Operasyong isnayp ng NPA ang naganap sa Esperanza, Pilar

,

Matagumpay ang operasyong isnayp na inilunsad ng NPA kagabi, Pebrero 28, alas-7:00 ng gabi sa headquarters ng 504th Maneuver Company ng PNP Regional Mobile Force Battallion sa Brgy. Esperanza, Pilar, Sorsogon. Napatay sa operasyon si P/Cpl. Ryan M. Atos at sugatan ang isa pang elemento ng RMFB.

Ang naturang operasyon ay bahagi ng nagpapatuloy na pagtugon ng NPA sa kahilingan ng masang Sorsoganon na bigyan ng hustisya ang mga biktima ng terorismo ng mga armadong pwersa ng rehimeng US-Duterte.

Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, ng tinaguriang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) at Operation Manhunt Charlie, talamak ang mga kaso ng pagpatay, pekeng engkwentro, iligal na pag-aresto at pagtatanim ng baril at granada na ginagawa ng mga armadong pwersa ng estado laban sa mga sibilyan. Mula 2020 hangang kasalukuyan ay umabot sa 24 sibilyan ang kanilang inaresto ang pinaratangang NPA o myembro ng Milisyang Bayan; siyam na sibilyan ang kanilang tinaniman ng baril at granada; at anim na pekeng engkwentro ang ipinakana, kabilang ang ginawa sa Brgy. Dolos, Bulan noong 2020 kung saan limang magsasaka ang minasaker; bukod pa sa 12 kaso ng ektrahudisyal na pamamaslang.

Hindi namin palalampasin ang anumang pagkakataon para parusahan ang pasistang PNP at AFP na nanggigipit at nandarahas sa walang kalaban-labang mga sibilyan sa probinsya. Determinado kaming kamtin ang rebolusyonaryong hustisya para sa lahat ng biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay, pwersahang pagpapasuko, pag-aresto batay sa mga gawa-gawang kaso at iba pang krimen ng estado sa ilalim ng NTF-ELCAC.

Operasyong isnayp ng NPA ang naganap sa Esperanza, Pilar