Notoryus na Hitman sa Quezon, Inisparo ng NPA

,

Read in: English

Pamamarusa sa isang bantog na mamamatay tao ang mistulang paalala ng NPA-Quezon sa pagkakatalaga kay Heneral Guillermo Eleazar na hepe ng pambansang pulisya — “para ipakita ang problema ng kriminalidad sa sariling lalawigan ng Heneral at sino ang dapat na target ng pulis,” ayon sa tagapagsalita ng NPA-Quezon.

Sa inilabas na pahayag ni Ka Cleo del Mundo ng Apolonio Mendoza Command-NPA-Quezon, sinabi niyang malaking hamon kay PNP Chief Guillermo Eleazar kung paano babaguhin ang madugong rekord ng pinalitan niyang si Debold Sinas na bumiktima ng maraming inosenteng sibilyang mamamayan sa halip na sugpuin ang tunay na mga kriminal na kagaya ng pinarusahan ng NPA.

Pinarusahan ng sparrow unit ng New People’s Army sa lalawigan ang kilalang upahang mamamatay tao sa Quezon na si Ronie Cabania at lider ng sindikatong Haliging Bakal kaninang 7:25 ng umaga.

Nilaman ng pahayag ng NPA ang mahabang listahan ng krimen ni Cabania, kabilang dito ang pagiging upahang mamamatay tao. Nakulong na si Cabania sa kasong murder noong 2017.

“Hindi iilang reklamo ang natatanggap ko sa aking FB account tungkol sa mga iligal na gawain ng mga sindikato at kriminal Nakarating sa aming kaalaman na ipinagyayabang niya ang papel niya sa pagpatay kay Nanay Fe delos Santos at Egay Tabien,” dagdag ni del Mundo.

Tinukoy din ng NPA na si Cabania ay drug pusher sa bayan ng Calauag, gun runner ng mga kapwa niya sindikato sa Quezon at carnapper na umaabot hanggang Cavite ang operasyon. Malaki ang patong niya sa mga opisyal ng pulis sa Lopez, Calauag at Lucena City

“Tabing lamang niya ang pagiging empleyado ng munisipyo ng Calauag. Katunayan, tinakot niya ang Meyor ng Calauag para tanggapin siya. Nauna na siyang sinibak ng dating Meyor dahil sa pagkakasangkot niya sa gawaing iligal,” ayon pa rin sa pahayag.

Sinabi rin ni del Mundo na kabilang sa modus ni Cabania ang paggamit sa pangalan ng CPP-NPA para mangikil sa mga negosyante at pulitiko sa lalawigan.

“Ang hakbang pamamarusa kay Ronie Cabania ay pagbibigay ng rebolusyunaryong hustisya sa lahat ng mamamayan na naging biktima ng kanyang iligal na gawain,” pagtatapos ni del Mundo sa kanyang pahayag.

Notoryus na Hitman sa Quezon, Inisparo ng NPA