Pahayag

Pera ang isinasampal ng MWSS sa mga katutubo

,

Ampaw at pakitang-tao ang pagbabayad ng Manila Waterworks and Sewerage Systems (MWSS) sa mga katutubong Dumagat at Remontado para sa epekto ng proyektong Kaliwa Dam. Bukod pa sa lubhang malayo ang sinasabi nitong 66 pamilya sa totoong 10,000 pamilyang maaapektuhan ng proyekto, walang maitutumbas na halaga sa ilang henerasyon na nilang tirahan, taniman at ginagalawang kabundukan. Buhay at kabuhayan ang aalisin sa kanila sa konstruksyon ng proyekto. Hayagang pambabastos din ito sa karapatan ng mga katutubo.

Hinahayaan naman ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na sagasaan ng MWSS ang karapatan ng mga katutubong Dumagat at Remontado. Sa pagbabayad na ito malinaw kung kanino nakakiling ang NCIP, at ito ay sa reaksyunaryong gubyerno at dayuhang kapitalista. Pagsasalaula ito sa kasalukuyang kampanya ng mga katutubong Dumagat at Remontado na nagmamamartsa tungo sa Metro Manila upang tutulan ang Kaliwa Dam. Lehitimong iginigiit at ipinaglalaban ng mga Dumagat ang kanilang interes, ngunit salapi lang ang nakikita ng NCIP na katapat ng kanilang mga kinakatawan.

Iigting pa ang paglaban ng mamamayan sa konstruksyon ng Kaliwa Dam. Ilampung libong mamamayan na ang nagpapahayag ng mariing pagtutol sa proyekto at nakikiisa sa mga katutubong Dumagat at Remontado. Tiyak na kakapal lalo ang hanay ng mamamayang lumalaban dito dahil sa malinaw na pinsala na idudulot nito sa mamamayang Pilipino at sa kalikasan.

Kasabay nito, dapat kundenahin ng buong mamamayan ang NCIP sa pagbebenta nito sa interes ng mga katutubo at pagpapabaya sa mandato nitong itaguyod ang karapatan ng mga katutubong Dumagat at Remontado at bigyan ng boses ang mga pampansang minorya sa loob ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Sa pakikipagsabwatan nito sa MWSS para sa proyekto, binibigo ng NCIP ang mismong sektor na kinakatawan nito, at sa katunayan ay naglalantad dito bilang anti-katutubo at reaksyunaryong ahensya.

Walang aasahan ang mga katutubong Dumagat at Remontado sa rehimeng US-Marcos na patuloy na nagraratsada ng pagpapalayas sa kanila sa ngalan ng Kaliwa Dam. Dapat na lumahok ang mga katutubong Dumagat at Remontado sa demokratikong rebolusyong bayan para pagsanibin ang pakikibaka nila para sa karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya sa kabuuang pakikibaka para sa pagbabago ng lipunan. Tanging sa pagsusulong nito at sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan tunay na magkakaroon ng boses ang mga katutubo sa lipunan

Tutulan ang Kaliwa Dam!

Lupang ninuno, depensahan!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!###

Pera ang isinasampal ng MWSS sa mga katutubo