y kapayapaan subalit ang gusto lamang ay isalong ng BHB ang kanilang sandata at isuko ang laban ng bayan. Anong kapayapaan ang sinasabi kung ang gusto lamang nila’y bitiwan ng bayan ang armas nila para magtanggol laban sa paninibasib ng brutal na makinarya ng estado. Ito ay pasistang pakahulugan ng kapayapaan, kapayapaan ng libingan, hindi ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaang minimithi ng sambayanang Pilipino.
Paanong magkakaroon ng kapayapaan kung patuloy ang pagtangging kilalanin at harapin ang problema ng kawalan ng lupa na nasa ugat ng armadong tunggalian? Taliwas sa sinasabi ng NTF-Elcac, walang kaunlarang dadalhin ang ilang proyektong kalsada at imprastruktura sa mga pamayanang magsasaka. Nagtatayo sila ng kalsadang walang dumadaan, mga klinik na walang doktor, at mga paaralang walang guro, para lang makapagbulsa ng kikbak at suhol ang mga upisyal ng militar at kontratista.
Paanong magkakaroon ng kapayapaan kung patuloy ang pagsunod ng rehimeng Marcos sa kontra-insurhensyang doktrina ng US para supilin ang armadong paglaban ng sambayanan, at paggamit ng mga bomba at sandatang mula sa US laban sa sambayanang Pilipino. Paanong magkakaroon ng kapayapaan kung pinahihintulutan ni Marcos ang militar ng US na magparami ng pwersa sa Pilipinas, magpusisyon ng mga misayl, mag-imbak ng mga sandata, gamitin ang Pilipinas sa walang-awat na mga war exercise at bilang lunsaran ng pagpapakitang-lakas ng militar sa South China Sea, at kaladkarin ang bansa sa paghahanda at pag-uudyok ng gera laban sa imperyalistang karibal na China?
Hungkag ang sinasabi ni Marcos na pag-unlad sa kalagayang isinusuko ng mga kasamá ang kalahati ng kanilang ani sa panginoong maylupa bilang upa, habang napakababa ng sahod ng mga manggagawang-bukid na sapat lang para pakainin ng instant noodles ang kanilang mga anak, habang walang lupa ang mga maralitang magsasaka, at kung saan pinagbabawalan ng mga naghahari-hariang militar ang mamamayan na magpalawak ng produksyon, sa akusasyong ibibigay lang nila ito sa BHB.
Anong kaunlaran ang sinasabi ng NTF-Elcac kung inaamin ng mismong gubyerno na sa nagdaang taon ay 1.1 milyon ang nawalan ng trabaho, kabilang ang mahigit 610,000 sa agrikultura. Sa kanayunan, sila ang mga magsasakang pinalayas ni Marcos sa lupa para bigyang daan ang mga kumpanya sa pagmimina, plantasyon at mga proyektong pang-enerhiya at eko-turismo. Sila ang mga magsasaka ng palay na nababangkarote sa harap ng pagbaha ng imported na bigas na ipinag-utos ni Marcos. Nariyan din ang mga magsasaka ng sibuyas, bawang at mga gulay na nangangalugi dahil sa hindi patas na kumpetisyon sa inaangkat na kalakal ng mga ismagler at kartel ng malalaking negosyo, kasabwat ni Marcos at kanyang mga alipures.
Eksperto si Marcos sa pagmasahe at pagpili ng datos at pampapoging mga gimik upang tabunan ang kabiguan ng kanyang rehimen na tugunan ang pangangailangan ng bayan. Subalit anupaman ang pagsisikap na maghabi ng ilusyon ng pag-unlad, hindi mapagtakpan ni Marcos at ng NTF-Elcac ang lalong lumalalang kundisyon ng bayan sa harap ng malawakang kawalan ng trabaho, pagkamkam ng kabuhayan, mababang sahod at sweldo, mataas na presyo at kawalan ng serbisyong panlipunan, habang lumalangoy sa burukratikong korapsyon ang mga upisyal ng gubyerno at militar. Hindi mapagtakpan kahit ng mga tagapagtanggol ng NTF-Elcac, ang mga traydor na nagpapakilalang “dating rebelde,” ang ganitong malalang kalagayan.
Sa pamamagitan ng NAP-UPD at ng Memorandum Circular No. 83, sinisisi ni Marcos ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa at magsasaka, mga samahang estudyante, kahit mga partidong elektoral at mga ahensyang maka-mahirap, sa kabiguan nitong wakasan ang rebolusyonaryong armadong paglaban sa pamamagitan ng todong-gera. Inilalantad ng NAP-UPD ang plano ni Marcos na ibayong paigtingin ang pampulitikang panunupil para patahimikin ang lahat ng tumututol at pumupuna. Sa nagdaang taon, ang mga upisyal at kasapi ng mga grupong ito ay target ng matinding pampulitika at ligal na panggigipit, kung saan ginagamit ng NTF-Elcac, ng AFP at ng pulis ang Anti-Terrorism Law at Anti-Terrorist Financing laban sa kanila.
Kung tutuusin, sa pagsupil sa mga organisasyong ito na naghahanap ng solusyon sa mga problema ng bayan sa balangkas ng reaksyunaryong konstitusyon, at sa pagpapakipot ng landas ng ligal na paglaban, inuudyok ng rehimeng Marcos ang mamamayan na bagtasin ang landas ng armadong pakikibaka at sumapi o sumuporta sa Bagong Hukbong Bayan.
Bagaman dumanas ang BHB ng mga pinsala bunga kapwa ng mga internal na kahinaan at ng walang-habas na teroristang gerang sinusuportahan ng US na isinasagawa ng rehimeng Marcos, malayong malayo pa ito sa pagkagupo. Maling mali ang rehimeng US-Marcos at mga pasistang ahente nito sa iniisip nilang magugupo nito ang BHB gamit ang superyor na pwersang militar at walang habas na pagsupil sa bayan. Ngayon pa lamang, matatag na binibigo ng BHB ang todong-gera ng kaaway, sa pamamagitan ng pangingibabaw sa mga internal na kahinaan, pagbabalik sa mga batayang prinsipyo ng pagsusulong ng matagalang digmang bayan, walang kapagurang paggagawaing masa, pagkontra-kubkob sa kaaway at pagpapasuntok nito sa hangin.
Patuloy na tumatamasa ang BHB na malalim at malawak na suporta ng masa. Ang masang magsasaka, na pinagmulan ng mayorya ng mga Pulang mandirigma ng BHB, ay hindi natitinag at determinadong magpunyagi na lumahok sa armadong paglabn upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at interes, laluna sa harap ng todong paninibasib ng teroristang estado laban sa kanilang mga komunidad.
Ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB ay walang balak na magpagupo. Sa inspirasyon at gabay ng kilusang pagwawasto, at sa alaaala ng lahat ng kanilang nabuwal na bayani at martir, determinado silang biguin ang todong pasistang gera ni Marcos at kanyang mga utusan. Sa absolutong pamumuno ng Partido, patuloy na isusulong ng BHB ang masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya at gagamitin ang mga taktika ng konsentrasyon, pagkalat at paglilipat, at mabilis na pagkilos, sa layuning balikan, muling pasiglahin at itayong muli ang baseng masa na desperadong gustong wasakin o pagwatak-waakin ng kaaway.
Kasama ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng Partido, dapat gawin ng BHB ang lahat para sumulong kabalikat ang masang magsasaka sa mga larangang gerilya at kalapit na lugar, upang isulong ang kanilang mga pakikibakang masang antipyudal at antipasista. Batay sa kanilang kakayahan, dapat patuloy na ilunsad ng BHB ang mga taktikal na opensiba upang basagin ang paghahari ng teror, parusahan ang mga pasistang kriminal at bigyang-inspirasyon ang mamaamyan na buong-lakas na lumaban.
Ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema, na pinalalala ng ganap na pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa imperyalistang amo nito, ay patuloy na nagluluwal ng kundisyong paborable para sa pagsusulong ng armadong rebolusyon. Nagdurusa ang malawak na masa ng sambayanan sa papalalang mga anyo ng pampulitikang panunupil, pang-aapi at pagsasamantala. Wala silang ibang masulingan kundi ang lumaban, pangunahin nang sandatahan, kaakibat ang iba pang anyo ng pakikibaka, kontra sa armadong panunupil ng rehimeng Marcos.
Tinatawagan ng Partido ang lahat ng rebolusyonaryong aktibistang masa, laluna sa hanay ng mga manggagawa at kabataan, na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at magsilbing mga Pulang mandirigma, at lumahok sa pagsulong ng rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka. Dapat pagtibayin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang kanilang paninindigan at lumaban nang mas militante at mas matapang, upang isulong ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.