Pahayag

Pagkatapos ng reaksyunaryong halalan, susulong ang pakikibakang masa at armadong rebolusyon

, ,

Sa katatapos na eleksyong midterm noong Mayo 12, minsan pang napatunayan na wala sa reaksyunaryong halalan ang pag-asa ng masang Pilipino na mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan, pang-aapi at pagsasamantala, kundi sa pagsusulong ng armadong rebolusyon.

Muli, ang eleksyong ito ay naging arena lamang ng tagisan ng mga nag-aalitang pangkatin ng naghaharing-uri, upang makopo ang poder para sa kani-kaniyang interes. Kagaya ng pagsasalarawan ng Communist Party of the Philippines, ang eleksyong ito ay pangunahing naging balyahan lamang ng kasalukuyang dalawang pangunahing pangkatin ng mga bulok na burukrata kapitalista—ang pangkating Marcos at Duterte. Bawat pangkatin ay nagpatakbo ng kanilang kinatawan sa Senado, Kongreso, sa lokal na gubyerno at maging sa partylist. Kung kaya’t ang panibagong komposisyon ng mga mambabatas at pinuno ng mga lokal na gubyerno, ay hindi mga kinatawan ng mamamayan, kundi mga kinatawan ng pangkating Marcos at Duterte.

Muling pinatampok ng halalang ito ang kabulokan ng malakolonyal at mapalayudal na katangian ng lipunang Pilipino sa pangingibabaw ng mga pulitikal na dinastiya at mga huwad na partylist, patayan at mga karahasan, bilihan ng boto, dayaan at mga anomalya sa automated na bilangan ng boto, pagbaha ng mga pekeng balita at iba’t ibang porma ng panlilinlang sa masa at siraan at bangayan ng mga trapo. Umigting ang pasismo ng rehimeng Marcos, AFP at NTF-Elcac sa hanay ng demokratikong kilusan ng mamamayan upang supilin sila sa halalang ito.

Pinalalawig at pinagtitibay pa ng eleksyong ito ang paghahari sa Ilocos ng mga pinakamalalaki at pinakamatatagal na pulitikal na dinastiya sa bansa—ang dinastiyang Marcos na nagsimula ng dinastiya noong pang 1950s, ng mga Singson noong 1970s at Ortega noon pang panahon ng kolonyalistang Amerikano. Ang mga magkakapamilya sa mga dinastiyang ito ay siya ding naglaban-laban sa mga pwesto sa lokal na gubyerno, at bagamat nag-aalitan ay sila pa rin ang humahawak sa poder.

Sa Ilocos Norte, isinalarawan ng masa na sobra-sobra ang init at kabulokan ng halalan dito. Sanhi ito ng pagdala ng magkapatid na presidente Bongbong Marcos at Senador Imee ng kanilang hidwaan sa halalan sa kanilang prubinsya. Kani-kaniyang patakbo sila ng mga mayor at konsehal sa syudad ng Laoag at mga bayan. Samantala, nagpalitan lang ng pwesto ngayong halalan sina gobernador Matthew Marcos-Manotoc (anak ni Imee) at bise gobernador Cecilia Araneta-Marcos (hipag sa pinsan nila BBM). Muli namang nahalal si Sandro (anak ni BBM) bilang kongresman ng unang distrito at si Angelo Marcos-Barba (pinsan nila BBM).

Sa Ilocos Sur, bagamat hindi pa naghihilom ang hidwaan sa pamilya, nananatili ang paghahari ng mga Singson. Mananatili bilang gobernador si Jerry Singson, kapatid ng dating gobernador Chavit, at isa pang kapatid nila ang muling nahalal na mayor sa bayan ng Caoayan. Apat na anak ni Chavit ang nakakuha ng pwesto bilang bise-gobernador, kongresman sa unang distrito, mayor ng Vigan City, konsehal ng bayan ng Narvacan, at first nominee ng Ako Ilokano Ako party-list. Dagdag pa ang limang pamangkin at apo ni Chavit ang uupo sa provincial board, bise-mayor ng Caoayan at konseho ng Vigan City.

Sa ikalawang distrito ay nanatili ang paghahari ng pamilya ni Eric Singson na kamag-anak din ni Chavit. Si Eric ay muling uupong mayor ng Candon City, dalawang anak niya bilang kongresman at konsehal ng syudad, dalawang pamangkin ang uupong bise-mayor at konsehal ng syudad.

Sa La Union, muling pinainit ng mga Ortega ang kanilang mga hidwaan sa angkan sa paglalaban-laban nila nitong nakaraang eleksyon. Naglaban sa pagkagobernador ang incumbent Vice Gov. Mario Ortega at apo nitong Raphaelle Ortega-David kung saan nanalo ang matanda. Isang anak ni Mario ay nanalo bilang konsehal sa syudad. Naglaban naman ang magpinsan na incumbent congressman Paolo Ortega at incumbent provincial board member Joy Ortega para sa pagka-kongresman ng unang distrito kung saan nanalo si Paolo. Ang ama ni Paolo Ortega ang uupong bilang bise-mayor ng San Fernando City at ang ina niyang si Mariquita ang nahalal na mayor ng San Juan (na kinalaban ng pinsan nitong Vice Mayor Mannix Ortega) at kapatid niyang si Luzan Ortega-Valero, ang second nominee ng Solid North Partylist. Maliban sa kanila, apat pang Ortega ang kumandidato sa iba’t ibang posisyon sa lokal na gubyerno.

Nangibabaw sa Ilocos ang mga pekeng partylist na patakbo ng mga dinastiyang sumusuporta sa mga Marcos. Kabilang dito ang Ako Ilokano Ako na pundar ng mga Singson, ang Solid North Partylist na pinamumunuan ng dinastiyang Bernos ng Abra at ang PBBM Partylist na pinamumunuan din ng dinastiyang Valera ng Abra.

Kagaya ng nakagawian na ng mga dinastiyang ito, talamak at lantaran ang bilihan ng boto at suhulan sa Ilocos. Isinalarawan ng masa ang mga vote-buying dito, na “sobrang talamak” kahit sa mismong prubinsya ng mga Marcos ay naging hayagan ang mga pilahan para sa mga pay-out sa mga barangay. Pasimuno sa panunuhol dito si presidente Marcos, kagaya ng pamimigay niya ng ayuda sa mga magsasaka sa panahong nagtapos na ang kalamidad ng El Niño at palapit na ang eleksyon.

Sa eleksyong ito, muling sumabak ang pambansa-demokratikong kilusang masa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lunsod, kabataan, kababaihan, guro at iba pang marginalized na sektor upang makakuha ng representasyon sa lehislatura, subalit nabigo silang makakuha ng posisyon sa Senado at minimal ang nakuha sa partylist. Sumuong sila na mulat sa katangian ng eleksyong ito na pinangingibabawan ng mga mayayamang dinastiya at burukrata kapitalistang malalaking burges kumprador at panginoong maylupa, kung kayat hindi sila umasa na makakuha ng mayoryang posisyon sa reaksyunaryong batasan. Dahil sa sila’y kilusan ng mga maralita, wala silang malalaking pondo’t rekurso upang ipanuhol, ipambili ng boto, ipambayad sa mga mamahaling patalastas, troll army at mga sikat na artistang mangangampanya para sa kanila. Ang tanging puhunan lamang nila ay ang suporta ng mga aping sektor na kanilang kinakatawan kung kaya’t ang kanilang kampanya ay itinuon sa paglubog, pag-alam sa kalagayan, pagmumulat, pag-oorganisa at pamumuno sa pakikipaglaban ng masa para sa kanilang karapatan at kagalingan.

Hinding-hindi makakapayag ang naghaharing rehimen na makapwesto ang pambansa-demokratikong kilusan sa kanilang gubyerno kung kayat pinaigting ang kampanya ng AFP-NTF-Elcac sa panunupil sa mga ito. Sa Ilocos, lantarang nangampanya sa mga eskwelahan at mga komunidad ang mga pulis, militar at NTF-Elcac na huwag iboto ang mga kandidato ng Makabayan Bloc. Bago pa ng pagbubukas ng kampanya sa halalan ay pinaarangkada ang kanilang kampanya sa Red-tagging, pagpila ng mga gawa-gawang kaso, harassment at pekeng pagpapasurender sa mga demokratikong samahang masa, sa mga development workers kabilang ang mga inosenteng sibilyan. Sinikap din silang sipain sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang boto. Ilan lang sa mga halimbawa nito ang napaulat sa mga bayan ng Sto. Tomas at Bagulin sa La Union ng pagbabawas sa boto ng mga kandidatong senador at partylist ng Makabayan.

Inasahan na na dadayain ang mga makabayang kandidato. Gayunpaman, nagpunyagi pa rin sila sa elektoral na pakikibakang ito dahil sa ang motibo nila ay ang tapat na pagsisilbi sa interes ng aping masa, kung kayat susuungin nila ang lahat ng porma ng karahasan, panunupil at mga manipulasyon. Sinusupil man sila, matapang pa rin silang nangampanya sa mga adyenda na magbibigay ng kagyat na kaginhawaan ng masa hanggang ang mga pangmatagalang adyenda para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, soberanya at kalayaan ng bansa mula sa imperyalistang kontrol.

Sa Ilocos, ikinampanya ng mga magsasaka, mangingisda, kabataan, pambansang minorya, tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-pantao ang kanilang mga panawagan sa sapat na ayuda at subsidyo sa produksyon, pagsisilbi sa excise tax sa tabako, pagbabasura sa rice tariffication law, ang karapatan ng mangingisda sa West Philippine Sea at Lingayen Gulf laban sa mga malalaking komersyal na pangisda, ang pagtigil ng pribatisasyon sa serbisyo ng tubig at pagbibigay ng ligtas at accessible na pampublikong serbisyo sa tubig. Ipinanawagan nila ang pagpapatigil ng mapanirang black sand mining sa Santa, Ilocos Sur at Buhawind energy project sa Ilocos Norte, ang pagtatanggol sa ansestral na teritoryo ng mga katutubo laban sa pang-aagaw ng mga energy companies. Tuloy-tuloy ang kanilang kampanya sa pagtatanggol sa karapatang pantao laban sa militarisasyon at panggigipit ng AFP-NTF-Elcac, ang pagtutol sa base-militar at war exercises ng US sa Ilocos at pagtatanggol sa soberanya ng bansa. Naging positibo ang tugon ng masang Ilokano at sinuportahan ang mga kampanyang ito na kailangang madala at ipaglaban sa Kongreso at Senado.

Makabuluhang hakbang ng demokratikong kilusan ng mamamayan ang pagsisikap na sumabak sa elektoral na pakikibaka upang isulong ang adyenda para sa pambansa demokratikong pagbabago. Hindi mamaliitin ang milyon-milyong nakuha nilang boto, at mas mahalagang tagumpay ang nakamit nila sa paghamig sa suporta, sa pagmumulat at pag-oorganisa sa mga aping sektor. Mismong ang matapang na pagtakbo ng mga tunay na marginalized na magsasaka, manggagawa, mangingisda, maralitang lunsod at iba pang kinatawan ng nga aping sektor at patriyotiko, ipinamalas nila sa masa ang pangangailangan ng pagkakaisa at pakikibaka.

Sa kinalabasan ng halalang ito, pinatutunayan din na ang naghaharing-uri ay hindi makakapayag na mabigyang-daan ang kanilang boses sa loob ng kanilang reaksyunaryong gubyerno kung kayat ginawa lahat ang mga maruruming iskema, manipulasyon at paniniil upang hindi sila makapwesto.

Pagkatapos ng eleksyong midterm 2025, ano ang mangyayari? Reresolbahin ba ang kahirapan, ang kawalan ng lupa at trabaho, ang di maampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang korapsyon? Magkakaisa na ba ang mga naghaharing pangkatin? Huhupa ba ang pasismo ng rehimen? Maliwanag na hindi. Hindi reresolbahin ng rehimeng Marcos at mga bagong tangkas ng kaniyang Senado, Kongreso at lokal na gubyerno ang pampulitika at pang-ekonomiyang krisis kundi lalo pang lalala, lalo pang iigting ang kanilang hidwaan at lalo pang lalala ang korapsyon at pasismo. Dahil dito, tiyak, iigting pa ang pag-aalsa ng masa.

Sa pagtatapos ng halalang ito, muli tayong bumabalik sa kongklusyon na hangga’t ang lipunan ay pinaghaharian ng malalaking burges kumparador, mga panginoong maylupa at kontrolado ng imperyalistang US, ang eleksyon ay para lamang sa kanilang mga kinatawang mga pulitikal na dinastiya at partido. Bumabalik tayo sa kasaysayan na ang proseso ng eleksyon sa bansa ay itinatag ng imperyalistang US upang iluklok ang kanilang mga kinatawang magsusulong ng interes nito. Ang reaksyunaryong eleksyon ang naging instrumento ng imperyalistang US upang mapatibay ang pagiging neokolonya ng Pilipinas.

Kung kayat bumabalik tayo sa batayan—na hindi ang reaksyunaryong eleksyon kundi ang armadong rebolusyon ang tanging magbibigay lunas sa di-maampat at sumisidhing kahirapan at pang-aapi sa taumbayan. Sa pamamagitan ng armadong rebolusyon ay kailangang buwagin ang istruktura ng malakolonyal at malapyudal na lipunan na kontrolado ng imperyalistang US at pinaghaharian ng mga burukrata-kapitalistang malalaking burges-kumprador at panginoong maylupa.

Tama ang sigaw ng taumbayan: tuloy ang laban! Tuloy at isusulong pa ang mga pakikibakang masa at digmang bayan. At samantalang iginigiit ang demokratikong karapatan sa parlamentaryong partisipasyon, mas kailangang bigyang diin ang militanteng pakikibaka sa lansangan, sa mga eskwelahan, sa mga komunidad ng maralita at mga welga sa mga pabrika. Ang mga militanteng pakikibakang ito ang yayanig sa kuta ng naghaharing-uri, samantalang sa kanayunan ay itinatatag ang pampulitikang kapangyarihan ng mamamayan sa pagpupunla ng binhi ng demokratikong gubyerno ng bayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.

Pagkatapos ng nakaraang halalan, ang nararapat na pinagbubuhusan ng pagsisikap ng mga rebolusyonaryong pwersa ng Ilocos ay ang pagtatayo, pagkokonsolida at pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng masa na ubod ng pakikibakang masa at balon ng Pulang hukbo. Kailangang pagtuunan ang paglulunsad ng agraryong rebolusyon, sa kagyat ay mabigyang lunas ang mga suliranin ng magsasaka sa mataas na upa at pang-aagaw sa kanilang lupain, usura at iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Sa agreb ay pinapalawak at pinatatatag ang mga rebolusyonaryong base para sa armadong pakikibaka.

Nananawagan ang NDF-Ilocos na ibuhos ang ating pagsisikap sa pagpapasampa sa New People’s Army at pagsusulong ng armadong pakikibaka. Pagkatapos ng nakaraang halalan, kumukulo ang pag-aalsa ng masa at tungkulin nating idirihe sila sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Pagkatapos ng reaksyunaryong halalan, susulong ang pakikibakang masa at armadong rebolusyon