Pondo ng NTF-ELCAC, panustos sa panunupil sa Kadumagetan

Bumubula na naman ang bibig ni Antonio Parlade Jr. sa pagsasabing inilalaan ang malaking bahagi ng pondo ng NTF-ELCAC sa Barangay Development Program nito na nagbibigay umano ng P20 milyon para sa mga proyektong pangkaunlaran sa bawat “cleared barangay.” Pinangalanan pa nito ang Brgy. Puray, Rodriguez at Brgy. Sta. Inez, Tanay sa Rizal at mga Brgy. Lumutan at Umiray sa General Nakar, Quezon na kabilang sa listahan ng cleared barangays at ipinagyayabang na tagumpay ang kampanya ng NTF-ELCAC sa mga lugar na ito.

Walang mga proyektong nagpapaunlad sa pamumuhay at nagsisilbi sa interes ng katutubong Dumagat at Remontado sa mga nasabing lugar. Patuloy na kinakamkam ang lupaing ninuno, hinahadlangan ang paghahanapbuhay, at pinag-iibayo ang paglabag sa karapatang-tao ng masang Kadumagetan. Ang tanging isinasagawa at pinauunlad ng NTF-ELCAC ay kung paano susupilin, papaslangin at patatahimikin ang masang Kadumagetan.

Sa Rizal, pinagbabawalan ng 80th IB na pumunta ang mga katutubo sa kanilang mga kaingin sa Brgy. Puray. Bugbog din ang mamamayan nito sa mga brutal at mapanupil na operasyon ng 80th IB at PNP-Rizal na nagsampa ng kaso sa 30 katutubo ng Brgy. Puray at karatig nitong Sityo Inuman. Sila rin ang pumaslang sa magpinsang sina Puroy at Randy Dela Cruz sa Sta. Inez, Tanay nitong buwan lamang ng Marso. Ginastusan din ng pondo ang sapilitang pagpapasuko sa 86 residente ng Sityo Inuman, Brgy. San Lorenzo, Norzagaray, Bulacan noong Agosto 2020.

Sa Quezon, pinaggagastusan at pinagkakakitaan ng 80th IBPA ang nagpapatuloy na sapilitang pagpapasuko sa mga katutubo sa Brgy. Umiray at Brgy. Lumutan. Isinasailalim din sa walang-habas na surveillance, red-tagging at intimidasyon ang mga katutubo sa mga barangay na ito.

Isang buwan nang ginugutom ng food at economic blockade ng 1st at 80th IBPA ang mga katutubong Dumagat at Remontado sa Brgy. Puray, Rodriguez, Rizal at Brgy. Umiray, General Nakar, Quezon.

Pakitang-tao lamang ang Barangay Development Program ng NTF-ELCAC upang pabulaklakin ang kampanyang panunupil nito. Tanging kabuktutan, karahasan at panggigipit ang tunay na pinaglalagakan ng pondo ng NTF-ELCAC. Walang pakialam ang mga reaksyunaryong katulad nina Antonio Parlade Jr. at Hermogenes Esperon sa kapakanan ng Kadumagetan at ng mamamayang Pilipino at sa katunayan ay ginagamit mismo ng mga ito ang kaban bayan upang sikilin at patayin ang mga katutubo at mamamayan.

Nananawagan ang Kadumagetan sa lahat ng mga chieftain at mga lokal na gubyerno, pati sa mga progresibong grupo at indibiwal na ilantad na ang tunay na pinaglalaanan ng pondo ng NTF-ELCAC. Singilin ang rehimeng US-Duterte sa dapat na nakukuhang P20 milyon ng mga barangay na nakalista upang pakinabangan ng mamamayan ang nasabing pondo. Higit sa lahat, dapat na magkaisa ang Kadumagetan sa matatag na pagharap at pagbigo sa tumitinding panunupil ng rehimeng US-Duterte.###

Pondo ng NTF-ELCAC, panustos sa panunupil sa Kadumagetan