Paigtingin ang pakikibaka ng mamamayan ng Mariahangin, Bugsuk laban sa SMC, NCIP at bayarang armadong tauhan nito!
Mariing kinukundena ng rebolusyonaryong kilusan, kaisa ng mamamayang Palaweño, ang pinatitinding panggigipit at mga paglabag sa karapatang tao ng mga katutubo at residente sa isla ng Sitio Mariahangin, Bugsuk, Palawan. Dapat paigtingin ng mga residente ng Mariahangin ang kanilang pakikibaka laban sa okupasyon at pangangamkam ng lupa kasabay ng lumalalang pang-aatake ng San Miguel Corporation (SMC) at mga kasapakat at tauhan nitong pribadong armadong goons at NCIP sa mga residente at katutubong Molbog at Palaw’an sa Mariahangin.
Nito lamang Mayo 18, alas-tres ng madaling araw, mahigit 40 armadong pribadong blue guards ang palihim na pumasok sa isla. Ipinakat sila ng JMV Security Services, ang parehong agency na nagdeploy sa 80 armadong pribadong blue guards sa kanilang komunidad noong Abril 4 sa parehong oras. Hinaras at tinakot ng mga bayarang maton ang mga residente. Nagbanta rin ang mga ito na mas maraming gwardya ang ipadadala sa lugar. Isang katutubong Molbog ang tinakot at tinutukan ng baril ng limang blue guard.
Bago nito, nakapagpyansa at nakalaya ang 10 katutubo at di-katutubong lider ng Mariahangin noong Mayo 17, matapos silang arestuhin sa gawa-gawang kasong “grave coercion” na isinampa ng dating mataas na opisyal ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na si Caesar Ortega. Si Ortega rin ang nasa likod ng pagdedeploy ng 80 pribadong gwardya noong Abril. Sa kasong ito, malinaw na ginagamit ng mga mapagsamantala ang reaksyunaryong batas upang atakehin ang nakikibakang mamamayan. Malaking kalokohan ang kaso kung saan ang mga sibilyan na di-armado ang sinasabing mandarahas sa mga armadong pribadong goons ng SMC. Sa katunayan, ang mamamayan ang agrabyado at dapat na maghabla. Ang mismong presensya ng mga armadong goons ng SMC ay anyo na ng pandarahas laban sa mamamayang payapang nagpoprotesta sa pangangamkam ng kanilang lupaing ninuno.
Ito ang bagong modus operandi ng SMC matapos bigong makamit ni Ortega ang layong bilhin ang lupa ng mga katutubong Molbog noong Hunyo 2024 at itaboy ang mga residente sa kanilang komunidad. Kalakhan ng mga inarestong residente ay mga lider ng komunidad na aktibo sa pangangampanya laban sa pagpasok at pangangamkam ng pribadong korporasyon sa kanilang isla.
Higit na nalalantad at napapatunayan sa nasabing mga pangyayari ang napakareaksyunaryo, pasista at anti-katutubong katangian ng NCIP, kabaligtaran sa diumano’y mandato nitong tulungan at katawanin ang mga pambansang minorya sa reaksyunaryong gubyeno. Nahuhubad ang maskara ng NCIP at lumilinaw kung sino ang tunay na pinaglilingkuran nito—sa pribadong interes ng mga naghaharing uri tulad ng panginoong maylupa-malalaking burgesya kumprador na si Ramon Ang ng SMC. Garapalang kinakamkam ng SMC ang 10,821 ektaryang lupang ninuno ng mga Molbog at Palaw’an sa mga barangay ng Bugsuk at Pandanan para bigyang-daan ang pagtatayo ng Bugsuk Island Resort, isang malawakang proyektong ekoturismo na sumasaklaw ng mahigit 5,500 ektarya. Ito ang pinakabago at huli sa mga pakanang agawin ang lupa ng mga katutubo sa Busguk. Nagsimula ang pagpapalayas sa mga residente at katutubo rito 50 taon na ang nakalilipas sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr.
Dahil sa patuloy na paninindigan ng mga Molbog at Palaw’an sa Bugsuk para sa kanilang karapatan sa lupang ninuno, kinakaharap nila ang mga pasistang atake at panunupil ng burgesya-kumprador at burukrata-kapitalistang gubyerno. Dumaranas sila ng walang-humpay at papatinding paglabag sa karapatang-tao kabilang ang panunutok ng baril, pagbabanta, pananakot, sarbeylans at gabi-gabing pagpapalipad ng drone. Sa kabila ng lahat ng ito, mas pinahihigpit nila ang kanilang pagkakaisa at nagpapatupad ng mga hakbangin para pangalagaan ang kanilang komunidad.
Dapat pagpugayan ang magiting at di natitinag na pakikibaka at pagtatanggol ng mamamayan ng Mariahangin para sa kanilang lupa. Kasabay nito, dapat patuloy na pag-alabin ng mga pambansang minorya at uring magsasaka ang kanilang militanteng nagkakaisang diwa sa matatag na pagtatanggol ng kanilang lupaing ninuno. Gamitin at maksimisahin ang iba’t ibang anyo ng paglaban, plataporma at pamamaraan para isulong ang panawagang pagpapalayas sa mga bayarang armadong gwardya sa Bugsuk at iba pang pakikibaka laban sa pasismo ng SMC at kasabwat na mga ahensya ng gobyerno. Dapat pag-ibayuhin ang pakikibaka para sa lupaing ninuno kabilang ang paniningil at pagpapanagot sa NCIP habang mas pinahihigpit ang pagtutulungan at nagkakaisang pagkilos para sa kanilang lupa at kabuhayan. Yanigin ang lokal at pamprobinsyang sangay ng gobyerno na tila inutil sa ilang taon nang tumitinding tensyon sa Bugsuk. Higit sa lahat, dapat papanagutin ang malaking burgesya kumprador na si Ramon Ang at SMC kasama ang rehikeng Marcos bilang mangangamkam ng lupa at bilang nasa likod ng lahat ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga residente sa Bugsuk. Dapat na itayo ang Supok bilang lihim na pambansa-demokratikong organisasyong sumusuporta sa armadong rebolusyon at bag-as ng pakikibaka ng mga katutubo sa Palawan.
Kasabay nito, dapat patuloy at ibayong suportahan ng mamamayang Palaweño, at iba’t ibang institusyon at grupo ang pakikibaka ng mamamayang Molbog sa Bugsuk. Ang pakikibaka ng mamamayan sa Bugsuk para sa kanilang lupaing ninunuo ay dili’t iba sa pakikibaka ng iba pang Palaweño laban sa mina at iba pang anyo ng dayuhan at lokal na pandarambong ng likas na yaman at pangangamkam ng lupa. Kailangan ding itaas at iugnay ang pakikibakang ito laban sa imperyalistang US na bukod sa naglalaway sa likas na yaman ng Palawan ay nagpwesto ng sariling tropang militar sa isla dahil sa lokasyon nitong nakaharap sa West Philippine Sea kung saan nakapakat ang armadong pwersa ng China. Sa plano ng US na iputok ang gera sa Asia Pacific laban sa China, nagpapatuloy ang konstruksyon ng dagdag na base militar ng una sa Balabac Island.
Dapat magkaisa ang lahat para labanan ito at itaas sa mas mataas na antas ang kanilang pakikibaka at sumalig sa kanilang rebolusyonaryong lakas sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan.