Patuloy na ilantad at labanan ang kultura ng kawalang pananagutan sa loob ng PNP at buong estado

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pumutok ngayon sa balita ang desisyong simulan ang pagpapanagot sa mga elemento ng pulis na sangkot sa pagtortyur at pamamaslang sa mga kabataang sina Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman noong 2017. Isa itong positibong hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya para sa lahat ng biktima ng ekstrahudisyal at arbitraryong pamamaslang ng pulis at militar. Ibinunga ito ng walang sawa at buong tapang na kampanya ng kilusang masa para sa kanilang karapatan. Gayunpaman, hindi pa tapos ang laban. Ang kaso nina Arnaiz at De Guzman ay isa lamang sa napakahaba nang listahan ng krimen ng PNP at buong estado laban sa masang Pilipino.

Nagpapatuloy ang pakikibaka ng sambayanan laban sa kultura ng kawalan ng pananagutan sa loob ng mersenaryong hukbo ng PNP at AFP, gayundin sa loob ng buong kampo ng burukrasya. Ang walang katapusang mga kaso ng mga paglabag sa karapatang tao, laluna ang pamamaslang at masaker, kung saan hindi napapanagot at hindi napaparusahan ang mga sangkot na militar at pulis. Hindi sila dapat paligtasin sa kanilang mga krimen at brutal na kasalanan sa taumbayan. Hindi dahil sa mayroong isang kasong natugunan ay bigla na lamang maglalaho ang dati nang nakaugat na kultura ng kawalan ng pananagutan. Hindi utang na loob sa gubyerno ng pamilya ng mga pinaslang ang pag-aksyon sa kaso ng kanilang mga pinaslang na kaanak. Ito ay bahagi ng mandato ng estado sa kanyang nasasakupan.

Ang mas malaking usapin ay hindi lamang ang kawalan ng katarungan kundi ang mismong pagpapasimuno ng estado at armadong pwersa nito sa sistematikong pandarahas at pagpatay sa mamamayan. Dapat matalas na labanan ng publiko ang kaliwa’t kanang kampanyang mapanupil ng AFP-PNP na pangunahing nakatutok sa sibilyang populasyon. Kung wala ang mga militaristang patakaran na ito, walang pamilyang maghahagilap sa mailap na katarungan.

Sa huli, kung may isang bagay na pinatutunayan ang kaso nina Arnaiz at De Guzman ito ay ang katarungan sa bansang Pilipinas ay hindi kusang ibibigay ng mga nasa kapangyarihan. Hanggat nananatiling bulok ang kaayusan at ang armadong pwersa ay nagsisilbi sa pamamayagpag ng interes ng iilan, kailangan itong buong pagpupursiging ipakipaglaban at ipagtanggol. Walang aasahan ang sambayanan mula sa isang marahas na estadong siya mismong tumatarget at nandarahas sa kanyang mamamayan. Ang tanging pag-asa ng taumbayan ay nakasalalay sa kanilang makauring pagbibigkis at paglaban.

Patuloy na ilantad at labanan ang kultura ng kawalang pananagutan sa loob ng PNP at buong estado