Pahayag

Isabuhay ang diwa ng walang takot na pagharap sa kahirapan at sakripisyo! Magpursige, at lumaban! Pulang saludo at pagpupugay kay Kasamang Rosemarie "Ka Agnes" Gayadan

, ,

Pinakamataas na parangal at pagpupugay ang iginagawad natin kay Kasamang Rosemarie Gayadan, kilala bilang “Ka Agnes,” “Ka Nancy,” “Ka Maolen” at “Ka Soya” sa mga sona at larangang gerilya ng Mindoro, tunay na bayani, matapang na kumandera’t mandirigma, dakilang ina at martir ng sambayanan. Napaslang si Ka Agnes sa isang depensibang labanan noong December 18, 2024 sa Sitio Tinis-an, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro.

Nakikiramay ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro sa naiwanang asawa, mga anak, mga magulang, kapatid, kapamilya, mga kaibigan at kasama ni Ka Agnes sa kanyang pagkawala. Masakit at mabigat ang kamatayan ni Ka Agnes; kagaya ninyo’y nagdadalamhati at naghihinagpis kami dahil sa pagkabuwal ng isang mahusay at minamahal na kasama. Gayunman, sumumpa tayong ating bibigyang hustisya ang kamatayan ni Ka Agnes sa pagsasabalikat at pagtutuloy ng gawain sa rebolusyon na naiwanan ni Ka Agnes. Ang armas na kanyang nabitawan ay tungkuling damputin ng mga naiwang tangkas ng mga kasalukuyang rebolusyonaryo.

Sa murang edad, napukaw si Ka Agnes ng tawag ng rebolusyon dahil ang kaniyang kinalakhang baryo ay saklaw ng sonang gerilya na madalas na himpilan ng yunit ng Hukbo at ang kanyang buong pamilya ay inoorganisa ng mga kasama. Isa si Ka Agnes sa mga kabataang pumaloob sa mga grupong pang-organisa (GP) ng kabataan sa kanilang baryo. Madalas din siyang makatalakayan ng mga Hukbo at makapasok sa mga kampuhan kaya napabilis ang kanyang pagkamulat bilang isang kabataang katutubo na biktima ng mapang-aping sistema. Kahit bata pa, nag-aambag na si Ka Agnes sa ilang gawaing teknikal bilang suporta sa armadong pakikibaka.

Bilang isang kabataang mulat, sumama siya sa pagsulong ng kampanya sa ilalim ng rebolusyong agraryo (RA) sa kanilang lugar: ang pagpapataas ng presyo ng pebbles na isa sa kabuhayan sa tabing dagat sa Norte ng Occidental na nagpakilos sa kanilang baryo at mga karatig na lugar kung saan ang kabuhaya’y sa pagkuha at pagbebenta ng pebbles. Sa kampanyang ito, higit na naunawaan ni Ka Agnes ang kabuluhan ng rebolusyon at ng Hukbo sa buhay ng mga mahihirap kagaya ng kanyang pamilya. Kaya naman kahit wala pang 18 taong gulang ay nais na ni Ka Agnes na sumapi sa Pulang Hukbo. Gayunman dahil bata pa nga si Ka Agnes, binigyan muna siya ng mga kasama ng gawain sa lokal at ispesyal na gawain sa labas ng sona habang hinihintay na siya’y magkaroon ng hustong gulang o magdisi-otso.

Si Ka Agnes ay 29 na taong gulang, tubong Barangay Manan-aw, Paluan, Occidental Mindoro. Bunso siya sa kanilang magkakapatid. Mula si Ka Agnes sa mga katutubong Mangyan-Iraya. Dahil sa kahirapan ng buhay hindi na nakapag-aral sa burges na paaralan si Ka Agnes, isang bagay na sa loob na ng Hukbo na niya matututunan. Kasabay ng pag-aaral sa lipunan at rebolusyong Pilipino, sa unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at paglalapat nito sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas, pinagkunutan ng noo ni Ka Agnes ang pagbasa, pagsulat at pagkwenta—na minsa’y nagpasakit sa kanyang ulo ngunit pinagsikapan niyang pangibabawan.

Kumilos si Ka Agnes sa mga baryo at bayan sa Timog ng Occidental at Oriental Mindoro sa mahigit isang dekada niyang pagiging pultaym na Pulang mandirigma. Mula nang sumampa siya noong 2012, kasama siya ng kanyang yunit na kumilos sa mga nasabing erya para ireaktiba, irekober at konsolidahin ang baseng masang matagal na naiwanan ng Hukbo. Sa kabila ng limitasyon sa pagbasa at pagsulat, hindi ito naging sagka para mapangahas na abutin ni Ka Agnes ang mga masa.

Pinangunahan ni Ka Agnes bilang tim lider o kaya’y giyang pampulitika ang maraming mga tim kapwa sa ekspansyon at konsol erya at madalas siyang mapabilang sa mga gitgit formation at bumabalik sa mga eryang pinopokusan ng kaaway para sa gawaing masa o gawaing militar. Kilalang-kilala si Ka Agnes ng mga masa, laluna ng mga bata at nanay, dahil sa pagiging malapit at makwento sa kanila. Dahil sabik si Ka Agnes sa kanyang mga anak at likas na magiliw sa mga bata, kaagad na kinakalong at inaalagaan niya ang mga bata sa mga bahay na natutuluyan ng kanyang yunit. Mabilis siyang makipagpalagayang loob sa mga nanay at tatay. Natural at masigla siyang makipagkwentuhan sa masa tungkol sa kanilang buhay habang tumutulong sa gawaing bahay o gawain sa bukid.

Sa loob ng mahabang panahon, gumampan si Ka Agnes bilang opisyal sa lohistika ng platun (o P4) sa kabila ng kanyang limitasyon sa literasiya at numerasiya. Isa sa mga gawaing nagpakadalubhasa siya ay ang pangangasiwa sa araw-araw na operasyon ng kusina at rekurso ng buong yunit. Masinop at malinis si Ka Agnes sa kusina at pinupuna ang mga kasamang makalat at hindi naglilinis. Istrikto siya sa pagtatala at pag-uulat ng arawang gastos at palitaw ng yunit. Aniya “Dapat kahit maliit o malaki ay naitatala natin kasi sa Partido ‘yan.” Sa mahusay na pamumuno ni Ka Agnes, sinikap niyang araw-araw ang pulong ng mga opisyal sa lohistika kahit pa nga abala ang mga kasama sa iba’t ibang gawain sa maghapon. Paraan ito ni Ka Agnes para maipatimo sa mga kasama ang kolektibong pamumuno kasabay ng pagtuturo sa mga sinasanay sa pamamagitan ng pagtatasa ng maghapong gawain at pagpaplano para sa kinabukasan.

Isa ring mahusay at dedikadong medikal si Ka Agnes. Kapos man sa teorya, praktikal na karanasan, lakas ng loob, kapangahasan at pagmamahal sa gawain ang puhunan ni Ka Agnes sa gawaing medikal kaya natutunan niya ang pagbubunot ng ngipin, ilang minor operation, akyupangtura, iba pang paraan ng panggagamot sa maysakit at maging ang pagpapaanak sa mga kasamang buntis. Mapagkalinga si Ka Agnes sa mga kasama. Hindi iilang kasamang nagkasakit at nanganak ang binadihan ni Ka Agnes at mahusay niyang inalagaan sa mga panahong kasama niya ang mga ito. Walang pagod nyang ipinagluluto, pinakakain at ipinaglalaba ang mga kasama para mabilis silang gumaling at lumakas. Madalas din lapitan ng mga kasama si Ka Agnes para magpatahi ng kanilang mga bubong, duyan at kahit pa nga mga parka at kamesa tsino.

May panahon ding inabot si Ka Agnes ng krisis sa pagkilos. Naging mabigat sa kanya noong naiulat na nawawala ang kaniyang kapatid, na isa ring Hukbo, matapos ang isang depensibang labanan. Sa tulong ng kanyang mga kolektib, pinangibabawan ni Ka Agnes ang kalungkutan at higit pang nagpakasipag sa gawain. May ilang panahon ding nag-isip si Ka Agnes na umuwi at talikuran ang armadong pakikibaka. Gayunman, nakokonsolida siya ng pagiging malapit sa masa at mga kasama dahilan para magpatuloy siya sa pagkilos hanggang sa kaniyang pagkamartir. Hindi kailanman nakalimutan ni Ka Agnes ang kaniyang mga kapatid, magulang, at mga anak at sa tuwina’y nasasabik siyang makita at mayakap ang mga ito at lagi silang laman ng kaniyang mga kwento. Gayunman, ang makapiling ang kaniyang pamilya ay ayaw ipagkaloob ng pasistang kaaway at ng sitwasyong militar kaya mailap ang pagkakataon para magawa ni Ka Agnes ito. Laging nariyan ang banta ng panganib sa buhay at seguridad ng yunit na kinabibilangan ni Ka Agnes at kaniyang pamilya kaya naman kahit gustung-gustong makita at makausap ni Ka Agnes ang kanyang pamilya, mulat niyang ipinagpapaliban ang kanyang dalaw sa pamilya.

Laging maaalala ng mga kasama at masa si Ka Agnes na makulit, mataray, mapagbiro, mapagmahal at maalalahaning kasama. Maaalala natin siya sa kaniyang nakatutuwang mga aksyon at reaksyon sa mga pinapanood na pelikula. Hahanap-hanapin natin ang magiliw sa masa, masipag sa kusina, mapangahas sa gawain na kayang lagpasan ang mga limitasyon at balakid na si Ka Agnes.

Naibigay na ni Ka Agnes ang pinakamataas na sakripisyo alang-alang sa paglilingkod sa sambayanan—ang magbuwis ng buhay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang ating pighati, pagdadalamhati at poot ay ibaling nating lahat sa pagdurog sa kaaway ng sambayanang Pilipino. Walang humpay tayong lumaban sa kaaway na kumitil sa buhay ng ating mga mahal na kasama, kaaway na nagpapahirap, nang-aapi, at nagsasamantala sa mamamayang Pilipino: ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Malaki at mabigat ang ating tungkulin sa pagpapanibagong lakas ng rebolusyon sa panahong seryoso at walang tigil ang pagsusumikap ng kaaway na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang 2024. Sa gitna ng ating inilulunsad na kilusang pagwawasto, habang nagsisikap tayong igpawan at lampasan ang ating mga kahinaan at muling makasulong, gawin natin ang maingat subalit puspusang pakikibaka. Iwasan natin ang pagtamo ng mga malalaking pinsala sa ating hanay habang mulat at walang takot nating hinaharap ang samu’t saring sakripisyo at kahirapan, kabilang na ang kamatayan, na siyang kinakailangan at puhunan para maisulong at maipagtagumpay ang rebolusyonaryong mithiin ng sambayanan.

Mabuhay ang diwa at alaala ni Rosemarie “Ka Agnes” Gayadan!
Mabuhay ang lahat ng martir ng rebolusyon!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Mangahas, makibaka!

Pulang saludo at pagpupugay kay Kasamang Rosemarie "Ka Agnes" Gayadan