Pahayag

Pagbati kay Carlos Yulo, larawan ng matatag at determinadong atletang Pilipino

Binabati ng ARMAS-TK si Carlos Edriel “Caloy” Yulo, isang 24-taong gulang na gymnast, na naghatid ng napakalaking karangalan at inspirasyon sa mga atletang Pilipino sa buong bansa matapos umani ng dalawang gintong medalya sa 33rd Summer Olympic Games 2024 sa Paris, France. Isang gintong medalya ang ipinanalo niya sa floor exercise ng Agosto 3 at isa pang gintong medalya sa men’s artistic gymnastics vault ng Agosto 4. Pangalawa si Caloy sa mga atletang Pilipino na nagkamit ng gintong medalya sa Olympics habang ang una ay si Hidilyn Diaz na nanalo sa weightlifting noong 2021.

Inspirasyon sa marami ang tagumpay ni Caloy sa Olympics dahil ibinunga ito ng kanyang pagpapakasakit at hindi matatawarang determinasyon. Kahanga-hanga ang kanyang nakamit lalo’t nanggaling siya sa isang mahirap na bansa kung saan halos walang suporta para sa mga atleta. Mas masahol pa, ang naghaharing gubyerno sa bansang pinag-aalayan niya ng karangalan ay walang pakialam sa mga tulad niya at inuuna pa ang kapakanan ng dayuhan kaysa sariling mga kababayan. Binuno ni Caloy, hindi lamang sa dalawang araw na kompetisyon ang dalawang gintong medalya, kundi sa higit dekadang pag-aalay ng dedikasyon, tiyaga, lakas ng loob at sariling sikap upang tuluy-tuloy na makapagsanay at magpakadalubhasa sa kanyang isport.

Kabilang ang atletang Pilipino sa mga pinababayaan ng reaksyunaryong gubyerno ngunit labis na inaasahang magdala ng tagumpay sa bayan. Sa mayoryang bilang nila, marami ang napipilitang magkasya na lamang sa kung ano ang kaya nilang pasulputin mula sa sariling mga pagsisikap—mula sa uniporme o kasuotan, kagamitan, pasilidad, food allowance, tirahan, bayad sa trainor at iba pa. Mayroon pa sa kanilang napipilitang pumasok sa personal na kontrata o ang iba ay lumilipat ng ibang bansa para magpatuloy ng kanilang pangarap. Di na mabilang ang bumitiw na sa pagiging atleta dahil sa kawalan ng panustos, sistematikong programa para sa pagsasanay, suportang moral at pambabalewala ng estado. Nakakainsulto para sa mga atleta na matapos pabayaan ng matagal na panahon ay bigla silang bibigyang papuri at bubuhusan ng insentibo kapag nakapagkamit ng tagumpay. Sinasakyan lang ng mga pulitiko ang kanilang tagumpay upang magpabango sa mamamayan.

Kahiya-hiya ang papet na Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na nagdadalawang-mukha at lumulutang ang pagiging ipokrito sa ganitong mga pagkakataon. Palibhasa’y nanunuot ang pagiging trapo (traditional politician), animo’y mga bubuyog na dumudumog sa napakabango’t matamis na bulaklak ang mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno, oras na may isang atletang umungos pataas sa pandaigdigang antas. Nariyan ang paggawad ng samu’t saring award at insentibo para masabing sinusuportahan nila ang mga naging kampeon na atleta. Katulad ito ng ginagawa sa iba pang mga personahe, artista, imbentor o simpleng OFW na kinilala muna sa ibayong dagat at buong daigdig, bago binigyang pagkilala ng reaksyunaryong gubyerno.

Bagamat tunay na dapat ipagbunyi, nagsisilbing paalala ang tagumpay ni Caloy ng pagkahuli ng mga atletang Pilipino sa buong daigdig resulta ng ilang dekadang pag-abandona sa kanila ng reaksyunaryong estado. Tumitingkad ang kawalang programa ng estado sa larangan ng isports at kultura na bumabansot sa potensyal ng mahuhusay at determinadong atleta. Sa mga pampublikong paaralan, babahagya ang pondo sa programa sa isports at walang mga pasilidad para rito. Nakadepende sa mga lokal na gubyerno ang pagtataguyod sa programa sa isports sa kanilang saklaw kaya’t hindi konsistente at nagagamit pa sa pampulitikang ambisyon ng mga trapo. Pinakamalaking hadlang sa pagkakamit ng komprehensibong pag-unlad ng isports ang imperyalistang kontrol sa bansa at resulta nitong lubhang kahirapang dinaranas ng pinakamalaking bilang ng masang Pilipino.

Kabaliktaran ito ng isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan na pambansa, siyentipiko at maka-masang tipo ng kultura, edukasyon at isports kung saan adhika ang libreng pagsasanay, pag-aaral at pasilidad para sa lahat ng nais maging propesyunal na atleta, siyentista, inhinyero, guro at iba pa upang mag-ambag sa pambansang kaunlaran. Tinitiyak ng programa ng rebolusyonaryong kilusan na palayain sa dayuhang kontrol ang lipunang Pilipino, kamtin ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa pamamagitan nito, titiyakin ang sustenableng pag-unlad ng lipunan at batay dito ay matiyak na matulungan ang bawat indibidwal na abutin ang kanyang maksimum na kakayanan bilang tao. Sa mga komunidad kung saan nakapagtatayo ng mga saligang organisasyong masa at lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika, maging sa mga yunit ng Hukbong bayan, naglalaan ito ng panahon para sa isports at paglilibang kabilang ang tournament sa basketball, volleyball, swimming, chess, dama, darts, table tennis, arnis, taekwondo at marami pang iba. Laluna sa mga yunit ng Hukbong bayan, sistematiko at programado ang gawaing isports at pagpapalakas hindi lamang para sa pisikal at mental na pagsasanay kundi bilang bahagi ng paglilibang ng mga Pulang mandirigma.

Ilan pang mga tulad ni Caloy ang naghahangad na umugit ng kasaysayan sa kanilang pinagkakahusayang mga larangan. Hamon sa mga atletang Pilipino na magkaisa at kumilos upang matamasa ang kanilang batayang pangangailangan at karapatan bilang mga atleta, hindi lamang para sa sarili kundi upang mag-ambag sa kagalingan ng bayan. Dapat na puspusang makibaka para kamtin ito at pakinabangan hindi lamang ng mga atleta sa kasalukuyan kundi hanggang sa mga susunod pang henerasyon.###

Pagbati kay Carlos Yulo, larawan ng matatag at determinadong atletang Pilipino