Panagutin ang 80th IB sa walang-patumanggang pamamaril sa mga sibilyan ng Famy, Laguna
Mariing kinukundena ng Cesar Batralo Command ang walang patumanggang pamamaril ng 80th IB kanina, November 28, sa Barangay Bacong-Sigsigan, Famy, Laguna. Labag sa internasyunal na makataong batas ang ginawang walang-habas na pamamaril sa gitna ng kabahayan ng sityo kung saan mismo naroroon ang mga sibilyan, kabilang ang mga bata.
Walang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at karapatan ng mga sibilyan ang mga berdugo. Bukod sa pamamaril sa mga sibilyan gamit ang mga matataas na kalibre ng armas, dinig na dinig ng mga residente ang mga pasistang elemento na sumisigaw na “padapain ang bata at wag patakbuhin” at “igapos”. Tiyak na malalim na sikolohikal na trauma ang idudulot nito sa mga bata at kahit sa iba pang mga saksi sa pamamaril ng 80th IB.
Dapat ilantad ang pangyayaring ito bilang tahasang paglabag ng 80th IB sa Geneva Conventions na nagtitiyak at nangangalaga sa mga makataong pagtrato sa panahon ng digmaan, kabilang ang kaligtasan ng mga sibilyan. Dapat panagutin ng mamamayan ng Laguna ang 80th IB sa kanilang pasistang krimen. Patunay ang pangyayari sa lumalalang terorismo ng estado at paghahari ng pasismo at de facto martial law sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.
Sa kabilang banda, pagbabayarin ng New People’s Army ang 80th IB para sa kanilang berdugong mga krimen at titiyakin nitong mabibigyang-hustisya ang mga biktima nito.
Patunay din ito at sampal sa mukha ng Armed Forces of the Philippines na wala na raw mga NPA sa Laguna na silang tunay na hukbo ng mamamayan. Galit na galit ang mga berdugo na nagkadaupang palad ang mga masa ng Laguna at ang mga NPA.
Takot na takot silang malantad na peke at pinaghuhuthutan lamang ng kinukurakot na pera mula sa taong bayan ang tinagurian nilang insurgency free na ang Laguna.
Hangga’t hindi nalulutas ang ugat ng kahirapan, hinding-hindi matatapos ang rebolusyonaryong armadadong pakikibaka na pangunahing nagsusulong ng rebolusyong agraryo para sa libreng lupa sa mga magsasaka.
Sumapi sa NPA!
Mabuhay ang CPP-NDFP-NPA!