Nanlaban sa tiraniya ng rehimeng US-Duterte ang libu-libong ekstrahudisyal na pinaslang

Read in: English

Palpak at hindi na makatatakas pa ang AFP-PNP at rehimeng US-Duterte sa kanilang pananagutan sa pagpaslang sa sibilyang sina Jemar Palero at Marlon Naperi. Angkinin man nila ang lahat ng rekurso sa propaganda, punuin ang mga balita ng kanilang paninira, baluktutin-baligtarin-dagdagan pa ang naratibo- hindi nila malilinlang at mabubulag ang mamamayan, higit ang pamilya’t kaanak ng mga biktima. Hindi nila mapahuhupa ang paniningil ng madla sa pagpipilit ng bulok na naratibong ‘nanlaban’ ang dalawa – gaya ng kwento nila para sa lampas 27,000 biktima ng kanilang pamamaslang.

Malinaw na sinalvage at ekstrahudisyal na pinaslang sina Jemar at Marlon. BUHAY ang naturang mga biktima nang damputin at dukutin ng mga pulis sa tapat ng upisina ng Phil. Coconut Authority sa Guinobatan, bandang 10:30 hanggang 11:00 ng gabi. Walang putukang naganap sa naturang pangyayari. Pinatunayan ito ng autopsy report kay Jemar na patraydor na binaril ng mga pulis ang dalawang napaslang. Kahina-hinala rin ang pag-iwas ng pulis na sagutin ang tanong kung bakit ala-una pa ng madaling araw isinugod sa ospital ang mga biktima gayong alas-onse pa ng gabi naganap ang pangyayari.

Sa desperasyon ng PNP RO V at Joint Task Force Bicolandia, sukat barilin ng kapulisan ang sariling police car mapalabas lamang na nanlaban ang mga biktima at mga kasapi umano ito ng BHB. Ang hindi naisip ng mga utak-pulburang pulis, nadagdagan lamang ang katanungan at iregularidad sa mata ng madla.

Subalit tiyak at titiyakin ng masa ang pananaig ng katotohanan, katwiran at katarungan. Hindi naman nila mahahabol pa ang pagtanggap ng masa sa ganitong kwento sa harap ng pagpapatunay ng mga kaanak, kakilala at katrabaho nina Jemar at Marlon na sibilyan sila. Ang tanging pinatutunayan ng kanilang argumento ay ang kanilang brutalidad at paglabag at kawalang-pagkilala sa mga internasyunal na makataong batas ng digma.

Kakabit na ng salitang ‘nanlaban’ ang kawalang-katarungan, kasinungalingan at maruming gera ng rehimen laban sa mamamayan. Samantala, para sa mamamayan, ang paglaban ay matagal nang bahagi ng kanilang buhay at reyalidad. Matagal nang linalabanan ng mamamayan ang mapang-api at mapagsamantalang sistema sa anumang paraang alam nila – tulad ng paggamit nina Jemar at Marlon ng mga paint canisters upang ipinta sa mga pader ang mga panawagang isinisigaw ng kanilang kumakalam na mga sikmura, pagal na katawan at libong taong pagtitiis. Tulad ng pagsama sa mga kilos protesta, pagsali sa mga progresibong organisasyon, pagpahayag ng kanilang mga kahingian sa iba’t ibang daluyan at patuloy na paggiit ng kanilang mga demokratikong interes. Oo, nanlaban sina Jemar at Marlon gaya ng libu-libong iba pang biktima ng karahasan ng estado. Buong giting nilang linalabanan ang tiraniya ng rehimeng US-Duterte na lumustay na sa milyun-milyong buhay at kinabukasan ng mamamayang Pilipino. Kasama ang rebolusyonaryong kilusan, patuloy na susulong at lalaban ang sambayanan hanggang makamit ang tunay na katarungan, kapayapaan at kaunlaran.#

Nanlaban sa tiraniya ng rehimeng US-Duterte ang libu-libong ekstrahudisyal na pinaslang