Pahayag

Pakanang political unification ni Masbate Gov. Kho, pakana para sakmalin lahat ng kapangyarihan at dambong

, ,

Ang kampanya ng umano’y pampulitikang pagkakaisa ni Gov. Antonio Kho ay pakana ng gubernador para magkawatak-watak ang mga Masbatenyo gamit ang panunupil, panlilinlang, dahas at terorismo ng militar upang mapadali ang pagsolo niya sa kurakot at kapangyarihan.

Ang kampanyang political unification ay desperasyon ni Gov. Kho na ipataw ang mala-diktador na paghahari ng kanyang pamilya. Layunin ng political unification na ito na yumukod ang iba’t ibang malalaking pamilya ng panginoong maylupa at pulitiko sa paghahari ng mga Kho kapalit ng mga akomodasyon sa pulitika at hatian sa mapagsasaluhang kurakot. Isa itong pampulitikang maniobra ng mga Kho para maisemento ang dinastiya sa kapangyarihan lampas sa halalang 2025.

Malinaw na hindi para sa interes ng mga Masbatenyo ang political unification ni Kho. Kung tunay na pagkakaisa ang hangad ni Kho, bakit lantaran niyang inaagawan ng lupa at pinapatay ang mga magsasaka? Bakit niya tahasang sinuportahan ang kampanya ng militar na maghasik ng takot sa mga komunidad?

Ang totoo, hudyat ang political unification na ito ng pinatinding gera ni Kho laban sa mamamayang Masbatenyo, laluna sa masang magsasaka. Ang political unification ni Kho ay nagsisilbi sa kanyang kampanya para kamkamin lahat ng lupain sa Masbate. Ang political unification na ito ay nagsisilbi para sa walang hadlang na ekspansyon ng mapaminsalang pagmimina ng Filminera. Ang political unification na ito ay senyales ng mas matitinding mga abusong militar.

Sinumang kritiko, sinumang maglantad sa kabulukan at sinumang kumalas o bumaliktad kay Kho ay ituturing na kaaway at magiging target ng karahasan at pagsupil. Sa ilinalakong pagkakaisa ni Kho, bawal ang bumatikos, sumuway, tumutol at magreklamo. Pagkakaisang nakabusal ang bibig, nakapikit ang mata, at nagbibingi-bingihan ang tenga ang pakanang unification ni Kho.

Samakatwid, ang political unification ni Kho ay ang pinatibay na pagkakaisa ng mga lokal na naghaharing uri sa prubinsya upang lalong apihin at pagsamantalahan ang masang Masbatenyo.

Naninindigan ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid-Masbate na ang tunay na pagkakaisang inaasam ng mga Masbatenyo ay manggagaling mismo sa kanilang sama-samang pagkilos upang ipaglaban ang kanilang interes at ipagtanggol ang kanilang karapatan.

Kung tunay na pagkakaisa ang nais ng mga Masbatenyo, makakamit nila ito sa pagsusulong ng digmamg bayan. Sa katunayan, ang pagkakaisa ng mga Masbatenyo sa pagsuporta sa armadong pakikibaka ang pinakamatibay na sandata upang biguin ang sagad sa kasakiman, karahasan at pekeng pagkakaisa ni Kho.

Sa katunayan, katuwang ang Bagong Hukbong Bayan, binubuo ng mga Masbatenyo ang tunay na pagkakaisa sa pagtatayo ng kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon at mga organo ng kapangyarihang pampulitika (na ayon sa lokal na lenggwahe’y tinatawag na gubyerno sa bukid). Ang pagkakaisang ito ay pilit winawasak ni Marcos Jr at ni Gov. Kho sa pamamagitan ng mga kampanya ng militarisasyon at terorismo ng AFP-PNP-CAFGU sa mga komunidad.

Nananawagan ang PKM-Masbate sa mga Masbatenyo na isulong ang demokratikong rebolusyon na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas para makamit ang tunay na pagkakaisa, kalayaan at kasaganaan. Katuwang ng Partido ang Pambansang Nagkakaisang Prente upang buuhin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng mamamayan upang gapiin ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na siyang mga ugat ng paghihirap ng sambayanan. Sa loob nito’y kumikilos ang National Democratic Front bilang pormal na nagkakaisang prente ng mga organisasyon ng mga batayang pwersa ng rebolusyon, na binubuo ng uring manggagawa, magsasaka at petiburgesyang lunsod. Kasapi ng NDF ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid bilang rebolusyonaryong organisasyon ng uring magsasaka para sa armadong pakikibaka.

Pakanang political unification ni Masbate Gov. Kho, pakana para sakmalin lahat ng kapangyarihan at dambong