Paunlarin ang progresibo at rebolusyonaryong katutubong kultura ng Kalinga
Naging abala ang buong provincial government ng Kalinga sa pagsasagawa ng Kalinga Day nitong buwan ng Pebrero. Itinakda ng PLGU (provincial local government unit) na tema ng pagdiriwang ang “Katutubong kultura ang siyang lakas ng Kalinga.”
May katumpakan ang tema ng Kalinga Day (o Kalinga Founding Anniversary), pero kailangang ilinaw kung ano ang tinutukoy na katutubong kultura na lakas ng probinsya.
Ang pinapalaganap ng Provincial LGU na itsura ng katutubong kultura at paraan para paunlarin ito ay mababaw at tumutungo sa komersyalisasyon, pagbebenta at pagkasangkapan sa kultura bilang negosyo at pang-akit sa turista. Ganito ang pinatutunguhan ng mga mayor na aktibidad na isinagawa. Halimbawa, upang mapaunlad ang lokal na paghahabi ay nagkaroon ng Laga Fashion Show, pinakamahabang bahag at pinakamalawak na tapis.
Ang tunay na lakas ng katutubong kultura ng Kalinga ay ang mga positibo at progresibong ugali. Pangunahin ang pagkakaisa ng mga tribu para ipaglaban ang lupa, buhay, kabuhayan at rekurso na umaabot hanggang sa armadong pakikibaka. Positibo din ang pagdamay at pagtulong sa mga katribung mahihirap, maysakit, kababaihang may sanggol, mga bata at mga matandang di na makapagtrabaho. Mayroon ding pakikipagtulungan sa ibang mga tribu (halimbawa, ang mga ka-bodong o ka-peace pact) at ibang mga baryo. Ito ang progresibong katutubong kultura na kinatawan ni Macliing Dulag at Daniel Ngaya-an sa pagtatanggol nila sa Ilog Chico laban sa pakana ni Ferdinand Marcos Sr na magtayo ng malalaking dam sa nasabing Ilog.
Ang isa pang bahagi ng katutubong kultura na dapat maikampanya ay ang mga pamamaraan ng pagpapadami ng pagkain, pangunahin ang bigas, kaalinsabay ng pagpapaunlad ng mga pamamaraang ito. Matagal nang ‘Rice Granary ng Cordillera’ ang Tabuk. Inabot ang ganito sa pamamagitan ng sistema ng pagtatanim na nakasandig sa pagkakaisa at pagka-organisado ng komunidad, na sumusunod sa iisang kalendaryo mula pagtatanim hanggang anihan. Dito nakaangkla ang maraming katutubong ritwal at sayaw. Hindi sana nagagamit ang mga ito bilang pang-aliw o entertainment lamang ng mga turista.
Kung hangarin ng mga opisyal ng LGU na maalala ng taumbayan ang panahon ng kanilang panunungkulan, itaguyod sana nila ang progresibong katutubong kultura. Ipaglaban sana nila ang lupaing agrikultural at rekursong pag-aari ng mamamayan. Labanan sana nila ang malawakan at tuloy-tuloy na land conversion, at ang pagpasok ng malalaking minahan tulad ng Makilala Mines at mga dam project para sa negosyong hydropower. Bigyan din nila ng diin ang mga programang susuporta sa mga magsasaka upang mapadami ang pagkain, na hindi nakatali sa imported at nabibiling farm inputs. Suportahan sana nila ang sistema ng edukasyon na magtuturo sa mga kabataan na pahalagahan ang lupang ninuno at ang pangangalaga dito. Maipamana sana natin sa kanila ang dakilang papel ng mamamayan ng Kalinga at Kordilyera sa kasaysayan ng pakikipaglaban sa mga mananakop at sa diktadurang Marcos Sr.
Itaguyod at paunlarin ang progresibo at rebolusyonaryong katutubong kultura ng Kalinga!
Ipaglaban ang lupa, buhay, kabuhayan at rekurso!
Pagsilbihin ang kultura sa pag-abante ng Pambansa-Demokratikong Rebolusyon hanggang Sosyalismo!