Pahayag

Opisyal na Pahayag sa Ika-57 na Anibersaro ng BHB

Sa paggunita sa ika-57 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), mariing nagbibigay-pugay ang Lupon ng Mannanggol para sa Bayan Timog Katagalugan sa mga mandirigma at kumander nito—ang tunay na hukbo ng bayan na walang pag-iimbot na naglilingkod at nagtatanggol sa sambayanang Pilipino.

Sa harap ng malawakang kahirapan at kawalan ng katarungan, napatunayan ng BHB na sila ang tunay na tagapagtanggol ng karapatang pantao—hindi lamang sa paninindigan kundi sa aktuwal na pakikibaka. Sa kanayunan ng Timog Katagalugan, sila ang katuwang ng masang anakpawis sa pagtatanggol ng lupa, pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, at pagbibigay ng serbisyong matagal nang ipinagkait ng estado.

Subalit malinaw ang isang malupit na katotohanan: ang mismong hukbong nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan ang siya ring biktima ng pinakamatitinding paglabag sa karapatang pantao. Ilan na bang mga mandirigma ang pinaslang, tinortyur, iligal na inaresto, at pinagmalupitan sa ilalim ng mga operasyong militar ng estado?

Hindi malilimutan ang nangyari noong Disyembre 2023 sa Malalay, Balayan, Batangas, kung saan ilang araw na pinagkait sa mga pamilya ang pagkuha sa labi ng kanilang mga nasawing kaanak na pinaghihinalaang kasapi ng BHB. Sa halip na igalang ang dignidad ng mga nasawi at ng kanilang pamilya, halos hinayaan pang mabulok ang kanilang mga labi. Hindi ito isang hiwalay na kaso—ito ay bahagi ng sistematikong pagyurak sa karapatang pantao, kung saan maging ang mga bangkay ay hindi pinapatawad. May mga pagkakataon pang ang mga labi ng mga martir ay tila ginagawang tropeo—pinagpipiyestahan at ginagamit sa propaganda ng mga pwersang militar.

Sa Timog Katagalugan, saksi ang mamamayan sa ganitong kalakaran ng karahasan at kawalang-pananagutan. Ngunit sa kabila nito, lalong tumitibay ang ugnayan ng hukbo at ng masa. Patuloy na yinayakap ng masang anakpawis ang BHB—sapagkat sila ang tunay na nagtataguyod ng kanilang interes at karapatan.
Ang lakas ng Bagong Hukbong Bayan ay nagmumula sa masa. At hangga’t nananatili ang ugat ng kahirapan, kawalan ng lupa, at sistematikong pang-aapi, mananatiling makatarungan ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at hustisyang panlipunan.

Sa pagtatapos, ipinapaabot ng LUMABAN TK ang pinakamataas na pagpupugay sa mga martir ng rebolusyon sa Timog Katagalugan—sa mga kumander at mandirigma na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa bayan. Hindi malilimutan ang kanilang kabayanihan at sakripisyo. Nananatiling buhay sa alaala at pakikibaka ng sambayanan ang mga pangalan nina Mario “Jethro” Caraig, Ermin “Ka Romano” Bellen, Dioscoro “Ka Termo” Cello, Jordan “Ka SY” Mopon, Bonifacio “Ka BoyWan” Magramo, at ang napakarami pang iba na nagbuwis ng buhay para sa tunay na kalayaan. Ang kanilang buhay at pakikibaka ay magsisilbing tanglaw at inspirasyon sa pagpapatuloy ng laban.

Sa araw na ito, pinagtitibay natin: ang tunay na kapayapaan ay hindi makakamit sa pamamagitan ng dahas at panunupil, kundi sa pagkilala at pagtugon sa lehitimong hinaing ng sambayanan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang masang anakpawis!

Opisyal na Pahayag sa Ika-57 na Anibersaro ng BHB