Pahayag

Pag-alabin ang Mithiin ng Mamamayan sa Lalawigan na Wakasan ang Bulok na Sistema! Palakasin ang Partido at malalim na umugat sa Masa!

,

Nakakuyom ang mga kamao at nakatanghal ang mga baril ng rebolusyunaryong mamamayan sa buong lalawigan ng Quezon sa okasyon ng ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kaisa ang AMC-NPA na nasa absolutong pamumuno ng PKP sa mithiin ng sambayanan sa buong bansa na ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan para wakasan ang bulok na sistema at hawanin ang landas para sa sosyalistang hinaharap ng bayang Pilipinas.

Habang walang kaparis ang brutal na atake ng kontra-rebolusyonaryong gera ng Rehimeng US-Marcos II sa nakaraan, hindi rin naman kayang tumbasan ang pagpupunyaging ipinakita ng Partido, ng Hukbong Bayan at rebolusyunaryong mamamayan sa Quezon para biguin ito. Bigong-bigo ang pangarap ng pasistang estado na ipawalang-saysay ang CPP-NPA sa pagtatapos ng taong 2025. Patuloy itong mabibigo sa mga susunod na taon habang hinding-hindi magagapi ang rebolusyunaryong kilusan at laging nakakatiyak ang tagumpay nito.

Naging posible ang di-matalo-talong rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan dahil sa mga ibinuwis at inialay na buhay ng mga martir sa mga nakaraang taon. Habang may nabubuwal na kasama ay lalo namang tumitibay ang paninindigan ng rebolusyunaryong kilusan na magpatuloy. Markado ang pagdiriwang nating ito ng mga pangalan at alaala ng kagitingan ng ating minamahal na martir na sina Ka Tau, Ka Ken, Ka Karen, Ka Isko, Ka Zoe, Ka Jenny, Ka Alfie at marami pang nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa paglaya ng sambayanang api.

Nakahanay sila sa dambana ng mga rebolusyunaryong martir katulad ni Kasamang Jose Maria Sison, Ka Benito Tiamzon, Ka Wilma Austria-Tiamzon, Ka Luis Jalandoni at Ka Maria Malaya. Ang kanilang iniambag na hininga ang buhay na patunay sa katumpakan ng pagrerebolusyon.

Sa panahon ng ating pagdiriwang ngayong pagtatapos ng taon, mahalagang balikan natin ang maniningning na karanasan ng ating tagumpay, mga nagampanan at pagkukulang. Tampok sa mga ito ang ating gawaing rekoberi sa lampas sa kalahati ng mga bayang saklaw ng ating kabuuang erya ng digma. Halos dalawandaang baryo sa kanayunan at mga komunidad sa sentrong bayan at lungsod ang inabot ng ating rebolusyunaryong pagkilos lalo na saRegions kainitan ng kampanyang kontra-korapsyon sa huling bahagi ng taon, ng reaksyunaryong eleksyon noong Mayo at pagrereaktiba at muling pagtatayo ng baseng masa ng hukbong bayan sa isang taong singkad.

Ang ganitong pagsisikap sa kabuuan ay nagresulta sa libo-libong masa na bago at muling naugnayan para sa pagpapalahok sa kanila sa pambansa demokratikong pakikibaka, pagsuporta hanggang paglahok sa armadong pakikibaka at paglaban sa pasistang estado para ito ay biguin at talunin. Sa bilang na ito, nabuo ang ilampung grupong pang-organisa ng magsasaka, kababaihan, kabataan at minorya na may ilandaang kasapian.

Ang Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command ang pangunahing bumalikat sa ngipin-sa-ngipin at pakikipaggitgitang labanan sa bayarang AFP-PNP-CAFGU at iba pang ahente ng pasismo ng rehimeng US-Marcos II. Nabigo ang mga batalyon ng Philippine Army sa ilalim ng 201st Infantry Brigade sa pangangarap nilang madudurog ang hukbong bayan sa lalawigan. Sa kabiguan nilang ito ay wala silang mapagbalingan kundi ang patuloy na labagin ang karapatang pantao ng mamamayang sibilyan, gipitin ang magsasaka sa kanayunan na sapilitang sumurender may kinalaman man o wala sa rebolusyunaryong kilusan, takutin at pagbantaan ang mga lider masa at ipagyabang ang pagbaligtad ng mga nagtaksil sa rebolusyunaryong kilusan.

Ang totoo’y nasusuklam ang mamamayan sa pananalasa ng FSMO at RCSPO ng AFP-PNP-CAFGU at namumuhi sila sa kataksilan at karuwagan ng mga nagdemonyo’t bumaligtad.

Kasabwat sa ganitong kapalaluan ng militar at pulisya ang pamprobinsyang pamahalaan ni Gob. Helen Tan na masugid na tagasunod ng NTF-Elcac at NAP-UPD sa pag-aakalang malilinlang nila ang mamamayan sa pangako ng kaunlaran at kapayapaan. Ang kaunlarang ito ay nangangahulugan ng malaking perang makukulimbat ng lokal na naghaharing uri at mga kontraktor na kontrolado ng pamilyang Tan. Ang mga pagpapalit-gamit ng lupa para sa eko-turismo at energy project ay nangangahulugan ng malawakang pagkasira ng lupang sakahan at kapaligiran at panganib sa buhay at kabuhayan ng apektadong taumbayan.

Ang kapayapaang ito ay nangangahulugan ng pekeng localized peace talks kunsaan pumipirma ng pagsang-ayon ang mga lokal na opisyal sa dulo ng baril ng mga sundalo at pulis. Ang kapayapaang ito sa mas masahol ay nangangahulugan ng pagsupil sa paglaban ng mamamayan, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pagbibilanggo at katahimikan ng libingan.

Subali’t ang ganitong kaapihan at pagsasamantala ay silbing maningas na gatong para sa papag-alabin ang paghahangad ng mamamayan ng lalawigan na wakasan na ang bulok na sistema. Sawang-sawa na ang taumbayan sa korapsyon sa loob ng reaksyunaryong gubyerno habang sila ay nananatiling walang lupa, mababa ang sahod, kulang sa serbisyong panlipunan at nilalabag ang karapatan.

Nasa sa unahan ng ganitong mithiin ang CPP-NPA sa lalawigan ng Quezon, nakahandang pamunuan ang paglaban ng mamamayan upang tiyaking magkamit ng mga makabuluhang resulta ang kanilang pakikibaka.

Kasaysayan ang nagpapatunay kung paano pinalaya sa monopolyong kontrol ng mga panginoong maylupa ang malalawak na hasyenda sa Bondoc Peninsula at ipinamahagi ito sa magsasaka na hanggang ngayon ay pinapakinabangan nila. Ang militante at rebolusyunaryong kilusang magbubukid ng Quezon ang isa sa nanguna para mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka sa niyugan katulad ng pagpapataas ng parte sa hatian, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid, at pagpapataas ng presyo ng kopra at niyog. Sa katunayan ay nasaklaw ang buong bansa sa pagtatamasa sa tagumpay ng pagpapataas ng presyo ng kopra, pagpawi sa resikada at mga iligal na kaltas, at maigiit na ibalik ang pondo ng coco levy na ninakaw mula sa kanila.

Ang tagumpay na ito ang malaking banta sa patuloy na pagpapakasasa ng lokal na naghaharing uri sa kabang yaman na iniluluwal ng industriya ng niyog at lakas-paggawa ng mamamayan ng Quezon. Hindi isang sikreto na kaya nagkamit ng pagbuti sa kalagayan at kabuhayan ang mamamayan ay dahil sa pagsandig nito sa pambansa-demokratikong pakikibaka na pinamumunuan ng CPP-NPA. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang desperasyon ng pasistang estado na panatilihin ang kategoryang insurgency-free ng lalawigan.

Sa pagpasok ng susunod na taon, at pagtuntong ng rebolusyunaryong mamamayan sa ikatlong taon ng kampanyang kilusang pagwawasto, lalong lumalaki ang pangangailangan na palakasin ang Partido Komunista ng Pilipinas sa Quezon para pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan. May mga nasimulan na ulit na pag-ugat sa masa, pero kulng-na-kulang pa at kailangang-kailangan pang palalimin ito, palaganapin at patibayin hanggang sa hindi na kakayaning bunutin ng anumang kontra-rebolusyunaryong pagtatangka at pakana ng pasistang estado sa dikta ng amo nitong imperyalismong US.

Ang nagkakailang daang bago at muling nag-aktibong rebolusyunaryong puwersa sa lalawigan ay kailangang abutin ang libo hanggang puong libo sa mga susunod na taon para maging balon ng mga aktibista, ng mga kadre at opisyal ng Partido at Hukbong Bayan. Kailangang abutin sa susunod na taon ang kabuuan ng mga saklaw na baryo at bayan para muling mapaandar ang makina ng paglaban ng mamamayan sa mga lugar na ito.

Dapat buklurin ang malapad na alyansa ng mamamayan laluna sa mga sentrong bayan at lungsod na mag-aambag ng lakas sa pambansang panawagan na ibagsak ang rehimeng US-Marcos at Duterte.

Inaasahang magkakaroon ng bagong sigla at tulak ang pagtungo ng mga kabataang estudyante at intelektwal sa kanayunan para lumahok sa armadong pakikibaka sa susunod na taon.

Anumang kagipitan at kahiripan, ang mga proletaryado ng rebolusyunaryong kilusan ay dapat na handang balikatin ang kanilang tungkulin at yakapin ng buong-puso ang paglilingkod sa sambayanan, laging handa sa hirap at sakripisyo, at ialay ang kaisa-isang buhay kung kinakailangan. Mainam at paborable ang kasalukuyang kalagayan para palakasin ang pambansa demokratikong rebolusyon, kailangang ibuhos ang lahat ng pagsisikap para magkamit ng mga walang kaparis na pag-abante hanggang ganap na tagumpay!

Mabuhay ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang NPA sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command!
Mabuhay ang pakikibaka ng mamamayan sa lalawigan ng Quezon!

Pag-alabin ang Mithiin ng Mamamayan sa Lalawigan na Wakasan ang Bulok na Sistema! Palakasin ang Partido at malalim na umugat sa Masa!