Palayasin ang mapanirang operasyon ng pagmimina! Novo Vizcayanos, sumampa sa BHB!
Mistulang asong-ulol na nakawala ang mga pulis na umatake sa mga residenteng mapayapang nakabantay. Silang may hawak na kalasag at batuta, marahas na binuwag ang barikada nang walang kalaban-laban na mga matatanda, kababaihan, at kabataan na walang ibang hawak kundi ang plakard at streamer. Hinarangan nila ang kalsada upang hindi makapasok ang kumpanya ng Woggle Corp na sisira sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at kabuhayan.
Malinaw sa mga residente kung gaano kahalaga ang bawat tipak ng lupa na pinaghirapang pagyamanin sa mahabang panahon kahit walang anumang tulong na nagmula sa reaksyunaryong gubyerno. Malinaw sa kanila na ang kanilang buhay ay siyang hininga ng lupang kinatatayuan na minana mula sa pinaghirapan ng mga ninunong nagpundar upang magkaroon ng kabuhayan hanggang sa mga susunod na henerasyon. Kung kaya’t patuloy nila itong pinagyayaman, pinahahalagahan at inaalagaan dahil malaking kawalan sa kanila ang kahit maliit na pagkasira.
Malinaw nilang nakita ang kinahinatnan ng mga residenteng malapit sa mga minahan hindi lamang sa Nueva Vizcaya kundi sa iba pang bahagi ng rehiyon at sa buong bansa. Nakikita nila ang kalunos-lunos na sinapit ng kabundukan sa bayan ng Runruno, Nueva Vizcaya na kagagawan ng mapanirang pagmimina ng kapatid na kumpanya ng Woggle, ang FCF Minerals. Maliwanag sa kanila na peligrong maidudulot sa buhay at kabuhayan ng mga kemikal na gamit sa pagmimina sa mga sapang nag-aaruga sa maraming yamang tubig, at maramihang pagpatay sa mga puno. Kaya’t malinaw sa kanila na kailangang matibay na tumindig. Walang ibang masasaligan ang taga-Bitnong kundi ang sariling lakas at higpit ng pagkakaisa.
Kailangang patatagin ang organisasyon at ilunsad ang mga pag-aaral upang maunawaan ang mga dahilan kung bakit nawawalan ng karapatan kahit sa napagyaman nang lupa ang mga magsasaka, samantalang nakabuyangyang sa mga dayuhan para lang dambungin at sirain.
Sinasaluduhan ng BHB-Cagayan Valley ang matibay na paglaban ng mamamayan. Hindi lang sariling laban ng mga taga-Nueva Vizcaya ang pakikihamok sa dayuhang mapanirang pagmimina, laban ito ng mamamayan ng Lambak Cagayan at buong bayan. Kadugtong ito ng pangkalahatang paglaban sa bulok na sistemang kinapapalooban ng burukrata-kapitalismo, na pinamumugaran ng mga pulitiko-negosyante at korap na gubyerno na siyang may kagagawan kung bakit nasisira ang kabundukan, kung bakit nawalan ng karapatan ang mga magsasaka na mag-ari ng lupa, at kung bakit naghihirap ang mamamayan sa gitna ng pagiging mayaman ng Pilipinas.
Walang maaasahan sa kasalukuyang sistemang kinakapitan ng tatlong ugat na nagpapahirap sa malawak na mamamayan – pagkubabaw ng imperyalismong US, burukrata kapitalismo, at pyudalismo. Ginagamit ng nabubulok nang estado ang dahas laban sa mamamayang tumitindig sa kanilang karapatan. Karahasang militar ang sagot ng reaksyunaryong estado sa mga lehitimong paglaban ng mamamayan, pinapasista ang masa gamit ang berdugong AFP at PNP. Malinaw na makikita kung kanino nagsisilbi ang armadong pwersa ng estado. Nakadisenyo ang pagkatayo ng AFP-PNP na magsisilbi sa interes ng imperyalistang US, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Sinisiguro nila na mapigilan ang paglaban ng mamamayan, patahimikin ang mga pinagmamalupitang magsasaka, manakit sa mga kumokontra sa nakamamatay na mga programa at proyekto ng estado at pumapatay sa mga lider na gumagabay at tumitindig sa harapan ng mamamayang lumalaban.
Nag-iisa lamang ang hukbong bayan na tunay na maaasahan at makakasama nila sa paglaban. Walang ibang masasandigan ang mamamayang lumalaban kung hindi ang rebolusyonaryong kilusan. Walang ibang paraan upang madurog ang armadong pwersa na AFP-PNP na siyang gulugod ng naghaharing-uri kung hindi ang armadong pakikipaglaban. Walang ibang solusyon upang mawakasan ang paghihirap ng malawak na mamamayan – kailangang palakasin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ilunsad ang matagalang digmang bayan na gugupo sa kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan na mayroong sosyalistang perspektiba.
Mamamayan mag-armas! Ibagsak ang pasistang paghahari!
Itayo ang demokratikong gubyernong bayan!
Sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!