Palayasin ang 4th IB, salot at terorista sa Mansalay, Oriental Mindoro!

,

Dapat panagutin ang mersenaryong 4th IB sa ilalim ng 203rd Brigade sa pambubugbog at paglapastangan sa isang pamilya ng mga Mangyan-Hanunuo sa Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro noong Setyembre 22. Ang 4th IB ay mga salot na dapat palayasin mula sa Oriental Mindoro at pagbayarin nang mahal sa kanilang walang pakundangang paglabag sa karapatang tao ng mga Mindoreño.

Sa ulat ng NPA Mindoro, pinasok ng mga tropa ng 4th IB ang bahay ni G. Kitot, isang Mangyan-Hanunuo, na pinagsususpetsahan ng mga pasista na nagtatago ng baril ng NPA. Binugbog si G. Kitot at kanyang anak, at pinagbantaan at binastos ang kanyang asawa. Halos hindi na makatayo si G. Kitot matapos ang pambubugbog. Dinakip siya ng mga sundalo at mula noon ay hindi pa muling nakikita ng kanyang pamilya at kababaryo. Kasuklam-suklam ang 4th IB at nararapat na ipakulong ang mga opisyal at mga tropa nitong sangkot sa insidente.

Kinamumuhian ng mga taga-Barangay Panaytayan ang 4th IB dahil sa panghahalihaw at panggugulo ng mga pasista sa lugar. Tuwing may mga focused military operation dito ay nagaganap ang walang habas na paglabag sa karapatan ng mga residente. Talamak ang pagnanakaw sa mga alagang hayop, paninira ng mga pananim, pananakot at pagbabanta sa mga taga-baryo, pagsasamantala sa kababaihan, pagsasagawa ng mga iligal na interogasyon, panghahalughog sa mga tahanan at paghimpil sa mga pampublikong pasilidad.

Aabot na sa milyun-milyong piso ang kinita ng mga opisyal ng militar mula sa Barangay Panaytayan na pinagmulan ng daan-daang biktima ng sapilitang pagpapasuko. Isa nga rito si G. Kitot na kasama sa ipinagmamalaki ng 203rd Brigade na higit 200 pekeng suko mula sa barangay mula 2020 hanggang kasalukuyan.

Ang mga krimen ng 4th IB ang nagtuturo sa masang Mindoreño na lumaban. Bukas ang mga larangang gerilya ng NPA sa Timog Katagalugan para sa mamamayang gustong humawak ng armas para ipagtanggol ang sarili at ibagsak ang mapang-aping estado.###

Palayasin ang 4th IB, salot at terorista sa Mansalay, Oriental Mindoro!