Pahayag

Pakikiisa sa panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law

,

Labis na nasusuklam ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Camarines Norte sa administrasyon ni Marcos dahil sa labis na kainutilan at kapalpakan nito sa pagharap sa mga problemang kinakaharap ngayon ng taumbayan. Bukod kasi sa krisis sa bigas na idinaan lang sa Birth Day wish ni Marcos Jr ang solusyon ay dumagdag pa itong produktong petrolyo na halos tatlong buwan o katumbas ng 12 beses na pagtaas nito. Ramdam na ramdam ng masang CamNorteño ang pasakit na ito lalo pa’t nito lamang Agosto, sa prubinsya naitala ng pinakamataas na tantos ng implasyon sa buong Bicol na umabot ng 6.8%. Pinakamataas at pinakamabilis ito sa nagdaang anim na taon ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA).

Ayon sa PKM-CN, dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo tumaas na rin ang presyo ng iba pang pangunahing mga bilihin pati mga bayarin at serbisyo. Habang napakababa naman ng halaga ng kanilang mga yaring produkto pagdating sa sentrong pamilihan.

Ang mga produktong petrolyo katulad ng gasolina, diesel, kerosin at LPG ay maituturing na “demand inelastic”, dahil kahit tumaas pa ito ng tumaas patuloy itong bibilhin ng mga tao dahil wala silang mapagpipilian. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng kaliwa’t kanang pagkalampag ng mamamayan sa pagpapa rollback dito ay patuloy itong nagbibingi-bingihan. Sa inisyal na pagtaya, umabot ng halos P16 ang itinaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa loob ng tatlong buwan.

Ayon sa pag-aaral, halos 65 million litro o katumbas ng 400,000 bariles ang kinukunsumo ng bansa sa kada araw. Ang kada bariles ay katumbas ng 200 litro. Noong 1996, ang gasolina at diesel ay nagkakahalaga lamang ng 9.50 at 7.03 ang bawat litro. Habang ang LPG naman ay P145.15 ang bawat 11 kilos na karaniwang ginagamit sa loob ng bahay.

Panahon ng rehimeng Ramos ng isailalim ang industriya ng langis sa deregulasyon sa pamamagitan ng Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 (RA 8479). Sa ilalim ng Oil deregulation, ibinenta ng estado ang Petron na nooy pag-aaring empresa ng estado. At ang pinakamasaklap pa sa batas na ito ay pinayagan at binigyang laya ang mga dayuhang kumpanya na magtayo ng mga gasolinahan sa bansa. Kasabay ang pag-alis sa pampublikong subsidyo sa mga produktong petrolyo.

Kaya hindi lang dapat rollback sa presyo ng produktong petrolyo ang maging panawagan ng mamamayan kundi dapat ipanawagan ang kagyat na pagbasura sa Oil Deregulation Law at ang dagdag na VAT na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.

Pakikiisa sa panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law