Pahayag

Pagpugayan ang mga bayani at martir ng Dolores

Habang inaalala ng mamamayang Pilipino ngayong Araw ng mga Bayani ang mga naunang mga bayani ng sambayanang Pilipino na nakibaka at nagbuwis ng buhay laban sa kolonyalismo ng Espana at ng US, sabay din nating dinadakila at pinagpupugayan ang mga bayani at martir na Pulang hukbo ng Dolores, Eastern Samar. Ilagay natin sa pinakamataas na pagdakila ang buhay na ipinaglingkod at inialay ng mga kasama para sa demokratikong rebolusyong bayan. Magpapatuloy itong inspirasyon at ala-ala ng kadakilaan sa masang magsasaka at sambayanang Pilipino.

Ang kagananapan noong Agosto 16 sa Dolores, Eastern Samar ay pagpapakita ng katangian ng dalawang klaseng hukbo sa Pilipinas -hukbo ng mamamayan at ng reaksyunaryong hukbo. Ito ay ang kagitingan at kabayanihan ng tunay ng Pulang hukbo ng sambayanan at ang karahasan at kalupitan ng hukbong bayaran. Milyon-milyong piso ang nilustay sa paghulog ng tone-toneladang bomba at libo-libong bala para isakatuparan ang utos ng tiranikong rehimeng Duterte at ng mga utak-pulburang heneral nito. Sa pagkasawi ng pinakamamahal nating hukbo sa Dolores, ibinabandera ngayon ito bilang tagumpay ng kontra-insurhensiyang programa ng rehimen. Ang pagkamatay ng 19 na magigiting na anak ng bayan sa Dolores ay ilusyon ni Duterte at ng uhaw sa dugong mga heneral na pagkatalo na ng rebolusyong Pilipino. Lutang sa droga at pulbura si Duterte at ang AFP na pangaraping matatapos na ang deka-dekadang pakikibaka ng mamamayan dahil sa nakakapatay ito ng mga gerilya ng hukbong bayan.

Ang rebolusyon ay isang pakikibaka hindi ng mga bala at bomba, kundi nang pagnanais at determinasyon ng sambayanang Pilipino na lumaya sa pang-aapi, pagsasamantala at pagkabusabos. Hinding-hindi natututo ang naghaharing uri sa kasaysayan. Samantalang kanila ring ipinagdiriwang ang araw na ito ng mga unang bayani, hindi nila nauunawaan na ang mga naunang Pilipinong nagrebolusyon ay nag-umpisa tangan-tangan sa kanang kamay ang matalim na sundang at ang kaliwang kamay ay nakayukom, nagngangalit at determinadong lumaya.

Oo nga’t tumatangis kaming magsasaka sa pagkawala ng 19 na mabubuting anak ng bayan, mas lalo ring nag-aalab ang aming damdamin na higit at lalo pang mag-ambag para sa pagpapalakas ng hukbo ng mamamayan, ang Bagong Hukbong Bayan.

Walang balang nagbabaga ang dudurog sa aming mga puso. Hindi mahahadlangan ng karahasan ang pagdaloy ng dugo ng pakikipaglaban. Hangga’t karapata’y niyuyurakan at yaring buhay ay api, kami ay babangon at babangon pang muli!

MABUHAY ANG MGA BAYANIN AT MARTIR NG DOLORES!

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!

IPAGTAGUMPAY ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!

MABUHAY ANG PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID!

Pagpugayan ang mga bayani at martir ng Dolores