Pagkain at ayuda hindi bomba at bala! Kundenahin at singilin ang 203rd Brigade sa walang awat na pambobomba, panganganyon at istraping sa Mindoro!
Mahigpit na kinokondena ng National Democratic Front-Mindoro ang walang walang patumanggang istraping mula sa helicopter at panganganyon ng mga pasistang tropa ng 203rd Bde mula hapon ng September 9 hanggang madaling araw ng September 10. Ito’y pagkatapos ng labanang naganap sa pagitan ng NPA at AFP noong alas-11 ng umaga, September 9, 2025 sa Sitio Tugas, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Tinarget ng pang-iistraping at panganganyon hindi lamang ang kagubatan kundi ang mga taniman, komunidad ng mga katutubong Mangyan, at mga lugar na pinaghihinalaan nilang inatrasan ng mga napalabang NPA nang walang pagkokonsidera sa epekto sa mga sibilyan at maaring tamaan ng kanilang pamumutok mula sa ere. Dahil sa labis na takot ng mga residente malapit sa pinangyarihan ng labanan at nasaklaw ng mga panganganyon at istraping, napilitang lumikas ang daan-daang mga katutubong Mangyan kabilang ang mga bata, kababaihan, at mga matatanda na taga-Sitio Tugas at Sitio Swerte ng Barangay San Vicente at mga kalapit pang kabahayan.
Walang ibang layunin ang paghahasik ng teror ng 203rd Bde kundi takutin ang mamamayan laluna ang mga magsasaka at katutubong Mangyan upang huminto sa paglaban at pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan. Sinisindak din ng 203rd Bde ang rebolusyonaryong pwersa laluna ang BHB sa pag-aakalang ang eksaheradong paggamit nito ng superyor na pwersa at rekurso ay magpapatigil sa mapanlabang diwa ng mamamayan at BHB para lumaban.
Muling pinatunayan ng 203rd Bde ang pagiging sagad-saring terorista sa ginawang pang-iistraping, panganganyon, at pagdagsa ng militar laluna sa mga pamayanan sa boundary ng Roxas-Mansalay-Bongabong. Hindi na bago ang akto ng terorismo sa mahabang rekord ng 203rd Bde at PNP MIMAROPA. Matatandaang mula 2019, apat na beses nang inistraping at kinanyon ang Sitio Tugas at mga kalapit nito, may labanan man o wala sa lugar. Madalas gawing dahilan ng panganganyon at istraping ang diumano’y presensya ng NPA sa lugar. Hindi din bago ang pagpatay ng mga ito sa sibilyan at iba pang walang kalaban-laban. Kung matatandaan, noon ding June 2022 sa Sitio Tugas, pinaulanan ng bala ng mga pulis ang pamilya ni G. Inyab, isang katutubong Buhid nang masagasaan ng nag ooperasyong mga pulis ang balatik o panghuli ng hayop ni G. Inyab na ikinasugat ng mga ito. Sa kanilang kapalpakan, pinagbalingan ang buong pamilya, pinagbabaril na ikinamatay ng tatlong miyembro ng pamilya.
Nito lamang Agosto magkakasunod ang kaso ng pagtortyur at pagpatay ng 203rd Bde sa nahuhuli nilang mga sibilyan at pulang mandirigma na isang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Noong Agosto 1, pinatay ng 4th IBPA ang sibilyang si G. Juan Sumilhig, sa Sitio Salidang, Barangay Naibuan, San Jose Occidental Mindoro subalit pinalabas na NPA na napatay sa kunwaring labanan. Hinuli, tinortyur at saka pinatay si Ising “Ka Mutya” Domingo noong Agosto 7 matapos na siya’y mahuli ng mga nag ooperasyong sundalo sa Barangay Happy Valley, Roxas Oriental Mindoro. Sa halip na hulihin, walang awa siyang pinaslang ng mga berdugo.
Nito din lamang Agosto 12, binomba at inistraping ng 203rd Bde ang ilang mga baryo ng Baco Oriental Mindoro pagkatapos ng mga serye ng labanan sa pagitan ng NPA at mga yunit ng 203rd Bde. Libo libong residente ng limang barangay sa Baco ang napilitang lumikas dahil dito. Idinaraing nila ang hirap ng sitwasyon sa mga evacuation center at kakulangan sa ayuda ng lokal na gubyerno. Labis nilang ikinabahala ang hindi nila kagyat na pagbalik sa kanilang komunidad dahil sa naiwang mga hayop, taniman, at kabuhayan doon.
Habang matinding naghihirap ang mamamayang Mindoreño sa tindi ng krisis dahil sa kawalan ng lupa, kawalan ng marangal na hanap buhay, mababang sahod, barat na presyo ng produktong bukid, pagsirit ng mga preyo ng bilihin at serbisyo. Pinalala pa ito ng mga sunod sunod na pagbaha at pagguho ng lupa laluna nitong Hulyo at Agosto. Sa halip na ilaan ng gubyerno ni Marcos Jr. ang milyon milyong pisong ginagasta sa mga kanyon, bomba, bala, helicopter at sa mga operasyong militar na pumipinsala at pumeperwisyo sa mamamayan, bakit hindi ilaan ang pondo para sa serbisyo at ayuda para sa masang Mindoreño? Dapat ilaan ang milyon milyong pondo ng NTF ELCAC at Barangay Development Fund (BDP) na sa mga biktima upang makabangon sa pinsalang dulot ng militarisasyon at pagbaha sa halip na pag aksayahan ng pondo ang mga proyektong wala namang pakinabang ang taumbayan.
Ang dagundong ng mga kanyon at putok ng mga baril ay may pangmatagalang epekto sa sikolohikal na kondisyon ng mga sibilyan laluna sa mga bata. Grabeng takot ang hatid nito sa buong mga pamayanan na may katugong epekto sa kabuhayan ng masa. Sa labis na takot, ekta ektaryang kaingin at mga taniman ang hindi na naman mabubungkal o kahit mabisita man lamang dahil sa takot sa presensya ng mga militar. Ang sapilitang ebakwasyon sa mga katutubo ay tiyak na maghahatid ng kagutuman. Ang walang humpay na operasyong militar ay tiyak na perwisyo at maglilimita sa kanilang paghahanap buhay.
Walang tigil at walang kupas ang di deklaradong Martial Law sa Mindoro laluna sa kanayunan. Asahan ang lalo pang pag igting ng terorismo ng AFP-PNP-CAFGU upang patunayan sa lahat ng paraan ang baluktot na deklarasyon ni Marcos Jr. sa kanyang SONA na “wala ng grupong gerilya sa bansa” at ng banta ni Gen. Ramon Zagala ng 2nd ID na tatapusin ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa pagtatapos ng 2025.
Sa pag igting ng terorismo, patuloy ang panawagan sa mamamayang Mindoreño laluna sa masang magsasaka at katutubong Mangyan na magkaisa at labanan ang terorismo ng estado. Dapat magbuklod at kumilos para palayasin ang mga militar sa kanayunan laluna ang mga nakakakampo sa mga sentrong pamayanan. Magkaisa upang patigilin ang mga pambobomba, panganganyon, at pang iistraping.
Panawagan din sa mga lingkod bayan laluna sa mga bayan at barangay ng Mansalay at Roxas na tumindig at ipagtanggol ang taumbayan at hindi dapat magpatinag sa pananakot ng 203rd Bde. Dapat nyong pangunahan ang masusing pag iimbestiga sa pangyayari at tulungang makabangon ang mga biktima laluna na ang mga napalikas.
Nananawagan din tayo sa mga mga guro, estudyante, mga kabataan, taong simbahan, mga abogado, taong medikal, midya, at iba pang mapagmahal sa karapatang pantao na tulungan ang mga apektadong mamamayan sa anumang kakayaning paraan.
Mamamayang Mindoreño, magbuklod at kumilos para wakasan ang terorismo ng estado. Isakdal at pagbayarin ang rehimeng US-Marcos, 203rd Bde at PNP MIMAROPA sa patuloy na paglabag sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas! Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!