Pahayag

Pangkasaysayang kabuluhan ng mga protesta noong Setyembre 21 at mga hinaharap


Binabati ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang sambayanang Pilipino at kanilang mga organisasyong masa at alyansa, sa pagdaos ng malalaking protesta kahapon laban sa korapsyon sa gubyerno sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa isandaang libo ang nagsama-sama sa Luneta Park sa Maynila, na bumuo ng pinakamalaking bulto ng mga rali, tulad ng pagtitipon sa EDSA na pinangunahan ng Simbahan, at ng malalaki at maliliit na aksyong masa sa maraming syudad at prubinsya sa buong bansa.

Ang mga pangmasang pagkilos kahapon at ang maraming aksyong protesta ilang araw bago nito ay may malalim na pangkasaysayang kabuluhan:

1. Ginunita ng mga nagprotesta ang ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. Ipinamalas ng mga ito kung paanong hindi nakalimot ang mamamayang Pilipino sa pag-abuso sa kapangyarihan at pandarambong sa ilalim ng 14-taong diktadura ng mga Marcos. Ang mga rali ay muling pagpapatibay ng determinasyon ng sambayanan na labanan ang pamana ng katiwalian at panunupil na ipinasa kay Marcos Jr.

2. Nakita sa mga aksyong masa kahapon at mga linggo bago nito ang malawakang paglahok ng mga estudyante at kabataan na pinukaw ng lantarang korapsyon ni Marcos at kanyang mga kasabwat mula sa pagiging hiwa-hiwalay at tuliro sa pandemya at social media. Umuusbong ngayon ang isang rebelyon ng mga kabataan laban sa burukratang kapitalismo at sa bulok na naghaharing sistema. Nakiisa sa kanila ang mga lider at grupong relihiyoso, mga pamayanan ng maralitang-lunsod, kabilang ang mga biktima ng pagbaha, gayundin ng maliliit na propesyunal, manggagawa, at iba pang sektor na sawa na sa buktot na sistema.

3. Tinuligsa ng mga nagprotesta si Marcos bilang Hari ng Korapsyon at Pasismo, dahil sa pagsuporta at pagpondo sa maanomalyang mga proyekto sa flood control at iba pang imprastruktura, kapalit ng pampulitikang pabor at bilyun-bilyong pisong kikbak. Patunay ito na bigong-bigo ang lahat ng pakana ni Marcos na magpapogi gamit ang karatulang “kontra-korapsyon” para tabingan ang sarili sa galit ng mamamayan—kahit pa may tulong ng Akbayan at iba pang pinaborang pulitiko, na ipinapantakot na maging pangulo ni Sara Duterte para lamang pigilan ang sigaw ng bayan na papanagutin si Marcos.

4. Nagsimula nang malantad ang pagnanakaw ni Marcos, kabilang na ang ulat na siya at si Sara Duterte ay tumanggap ng milyun-milyong “kontribusyon sa kampanya” mula sa mga kontratista na kalaunan ay binigyan ng matatabang kontrata mula sa gubyerno. Habang nakatuon si Marcos sa paglalantad sa mga Duterte sa pagbulsa ng bilyun-bilyong kikbak mula sa mga proyekto sa flood control, siya mismo’y nahaharap ngayon sa mga sakdal ng pakikipagsabwatan sa mga senador at kongresista sa kanilang mga “alagang proyekto” na pinondohan ng Malacañang. Dahil sa pagkawala ng tiwala ng bayan, usapin na lamang ng panahon bago higit pang bumaha ang mga protestang mananawagan ng pagbibitiw o pagpapatalsik kina Marcos, Duterte, at lahat ng kanilang mga kasabwat.

5. Inilunsad sa mga pangunahing syudad at sentro ng prubinsya sa buong bansa ang mga demonstrasyon at iba pang anyo ng pagkilos na ispontanyong nilahukan ng puu-puong libo mula sa iba’t ibang sektor at edad. Sa susunod na mga buwan, tiyak na aabot ang mga aksyong masa sa kanayunan, lalo na sa mga lugar na ang mamamayan ay labis na nagdurusa sa malalawak na pagbahang dala ng hindi pinag-isipan at maaanomalyang proyekto sa imprastruktura. Itong tinatawag na mga “proyektong pangkaunlaran” ay nagsisilbi sa pagpasok at pagpapalawak ng mga plantasyon at operasyong mina, pangangamkam ng lupa, pandarambong sa kalikasan at naghahatid ng matinding paghihirap sa milyun-milyong mamamayan.

6. Nang papatapos na ang mga talumpati sa organisadong hanay ng mga nagrali sa Mendiola, isang grupo ng ilandaang kabataan, na karamiha’y mga walang trabaho, mula sa mga komunidad ng manggagawa, ang kumalas at naghagis ng mga bato sa mga pulis, sumira sa mga billboard, at nagsindi ng apoy sa kahabaan ng Recto Avenue. Naging paraan nila ito ng pagpapahayag ng kanilang galit at paglaban sa mga pasistang pulis na nagtatanggol kay Marcos at sa kanyang pangkat ng mga magnanakaw sa gubyerno. Sila rin ang mga pulis na bantog sa panghahalihaw sa mga komunidad at pang-aabuso sa naghihirap na mga kabatan. Sa utos ni Marcos na parusahan ang mga protestang ito, gumamit ang pasistang pulis ng marahas na pwersa at panunupil, arbitraryong inaresto ang nasa dalawang daang nagpuprotesta, habang puo-puo ang nasugatan dahil sa marahas na pagtrato ng mga pulis. Ang panunupil na ito ay lalo lamang gumagatong sa apoy ng makatarungang rebelyon ng mga kabataan. Ang ipinakita kahapon na pagtutol ng mga kabataan sa Mendiola ay isang desperado ngunit matapang na pakikipaglaban sa kamatayan, kawalang pag-asa, at karahasang inihahasik ng korap at pasistang estado sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng pampulitikang edukasyon, madali nilang maiintindihan ang pangangailangan para sa militante at organisadong paglaban, at para sa rebolusyonaryong karahasan bilang paraan ng paglaban sa karahasan ng pasistang estado.

7. Ang malawakang demonstrasyon kahapon ay tanda ng malakas na pagsibol muli ng kilusang protesta ng masa na pinangungunahan ng mga pwersang pambansa-demokratiko. Ito ang pinakamalaking demonstrasyon mula pa 2013 laban sa gubyernong Aquino 2 sa isyu ng pork barrel at ang protestang Marcos No Hero noong 2016. Ang muling pagsibol na ito ay may malalim na kabuluhan dahil naganap ito matapos ang walang tigil na pagsisikap ng mga pwersa sa seguridad ng estado na supilin, iligalig, i-Red-tag, at marahas na atakehin ang mga lider-masa at aktibista sa nakalipas na mga taon. Ang malawakang mga demonstrasyon ay bunga kapwa ng obhetibong kalagayan ng krisis sa ekonomya at pulitika, at ng pagsisikhay ng mga makabayan at demokratikong organisadong pwersa. Kahit sa harap ng marahas na panunupil ng estado, nakapagpunyagi sila sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa mamamayan at pagbubuo ng malapad na mga alyansa at ugnayan, upang isulong ang mga adhikain ng mamamayan para sa hustisyang panlipunan at tunay na demokrasya.

8. Layunin ng kunwaring imbestigasyon ni Marcos na pagtakpan ang tunay na lawak ng korapsyon at kanyang direktang pagkakasangkot sa mga kasuklam-suklam na gawain ng mga burukratang kapitalista at sindikato. Habang umiiwas si Marcos na siya’y malantad ang kanyang pagkakasangkot, lalo niyang itinutulak ang mamamayan na tumungo sa mga lansangan. Ang pagdaluyong ng kilusang kontra katiwalian ng mamamayan ay tiyak na lalawak pa sa susunod na mga linggo at buwan. At si Marcos mismo ang magiging sentro ng mga protestang bayan.

9. Ang malawakang mga protesta ay maaaring lumakas pang lalo at humantong sa isang malawakang pag-aalsang bayan at magpatalsik sa mga Marcos at Duterte at sa lahat ng kasabwat nila sa korapsyon. Dalawambeses nang ginamit ng mga Pilipino ang ganitong kapangyarihan, sa mga pag-aalsang EDSA noong 1986 at 2001. Dapat paghandaan ng mamamayang Pilipino ang ganitong posibilidad. Dapat din silang matuto mula sa mga karanasan sa nakaraan at maging handa na ipaglaban ang tunay na katarungan at mas malawak na demokrasya, upang magamit nila ang kanilang kapangyarihan laban sa katiwalian at pang-aabuso, hanggang sa maabot nila ang sapat na rebolusyonaryong lakas upang ibagsak ang buong sistema.

10. Sinasalamin ng umiigting na mga protesta ang malalim na diskuntento ng mga Pilipino sa harap ng krisis sa ekonomya at pulitika na humahambalos sa naghaharing sistema. Manipestasyon ito ng malawakang sentimyento ng malawak na masa na nagdurusa sa korapsyon at lumulubhang mga suliranin ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Sa gitna ng sumasahol na krisis panlipunan, aktibong tumutugon ang aping mga sektor sa mga panawagan para wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, at makibaka para sa pambansang demokrasya.

11. Ang malawakang mga protesta nitong Setyembre 21 ay bahagi ng lumalawak na rebelyon ng mga kabataan at mamamayan sa buong mundo. Humalaw ng inspirasyon ang mga kabataang Pilipino sa kamakailang demonstrasyon ng mga kabataan sa Indonesia at Nepal, at bago pa nito, sa Kenya at ilang mga bansa sa Africa, laban sa katulad na mga isyu ng korapsyon ng matataas na upisyal ng gubyerno, matinding hindi pagkakapantay-pantay, malubhang inhustisya at pampulitikang panunupil. Ang mga demonstrasyon naman nitong Setyembre 21 at ang lumalaking kilusan laban sa burukratang kapitalismo ay magbibigay inspirasyon rin at magtutulak sa mga kabataan at mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo na magbangon laban sa mga umaabuso sa kapangyarihan, mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila.

12. Ang mga protesta laban sa korapsyon ay lalakas pa, sa pakikiisa ng mas maraming sektor, laluna ng mga manggagawa, masang malaproletaryado ng mga walang trabaho sa mga komunidad, at masang magsasaka sa kanayunan. Sila ang bumubuo ng mayorya ng mamamayan. Tiyak na maramihan silang magbabangon sa paglawak ng gawaing pangkultura at pang-edukasyon na nag-uugnay sa mga pangunahing isyu ng burukratang kapitalismo at korapsyon, sa kanilang kongkretong mga problema tulad ng mababang sahod, kawalan ng trabaho, pangangamkam ng lupa, at kawalan ng kabuhayan.

13. Patuloy na gagampan ng mahalagang papel ang mga estudyante at kabataan sa kasalukuyang pagdaluyong ng mga protesta. Para magpalakas, kailangan nilang lumabas sa kanilang mga klasrum, matuto sa masa, at makipagkaisa sa mamamayan sa mga komunidad ng maralitang-lunsod at mga pabrika. Dapat din silang magtungo sa kanayunan kung saan mabibigyan sila ng mas malawak na pananaw sa kalagayan ng lipunang Pilipino. Dapat nilang masiyasat at masaksihan mismo, sa kongkreto, ang mga kabuktutan ng bulok na sistemang burukratang kapitalista, pinaghaharian ng imperyalismo, at atrasadong malapyudal. Sa ganito, ang intelektwal na pagkamuhi nila sa korapsyon ay maaaring maging isang habambuhay na kapasyahang paglingkuran ang bayan at makibaka para sa adhikain ng tunay na kalayaan at demokrasya.

14. Higit sa pagsasakdal sa mga Marcos, Duterte, at lahat ng tiwaling kriminal sa estado, malinaw ang paghahangad ng mga nagprotesta kahapon at sa mga nagdaang linggo na kamtin ang pagbabago sa naghaharing burukratang kapitalista at neokolonyal na rehimen. Ang panawagan nila na baguhin ang sistema ay isang malinaw na patunay na paborable ang kalagayan para sa pagsusulong ng pambansang demokratikong pakikibaka sa Pilipinas. Dahil sa malawakang mga protesta, lalong tumatag ang paninindigan ng mga rebolusyonaryo. Dapat magsikhay sila sa pagbigay ng pampulitikang edukasyon at palawakin ang iba’t ibang lihim na rebolusyonaryong organisasyon ng National Democratic Front. Ang mga demonstrasyon ay nagbigay inspirasyon din sa mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), na ngayo’y higit na determinadong isulong ang digmang bayan para makamit ang hangarin ng bayan para sa rebolusyonaryong pagbabago.

Pangkasaysayang kabuluhan ng mga protesta noong Setyembre 21 at mga hinaharap