Pahayag

Pag-ibayuhin ang pagtatanggol sa karapatan at sa lupaing ninuno ng katutubong Molbog!

,

Malugod na binabati ng NDF-Palawan ang mga katutubong Molbog sa Sitio Mariahangin, Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan sa kanilang matapang at nagkakaisang pagharap sa mga pwersa ng pulis at armadong goons ng San Miguel Corporation (SMC) na nagpupumilit na pumasok sa kanilang komunidad.

Ang pagpapalayas at pang-aatake sa komunidad ng mga katutubong Molbog ay para bigyang daan ang Bugsuk Island Resort ng SMC. Saklaw nito ang mahigit 5,500 ektarya, kabilang ang Sitio Mariahangin na islang may lawak na 38 ektarya. Ang naturang sityo ay isa sa mga nalalabing lupaing ninuno ng komunidad ng Molbog at Cagayanen sa Bugsuk. Kinakasangkapan ng SMC ang mga pulis at NCIP upang sindakin ang mga lider at patindihin ang mga paglabag sa karapatang pantao at armadong pang-aatake sa mga katutubong Molbog.

Magiting na hinarap ng mga residente ang pangangamkam sa kanilang lupa. Sama-sama at matatag nilang ipinagtatanggol ang lupang ninuno sa Bugsuk na tahanan at pook-kabuhayan ng 90 pamilyang Molbog. Nilalabanan nila ang pagpasok ng bayarang PNP na nagsisilbing armadong goons ng SMC at mga kasabwat na ahensya ng gubyerno sa kabila ng matitinding banta sa kanilang kaligtasan.

Mula noong Nobyembre 18, ilang araw nang nagpapalitan sa pagbabantay ang mga residente ng Mariahangin. Ang ikutang iskedyul ng pagbabantay sa kanilang komunidad ang kanilang nagkakaisang hakbangin upang labanan ang de facto martial law na isinasagawa ng mga armadong pwersa ng estado at SMC. Patuloy na dumarami ang mga goons na pumupunta sa isla at nagtatayo ng kampo malapit sa mga bahay ng mga residente. Pinalilibutan ng mga armadong pwersang ito ang buong komunidad at patuloy na ginigipit at dinadahas ang mga residente. May isang insidente na nagpaputok nang anim na beses ang mga armadong tauhan na kasama ni Cesar Ortega, opisyal ng NCIP na pumasok sa komunidad ng Mariahangin.

Bago ito, dumaranas na ang mga katutubong Molbog at Palaw’an sa Bugsuk ng mga paglabag sa karapatang pantao tulad ng panunutok ng baril at pagbabanta upang sapilitan silang palayasin sa kanilang lupaing ninuno, sarbeylans gamit ang drone at intimidasyon na malubhang nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay at kabuhayan mula katapusan ng Enero. Nililinlang din ang mga katutubong Molbog sa pag-aalok sa kanila na isuko ang kanilang lupain para sa halagang ₱75,000 hanggang ₱100,000.

Para higit pang gipitin ang mga residente, kasabwat ang NCIP, iligal na kinasuhan ng “grave coercion” ang lider ng komunidad at residenteng Molbog na si Eusebio Pelayo, 69 taong gulang at ipinapatawag sa korte sa Disyembre 4. Muli na namang pinatunayan na huwad ang NCIP at tagapagtanggol lamang ito ng interes ng naghaharing-uri tulad ng ginawa nitong panloloko sa mga biktima ng pangangamkam ng mina sa lupain ng mga Palaw’an sa Brookespoint noong 2022.

Hindi kailanman pinaglingkuran ng reaksyunaryong estado ang mga katutubong Molbog. Sa kasaysayan, pinalayas ng kroni ni Marcos Sr. at dating chief executive officer na si Danding Cojuangco ang libu-libong katutubo matapos na kamkamin ang halos 11,000 ektaryang lupain ng Barangay Bugsuk noong 1974. Ang malaon nang alyado sa negosyo ni Cojuangco na si Ramon Ang, na malapit na kaibigan rin ni Rodrigo Duterte, ang nagmamay-ari na ngayon ng SMC matapos mamatay ni Danding noong 2020. Ipinagpatuloy niya ang pagpapalayas sa mga pambansang minorya na naninirahan sa Bugsuk. Sa ilalim naman ng rehimeng Marcos II, itinalagang bagong base ng US ang isla ng Balabac sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Pinasinayaan nito ang pagpasok ng mga tropa at kagamitang Amerikano pati na ang mga negosyong tutugon sa pangangailangan ng mga dayong kawal sa Balabac.

Ang kasalukuyang pang-aatake sa mga residente ng Balabac ay nawawalan ng saysay sa harap ng mahigpit na pagkakaisa ng mamamayang tumitindig para sa kanilang karapatan at lupang ninuno. Sa kabila ng mga pang-aatake ng SMC, patuloy ang paglaban ng mga taga-Bugsuk at nagawa na nilang itambol sa pambansang entablado ang kanilang laban para sa lupa. Umaani sila ng suporta mula sa iba’t ibang uri at sektor habang nalalantad sa bayan ang pagiging kontra-mamamayan at gahaman ng rehimeng US-Marcos II at SMC. Ipinapakita ng pakikibaka ng mga katutubong Molbog na walang ibang sasaligan ang mga magsasaka at pambansang minoryang inaagawan ng lupa kundi ang kanilang kolektibong lakas at paglaban.

Dapat patuloy na pag-alabin at higit pang pag-ibayuhin ng mga pambansang minorya at uring magsasaka ang kanilang militanteng nagkakaisang diwa sa matatag na pagtatanggol ng kanilang lupaing ninuno. Hindi dapat hayaang manaig ang malalaking burgesyang kumprador tulad ng SMC kasabwat ang estado, mga ahensya at armadong tauhan nito, bagkus, dapat puspusang labanan ang anumang pasistang atake at magpunyagi sa paglaban. Sa panahon ng pinatinding panunupil at panggigipit, ibayong paglaban ng mamamayan ang nararapat gawin upang makamit ang kanilang karapatan sa lupang ninuno, kabuhayan at panirikan.

Higit sa lahat, dapat tapatan ng makatarungang dahas ang pasismo ng naghaharing uri at kasangkapan nitong mersenaryong armadong pwersa. Dapat suportahan ng mamamayan at mga pambansang minorya sa Palawan ang armadong pakikibakang inilulunsad ng New People’s Army sa absolutong pamumuno ng Communist Party of the Philippines. Palakasin ang CPP sa probinsya, itayo at palawakin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na tiyak na magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at rebolusyong agraryo. Sa ganitong paraan lamang tiyak na magwawakas ang mga banta ng pangangamkam ng lupang ninuno sa mga pambansang minorya at makakamit ang katiyakan sa lupa, karapatan, kabuhayan, kasaganaan at pambansang demokrasya.

Pag-ibayuhin ang pagtatanggol sa karapatan at sa lupaing ninuno ng katutubong Molbog!