Palayain si Wigberto Villarico, lider at konsultant ng NDFP!
Tinutuligsa namin sa pinakamataas na antas ang ginawang iligal na pag-aresto ng mga pasistang AFP at PNP kay Wigberto Villarico, 68, consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong GRP. Inaresto siya noong Oktubre 24, alas-5 ng madaling araw sa tinutuluyang bahay sa Fairview, Quezon City. Kasama niyang inaresto ang kanyang istap na si Marjorie Lizada.
Sa iligal na pag-aresto kay Villarico, nilalabag ng GRP ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Bilang consultant ng NDFP, protektado ng JASIG si Villarico na nagbabawal sa mga pwersa ng GRP na arestuhin o ipiit ang mga pinangalanang consultant, staff at security ng NDFP. Pirmado ito ng magkabilang-panig mula pa noong 1995 sa Brussels, Belgium.
Pangita ang kawalang-sinseridad ng rehimeng US-Marcos II na isulong ang usapang pangkapayapaan sa pataksil na pag-aresto kay Villarico at nagpapatuloy na pagpiit sa mahigit 800 bilanggong pulitikal, kabilang ang mga consultant ng NDFP. Ipokrito nilang ibinabato sa CPP-NPA-NDFP ang mga paninirang sila mismo ang gumagawa tulad ng pananabotahe umano sa usapan. Sapul ng sabotahehin ni Duterte ang peace talks hanggang maupo si Marcos II, hindi nagkaroon ng mahusay na kapaligiran (enabling environment) para sa mga personnel ng NDFP na kalahok sa usapang pangkapayapaan dahil sa walang-lubay na paniniktik, sarbeylans at banta sa kanilang buhay at kaligtasan. Ilan nang maeedad na consultant ng NDFP ang kundi inaresto ng militar ay pinatay nang walang kalaban-laban ng rehimeng US-Marcos II. Noong Agosto 2022 matatandaang karumal-dumal na pinaslang ng mga hayok sa dugong kriminal na AFP ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, mga kilalang consultant ng NDFP. Ngayong buwan, iligal ding inaresto ng mga berdugong militar sina Porferio Tuna Jr. at Simeon Naogsan, mga consultant at kilalang personahe ng NDFP. Kunwaring inuusig ni Marcos II si Rodrigo Duterte sa mga krimen nito sa bayan habang siya mismo ay nagtatambak rin ng kanyang sariling mga krimen at paglabag sa karapatan at buhay ng mamamayan!
Pyestang-pyesta ang mga buhong na pasista sa pag-aresto kay Villarico sa pag-aakalang pahihinain nito ang rebolusyonaryong paglaban ng sambayanan sa pamumuno ng CPP sa Timog Katagalugan at buong bansa. Hibang nilang pinaniniwalaan ang kanilang sarili na nagtatagumpay sila gamit ang pinalobong numero ng kanilang mga naaaresto at napapaslang na rebolusyonaryo at nakikibakang mamamayan. Palibhasa, tulad ng kanilang mga among sagad-saring anti-mamamayan at pasista ay wala silang bilib sa lakas at kakayahan ng masa.
Pisikal mang inihiwalay sina Villarico at Lizada sa piling ng mahal na masang kanilang pinaglilingkuran, ang kanilang dakilang ambag at marka ay nakatatak na sa puso at isip ng masa. At magpapatuloy sila sa paglikha nito kahit sa loob ng piitan. Pisikal na katawan lamang nila ang binihag ng naghaharing estado, pero hindi ang kanilang rebolusyonaryong diwa at determinasyong isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Dapat palayain sina Villarico at Lizada sa pinakamadaling panahon. Hinahamon namin ang rehimeng US-Marcos II na kung talagang sinsero ito sa usapang pangkapayapaan, dapat nitong kilalanin ang JASIG at palayain ang lahat ng konsultant ng NDFP at mga bilanggong pulitikal na iligal na inaresto at ikinulong ng estado.