Pahayag

Pagnanakaw ng PNP Bayombon at militar sa Masbate City, ibinibintang sa NPA

Nito lamang Pebrero 21, 2025, alas-10 ng gabi ay walang habas na hinalughog ng mga 96th Infantry Battalion-Philippine Army at pulis Bayombon ang bahay ng isang pastol na kinilala sa pangalan na Budo Alegre sa Barangay Mapiña, Masbate City. Ninakaw ng mga pulis at militar ang alagang baboy na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱10,000, mga itak na ginagamit sa pagtatabas ng damo at ang dalawang teleskopyo na pagmamay-ari ng kanyang amo na si Eribete, may-ari ng pastong binabantayan ni Alegre.

Nakakagalit mabalitaang sa kabila ng higit na pagbibigay prayoridad ng rehimeng Bongbong Marcos Jr sa pagpapalaki ng sahod, alawans at mga benepisyo ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagagawa pa ring pagnakawan ng mga ito ang taumbayan.

Kawalan naman ng konsensya at pananagutan sa kanilang ginawang pagnanakaw ang ginawang pambibintang ng militar at pulis sa New People’s Army (NPA). Sa halip na akuin ang responsibilidad, ibinibintang nila ang kanilang krimen sa mga Pulang Hukbo upang bahiran ng kasamaan ang pangalan at prestihiyo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nagpapakalat sila ng mga kasinungalingan at disimpormasyon upang siraan ang pulang Hukbo at lokohin ang masa. Pinalalabas ng militar at pulis na dahil sa gutom na ang mga NPA kaya nagnanakaw nalang ang mga ito.

Nakakatawa namang isiping inaakala ng mga pulis at militar na hindi batid ng masang Masbatenyo na nagaganap lamang ang mga anti-sosyal na gawain at mga paglabag sa karapatang-tao tulad ng pagnanakaw, pornograpiya, pagamit ng droga, pagsampa ng gawa-gawang kaso, tortyur at pamamaslang sa tuwing ang mga ito ang nasa kanilang mga lugar. Kabaligtaran ito sa ginagawa ng Pulang Hukbo—sila ang sumbungan, tagapayo at tumutulong upang mabigyang solusyon ang mga problemang kinakaharap ng masa, mabigyang hustisya ang mga biktima at mapanagot ang mga kriminal na lumalabag at kumikitil ng buhay ng mga inosenting mga sibilyan. Palaging una sa Pulang Hukbo ang kapakanan at kaligtasan ng buhay at kabuhayan ng mamamayan. Kung may nagawa mang labag sa patakaran at alituntunin ng BHB ang mga Pulang Hukbo ay inaako ito at binibigyan ng karampatang aksyong pandisiplina ang sinumang sangkot ayon sa bigat ng kasong nagawa.

Hindi lang ang regulasyong militar, mga patakaran at alituntunin ng BHB ang mahigpit na sinusunod at isinasabuhay ng mga Pulang Hukbo, higit sa lahat ay sinusunod nito ang batas sa digma at internasyunal na makataong batas.

Sa tuwing nag-ooperasyon ang militar at pulis, laging nangangamba ang masa hindi lang sa kanilang mga buhay kundi maging sa kanilang kabuhayan at ari-arian. Dahil dito, labis na kinamumuhian at kinasusuklaman nila ang mga bayaran at mamamatay-taong mga militar at pulis. Samantala, iniingatan, inaalagaan at minamahal ng masa ang kanilang Pulang Hukbo.

Sa piling ng masa, palaging busog ang mga pulang Hukbo. Anuman ang meron sa kanilang masang pinaglilingkuran na ibinibigay at tinutulong para sa higit pang pagsulong ng armadong paglaban ay bukal sa kalooban itong tinatanggap at pinasasalamatan. Ang masayang pagtanggap at pagsuporta ng masang Masbatenyo sa kanilang Pulang Hukbo ang tunay na nagpapabusog at nagpapawi sa pagod ng mga kasama. Higit sa lahat, ang nagpapatibay sa determinasyon ng mga Pulang Hukbo na gapiin at wasakin ang buong makinarya ng reaksyunaryong estado.

Pagnanakaw ng PNP Bayombon at militar sa Masbate City, ibinibintang sa NPA