Pagpatay sa mga magsasaka ng inaagaw na lupaing Pecson sa Masbate mukha ng tumitinding gera kontra magsasaka ng rehimeng Marcos II

,

Sa desperasyong mapalayas ang mga magsasaka sa lupaing Pecson sa Masbate, tumungo na ang military sa tahasang pagpatay sa mga okupante. Pinaslang ng pinagsamang mga element ng 2nd IBPA at armadong gang ni Brgy. Captain Adriel Boyet Besana si Manuel Cos habang nagtatanim ng kamote sa Sityo Baldoza, Brgy. Cabungahan, Cawayan nito lamang ika-1 ng Septyembre 2022 bandang alas 4:30 ng hapon. Si Cos ay isa sa mga magsasakang nagmantini sa kanilang lupa sa kabila ng matinding panggigipit na isinasagawa ng militar.

Ang pagpatay ng military sa isang magsasakang lehitimong nagbubungkal ng kanyang lupa ang kalunus-lunus na larawan ng namumuong gera kontra magsasaka ng rehimeng Marcos II sa tabing lokalisadong usapang pangkapayapaan. Kakabit ito ng pakanang peace economy na walang iba kundi ang pagsalig sa todong atakeng militar para ubusin ang malawak na lupain sa kapakinabangan ng mga dambuhala at mapangwasak na mga proyekto’t operasyong kapitalista.

Para sa rehimeng Marcos II, ang kapayapaan ay katumbas ng pagsagad sa pang-aapi’t pagsasamantala sa mga magsasaka. Ito ang nasa likod ng planong ikumbert ang malalawak na lupaing sakahan sa Masbate bilang malalaking dayuhan at local na negosyo. Mistulang bumabalik ang madidilim na panahon ng batas militar sa Masbate kung saan naghahari ang mga rantsero at panginoong maylupang kroni ng kanyang amang diktador na si Marcos Sr.

Subalit nagkakamali si Marcos Jr., ang militar at lahat na armadong ahente nito sa pag-aakalang matitinag at masisindak ang laban ng mga magsasaka hindi lamang sa lupaing Pecson kundi sa iba pang lupaing balak agawin sa magsasakang Masbatenyo. Sa nagyaring pagpaslang, lalong tumitibay kapwa ang kapasyahan ng mga magsasaka na ipagtangggol ang lupang tunay na sa kanila. Higit pa sa nangyaring pagpatay, lalong nagiging malinaw ang katayuan ng mga magsasaka ng Pecson bilang may mga lehitimong karapatan sa lupa. Mang-aagaw at magnanakaw lamang ang magagawang pumatay at lumikha ng mga pakanang tulad ng sapilitang pagpapabenta sa mga magsasaka ng kanilang lupang binubungkal.

Hinihikayat ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate ang gobyernong probinsya ng Masbate sa pangunguna ni Gov. Antonio T. Kho na patunayan ang reputasyong maka magsasaka at tumugon sa ipinawagan ng mga magsasaka ng Pecson na itigil ang pang-aagaw at militarisasyon sa kanilang lupain. Hindi malilinutan ng masa ang pagkilala mismo ni Gov. Kho sa kanilang karapatan sa naturang rantso.

Sa tumitinding gera kontra magsasaka ng rehimeng Marcos II, pinakamakapangyarihang sandata ng magsasakang Masbatenyo ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo upang ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan at karapatan sa kumunoy ng pagdurusa’t kaapihan. Tanging sa pagkakaisa, pagkilos at paglaban lamang makakaahon ang masa.#####

Pagpatay sa mga magsasaka ng inaagaw na lupaing Pecson sa Masbate mukha ng tumitinding gera kontra magsasaka ng rehimeng Marcos II