Pag-alabin ang diwang rebolusyonaryo ni Andres Bonifacio at lahat ng bayani ng rebolusyon! Kabataang Ilokano, sumampa sa NPA!
Ngayong Araw ni Andres Bonifacio, ang makabayan at rebolusyonaryong adhikain ng sambayanang Pilipino ay naglalagablab upang tuluyan nang wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at itayo ang lipunang malaya, payapa, sagana at pantay-pantay. Ang apoy ng armadong rebolusyon na sinindihan ni Andres Bonifacio ay patuloy na nagliliyab at lumalaganap sa buong bansa.
Itinatanghal natin ang ating sandata’t watawat upang dakilain ang mga martir ng kasalukuyang pambansa demokratikong rebolusyon. Sa okasyong ito ay ginagawaran ng National Democratic Front-Ilocos ng natatangi at pinakamataas na pagpupugay si Victor “Ka Changli” Daligdig, kadre at Pulang mandirigma ng NPA-Kalinga, na nabuwal sa matapang na pakikihamok sa mga pwersa ng AFP sa Barangay Allaguia, Pinukpuk, Kalinga noong Nobyembre 23, 2025.
Itinatanghal natin si Ka Changli bilang bayani ng sambayanang Pilipinong nagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon. Isa siyang anak ng tribu ng Kalinga na sa pagsapi sa NPA sa kaniyang kabataan ay napanday sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya at kalayaan ng mamamayang api ng Cordillera at ng buong sambayanang Pilipino.
Taglay ni Ka Changli ang tradisyunal na katapangan ng mandirigmang i-Kalinga, na higit pang hinasa ng rebolusyonaryo’t proletaryong paninindigan ng pagwawaksi sa pansariling interes upang ipauna ang interes ng nakararami. Kung kaya’t maliban sa masikhay na pagkilos sa Cordillera, tumugon siya sa pangangailangan ng katulad niyang mahusay na kadre’t Pulang mandirigma upang tumulong sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa Ilocos.
Taliwas ito sa katangiang mersenaryo ng mga pasistang sundalo na ang kahandaan, katapangan at kabangisan sa pandarahas sa nagdarahop na masa ay tulak ng nakukuha nilang malaking sweldo, promosyon, medalya at merito sa pagtatanggol sa ganid na interes ng kanilang among malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at imperyalista.
Ang kabataang magsasaka, manggagawa, iba pang maralita at peti-burgesya ang kasalukuyang henerasyon ni Andres Bonifacio na nasa unahan ng Bagong Demokratikong Rebolusyon. Sila ang mga bagong Katipunero na lumalabas mula sa kanilang paaralan at tumitipon sa masang manggagawa, magsasaka at maralita upang itaguyod ang kanilang demokratikong pakikibaka. Sila ang mga bagong Katipunero na sumasampa sa New People’s Army at nagsusulong ng digmang bayan upang buwagin ang paghahari ng mga panginoong maylupang mapagsamantala at namamarusa sa pasistang hukbong nandarahas sa masa.
Sa kabilang banda, ang papet na rehimeng Marcos Jr at ang mga bayarang pasistang tropa ng AFP-PNP ang mga traydor na Emilio Aguinaldo ng kasalukuyang panahon. Kagaya ng paglalako ni Aguinaldo sa Pilipinas sa imperyalistang US, inilalako ngayon ng rehimeng Marcos Jr ang soberanya at kayamanan ng bansa. Ipinagpapatuloy ngayon ng rehimeng Marcos ang ganid na interes ni Aguinaldo na pagharian ng uring ilustrado ang Pilipinas upang higit pang magpayaman.
Sa kasalukuyan, ang burukratikong katiwalian ng naghaharing uri ay mga uod na mabilis na nagsisilitawan sa naagnas na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ang kanser ng korapsyon ay malalim at matibay na nakaugat na sa lipunan, noon pang sinanay ng imperyalistang US ang mga papet nitong ilustrado na magpatakbo sa burukrasya bilang negosyo, magpayaman dito at isulong ang interes ng amo nila. Ang mga pulitikal na dinastiya na naghahari sa Ilocos – ang mga Ortega, Singson at Marcos ay mga pinakamatatagal at pinakamayayamang dinastiya sa Pilipinas na malalim na nakaugat at napanday sa burukratikong katiwalian. Ipinamana sa kanila ng kanilang mga ninuo na burukrata kapitalistang malalaking burges kumprador at panginoong maylupa ang monopolyo sa lupa, monopolyo sa tabako at malalaking negosyo at monopolyo sa kapangyarihang pangpulitika.
Ang mga kabataan ng Ilocos ay dapat na humahalaw ng inspirasyon sa kabayanihan ni Ka Changli at iba pang martir ng sambayanan. Nagbuwis sila ng kanilang buhay para sa paglaya ng sambayanang Pilipino. Katulad ni Ka Changli, dapat silang mahubog sa paninindigan ng taos-puso at walang pag-iimbot na paglilingkod para sa pagpapalaya ng uring anakpawis at buong sambayanang Pilipino.
Sa pagsambulat ng malalang krisis sa pulitika at ekonomiya sa bansa ngayon, ang mga kabataang Ilokanong magsasaka, manggagawa, mangingisda, maralita, estudyante’t propesyunal ay dapat na makilahok sa paghugos ng mga kabataan sa mga lansangan na bumubuo ng makapangyarihang tinig at yabag na rumirindi at yumayanig sa naghaharing-uri. Higit pa dito, dapat silang lumagpas sa mga kalsada patungo sa kanayunan upang sumampa sa NPA at isulong ang digmang bayan na tuluyang gigiba sa malakolonyal at malapyudal na istruktura ng lipunan, magtatayo ng tunay na demokratikong pamahalaan ng bayan at magwawakas sa paghahari ng mga ganid at sakim.