Pahayag na suporta ng Revolutionary Council of Trade Unions-Laguna sa tagumpay ng ika-11 Kongreso ng Alyansa ng mga Manggagawa Sa Probinsya Ng Laguna noong Agosto 2023
Isang rebolusyonaryong pagbati at lubos na kagalakang ipinaaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU)-Laguna sa mga manggagawang Lagunense sa matagumpay nitong pagbubuo ng panibagong pamunuan ng ALMAPILA sa pamamagitan ng paglulunsad nito ng Kongreso. Isa itong malaking bigwas sa reaksyunaryong estado na sa kabila ng matinding pandudurog at dumog-atake nito sa kilusang paggawa sa probinsya ay nakapaglunsad pa ng Kongreso ang alyansa na binubuo ng iba’t-ibang unyon at pederasyon.
Bigo ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa panunupil sa manggagawang nakikibaka gamit ang mersenaryong AFP at PNP. Mula sa serye ng mga atake sa hanay ng mga manggagawa sa probinsya ng Laguna, hindi nanaig ang terror na inihasik ng estado, bagkus patuloy ang pagsasagawa ng konsolidasyon ng mga manggagawa at buhay na buhay ang diwa ng sama-samang tulungan, tanggulan at pagsusulong ng interes na pumapanig sa buong uring pinagsasamantalahan. Asahan din ng rehimeng Marcos Jr. na sa patuloy na pagyuyurak sa ekonomya ng bansa at habang nananatiling barat at katiting ang pasahod sa mga pagawaan, dadami lamang ang bilang ng mga manggagawang mamumulat at makikilahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
Ang kronikong krisis ding ito ang matabang lupang magluluwal ng mga manggagawang tatangan ng armas at mamumuno sa inilulunsad ng uring magsasaka na armadong pakikibaka. Ibabagsak nito ang tatlong saligang suliranin na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at titiyakin na tatahakin ang landas ng sosyalismo.
Kaya naman, isang malaking hamon sa mga bumubuo ng ALMAPILA na kasabay ng pagpapalakas ng mga ligal na laban sa kalunsuran, naghihintay naman ang malawak na masang magsasaka sa kanayunan para sa mga manggagawang magpapasyang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagsapi sa New People’s Army. Hamon din sa bawat manggagawang Lagunense na sumapi sa RCTU-Laguna para sa pagbubuo ng isang rebolusyunaryong unyon sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas na siyang mangunguna sa pagpapalakas ng rebolusyunaryong kilusan sa kalunsuran habang mahigpit na pinamumunuan at binibigyan ng pangunahing diin ang matagalang digmang bayang nagaganap sa kanayunan!
Manggagawa, tumungo sa kanayunan! Sumapi sa New People’s Army!