Pahayag

Pagbayarin ang pasista at berdugong militar sa paglabag sa karapatang pantao ng tribung Manide!

,

Iligal na dinakip ng 85th IBPA si Allan Aragon, katutubong Manide, at pinagbababaril naman ang ilan pang kasamahan nito sa kanilang komunidad noong ika-20 ng Nobyembre, alas 11 ng umaga sa Barangay Cabatuhan, bayan ng Labo. Hanggang sa kasalukuyan, hindi inililitaw at walang pagkakaalam ang pamilya at komunidad sa kinaroroonan ni Allan.

Pamalagiang target at biktima ang mga Manide ng intimidasyon, panliligalig at panggigipit. Isa lamang ito sa serye at mahabang listahan na ng mga pasistang militar na paglabag sa karapatang pantao ng mga katutubo. Matatandaan ang pagpatay kay Arjie Salvador, 17 taong gulang na kabataang Manide sa Barangay Canapawan noong 2023. Nangunguha lamang ng pulot (honey) si Arjie na pambenta ngunit pinaputukan siya ng militar. Pinalabas na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng NPA at 9th IBPA. Walang nanagot, pilit na pinatahimik at tinakot ang pamilya at komunidad na kinabibilangan niya para hindi maghain ng kaso laban sa berdugong sundalo. Pinaputukan naman ang apat na kalalakihang katutubo na pinaghinalaan lamang nilang NPA. Sa takot sa berdugong sundalo nagtakbuhan sila habang pinagbababaril ng mga pasistang sundalo.

Aabot na ng 10 ang kaso ng sapilitang pinasusuko at iligal na inarestong mga Manide. Hindi pa kabilang ang hindi naiuulat na kaso. Ipinalalabas silang mga miyembro ng New People’s Army.

Nagpapakalat din ng mga litrato ng mga tinatakan na ng pasistang sundalo na wanted at may patong sa ulo. Hindi pa man dumadaan sa proseso ng batas at napapatunayan, naghahasik ng takot at gawa-gawang kaso sa kanila. Nagiging biktima sila ng red-tagging. Marami pang kaso ng intimidasyon at pananakot na hindi nauulat at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa matinding takot na hinahasik ng berdugong militar, napipilitang umalis at nadidisloka ang pamayanan ng mga Manide.

Pinalalala ng pangwawasak sa kaayusan at kapayapaan ng kanilang komunidad ang hikahos na kalagayan sa kabuhayan. Laganap ang kawalan ng lupa, mababang sahod at nagiging biktima ng mga pandaraya at pagsasamantala dahil sa kawalan ng serbisyong pang-edukasyon. Ito rin ang sinasamantala ng reaksyunaryong gobyerno at berdugong militar—ang ipinagkait nilang kaalaman sa karapatan at proseso ng batas, para lalo silang gipitin, patahimikin at takutin.

Nananatiling pikit at nagbibingi-bingihan ang mga lokal na ahensya ng gobyerno at ang National Commission on Indigenous People sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga katutubo. Hindi sila naproprotektahan at lalong lumalala ang mga atake sa kanilang komunidad.

Hinahamon ng Armando Catapia Command ang mga tunay na lingkod bayan at nagtatanggol sa karapatang pantao na protektahan at ipagtanggol ang karapatan ng mga katutubo at mga mamamayan ng Camarines Norte.

Nananawagan ang ACC-NPA sa masang CamNorteño na ilantad at labanan ang mga karahasang militar sa pamamagitan ng pagtatambol nito sa mga radyo, pahayagan at social media. Magsama-sama at magkaisa para protektahan ang karapatan ng bawat isa, katutubo man o iba pang kapwa mamamayang Pilipino.

“Lalo lamang sinisindihan ng mga atake ng pasistang sundalo ang pagnanais ng mga katutubo na lumaban sa isang lipunan na rerespeto at mangangalaga sa kanilang karapatan at kagalingan. Ito ang apoy na nagpapalagablab sa kanilang pakikibaka para sa lupang ninuno at pagpapasya sa sarili. Tunay lamang na makakamit ito ng mga katutubo at masang CamNorteño kasama ang buong sambayanang Pilipino sa pagtatagumpay ng rebolusyon.” ani Ka Carlito Cada. Mag-armas! Sumapi sa New People’s Army!

Pagbayarin ang pasista at berdugong militar sa paglabag sa karapatang pantao ng tribung Manide!