Pahayag

Pinakamataas na pagpupugay at Pulang Saludo kay Ka Gemma, Pulang Kumandera, Martir ng sambayanan!

Pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo ang ipinaabot ng Cesar Batralo Command-NPA-Laguna kay Susan “Ka Gemma” Ritual, Pulang kumandera ng Bagong Hukbong Bayan!

Nasawi si Ka Gemma sa pasistang atake ng 80th IBPA at 22nd DRC ng 2nd ID sa Barangay Bacong Sigsigan, Famy, Laguna noong Nobyembre 28, 2024 habang gumagampan ng rebolusyonaryong gawain sa hanay ng masa. Labag sa Internasyunal na Makataong Batas, walang-awa at walang-patumanggang pinamaril ng 22nd DRC si Ka Gemma kasama ng mga kabataan at iba pang residente ng Sityo Bakong sa gitna ng bahayan.
Gayunman, ang pagkasawi ni Ka Gemma ay hindi mangangahulugan ng katapusan ng dakilang pakikibakangahigit dalawang dekada na niyang inambagan. Magsisilbi siyang inspirasyon sa kanyang mga naiwang kasama at mga masang nakadaupang palad sa ilang ulit pang haba ng panahon.

Magsasaka, Katutubong Dumagat

Ipinanganak si Ka Gemma sa Dinamayanat, San Luis, Aurora noong October 13, 1984 sa katutubong Dumagat na pamilya ng mga maralitang magsasaka. ‘Di man malawak ang kanilang lupain, nilaanan sila ng kanilang mga magulang ng mga parselang lupa na aalagaan at pagyayamanin mula pagkabata.

Sa hirap ng buhay, hindi na nakapag-aral si Ka Gemma. Para makatulong sa pamilya, lumuwas siya sa kalunsuran upang mamasukan bilang kasambahay mula sa edad na 13. Hindi naging hadlang sa kanya ang kasalatan sa kaalaman, sa pagbabasa at pagsusulat, upang makipagsapalaran at tahakin ang lubhang ibang mundo ng kalunsuran. Ginamit niya ang kanyang magiliw na pakikisalimuha upang mailapit ang sarili sa mga taong nakikilala niya at mag-alam, hanggang sa siya ay matulungan.

Babaeng mandirigma tungong Pulang kumandera

Naantig si Ka Gemma sa mga nakilala niyang kababaihang hukbo sa kanilang lugar. Dahil dito’y buong-loob siyang nagpasyang sumampa sa yunit noong 2002.

Bagamat dumanas ng krisis sa unang taon ng kanyang pagkilos, hindi ito naging dahilan upang talikuran ang pakikibaka. Umabante si Ka Gemma sa kabila ng mga hamon.

Nahubog siya bilang matapat at responsableng Pulang mandirigma kung saan niya inilaan ang 22 taon niya sa Bagong Hukbong Bayan.

Gumampan siya ng mga gawain mula 2002 ganggang 2009 hanggang sa maging platun medik dito. Matapos ito, maitatalaga si Ka Gemma sa isang yunit mula 2009 hanggang 2018 bilang iskwad lider ng isang platun, at gagampan din ng gawain bilang medik at pampulitikang instruktor. Madalas na kinailangang lumabas ng mga pangunahing opisyal para sa mga gawain, kaya’t babalikatin ni Ka Gemma ang maraming gawain sa loob ng yunit. Kahit galing sa panganganak at kumaharap sa mga personal na krisis, buong-buong tinanggap ni Ka Gemma ang mga kinakailangang isulong na iba’t ibang gawain, at nagsilbi itong sanayan para sa kanya.

Ibinibigay ni Ka Gemma ang pinakamakakaya niya sa anumang atas sa kanya.

Hindi naging hadlang ang kanyang kakapusan sa literasiya upang gumampan bilang giyang pampulitika, at sa proseso ng unang mga taong paggampan ay matututong magbasa at magsulat, hanggang sa magbigay ng mga pag-aaral. Lubusan niyang pinaliliwanag ang mga prinsipyo, pagsusuri at patakaran sa paraang lapat at mauunawaan ng kanyang mga mag-aaral.

Natuto rin siyang mag-opera sa mga maysakit bilang medik. Isa siyang masipag at mapagkalingang doktor ng mamamayan at hukbo. Anumang oras na kailanganin siya ng masa at mga kasama, kahit pa may mga sariling karamdaman ay pinupuntahan at inaasikaso niya ang mga ito, mula sa pag-tsek-ap, pag-aakupangtura, pag-oopera sa mga sugat, at kahit paglilinis at paggamot ng mga paa ng mga kasamang may alipunga. Pinararamdam niya sa mga kasama ang kalinga ng isang ina, na bagamat nais niya ring maiadama nang lubos sa sarili niyang anak ay ibinubuhos niya sa mga kasama at mamamayan.

Nahubog din siya bilang opisyal militar at Pulang kumandera. Mula sa pagiging iskwad lider ng isang platun, taong 2018 ay maitatalaga siyang pangalawang platun lider sa isang laking-kumpanyang yunit. 2018 hanggang 2023 naman ay gagampan siya bilang iskwad lider hanggang pangalawang platun lider habang nagsisilbi ring giyang pampulitika.

Partidista, Komunista

Mula sa unang bahagi ng kanyang pagiging kasapi ng Partido sa sangay ng platun, aktibo si Ka Gemma sa paglalahad ng kanyang mga opinyon sa mga usapin at pagharap ng kanyang mga obserbasyon. Tapat and responsable siyang naglalahad ng kanyang mga palagay hangga’t sa tingin niya’y alinsunod ito sa mga prinsipyo at patakaran. Matatag niyang binabaka ang liberalismo at ihihanarap ang mga nakikitang niyang kapunahan sa mga nangingibabaw na kahinaan at kamalian, kahit pa mangahulugan ito ng maigting na pakikitunggali, sa diwa na makabalik sa mga prinsipyo.

Mahigpit siyang tumatalima sa mga kaisahan, at mga binubuong desisyon at patakaran. Mahigpit ang pagtalima niya sa demokratikong sentralismo at gagap niya ito bilang proseso ng pagbubuo at pagtataguyod ng pagkakaisa sa organisasyon. Nilulubos niya ang mga talakayan sa pagbubuo ng mga ito ngunit sa kabila ng mga kontra-punto ay buo pa rin niyang itataguyod ang mga pinagkaisahan nang walang pasubali.

Dahil din dito, sa mga yunit na kinabilangan niya, isa siya sa mga maaasahang magpapanatili at magpapatibay ng pagkakaisa sa loob ng Hukbong Bayan at laluna sa Partido.

Matatag niyang naisasabuhay ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Katangian niya ang pagiging matipid habang mapanlikha at maparaang nangangalap ng anumang pangangailangan ng yunit. Mataas ang kahandaan ni Ka Gemma sa kahirapan at sakripisyo. Sa kanyang pananaw, ang lahat ng kahirapan ay nagagawan ng paraan para mapangibabawan, kaya’t kinakaya niyang lagpasan ang maraming balakid, personal man o sa gawain, maliit man o malaki, at nagagawang batahin ang anumang pasanin.

Kakikitaan agad si Ka Gemma ng diwa ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanan. Sa araw-araw niyang pagkilos, handa siyang isakripisyo ang sariling kapakanan para ipauna kapakanan ng kanyang kapwa, maging mga Pulang hukbo o masa. Mapait at masakit man ang mga dinanas niyang krisis, tulad ng pangungulila sa mahal niyang anak at asawa, hinahawakan niya ang pagmamahal niya sa Partido at laksa-laksang masang kanyang pinaglingkuran. Sa anumang paraan alukin ng inasukalang bala ng kaaway, hindi niya ipinagpalit ang kapakanan ng Partido at mamamayan.

Ang pagkasawi ni Ka Gemma ay hindi nangangahulugan ng pagwawakas ng dakilang simulain tulad ng nais ipinta ng reaksyunaryong AFP-PNP at ng rehimeng US-Marcos II.

Iilang panahon man, ang kanyang naiambag bilang hukbo ng Cesar Batralo Command-NPA-Laguna ay patunay ng pagpupunyagi at magiting na pakikipaggitgitan upang patuloy na pag-alabin ang rebolusyon saanman siya kinakailangan. Patunay din ito na hungkag ang deklarasyong insurgency-free na ang ilang mga bayan sa Laguna gaya ng Famy at Sta. Maria at sa halip ay nagagawa pang kilusaan at pagpunyagian ng CPP-NPA. Hindi susuko, lalong susulong ang mga naiwang kasama ni Ka Gemma tangan ang kanyang nabitawang armas at bitbit ang kanyang alaala bilang inspirasyon, sa pagpapalakas, hanggang sa tagumpay!

Pulang saludo kay Susan “Ka Gemma” Ritual!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Pinakamataas na pagpupugay at Pulang Saludo kay Ka Gemma, Pulang Kumandera, Martir ng sambayanan!